NAKANGITING sinalubong ni Phylbert si Jace na papasok sa kanilang bahay. "Hi!" masiglang bati niya rito na lalo pang ginandahan ang kanyang pagkakangiti.
"Hi," matipid na ganti nito. Matipid din ang ngiting ibinigay nito sa kanya. Tila wala itong gana na makita siya. "Where's your brother?"
Napalabi siya. "In his room," tugon niya. Jace was her brother Joaquin's best friend. Halos sabay na lumaki ang mga ito. Matalik na magkaibigan din ang mga ama nila.
Nagpaalam ang binata na pupuntahan ang kapatid niya. Bago pa man siya makapagprotesta ay mabilis na itong nakaakyat sa hagdan. Nais sana niyang sabihin dito na abala si Joaquin sa mga larawan nito ngunit alam din naman niya na kahit na gaano kaabala ang kanyang kuya ay maglalaan ito ng panahon para sa matalik na kaibigan.
Pinigilan ni Phylbert ang sarili na magdabog. Matagal nang sinasabi sa kanya ni Jace na dalaga na siya at hindi na dapat nagdadabog tuwing hindi niya nakukuha ang kanyang mga gusto. Hindi naman siguro ito aalis kaagad at maaaring magkaroon siya ng pagkakataon na makakuwentuhan ito pagkatapos nitong kausapin ang kanyang kuya.
Nagtungo na lang si Phylbert sa kusina. Nadatnan niya roon na abala sa pagluluto si Bianca Cipriano. Ito at ang asawa nitong si Hiram ang babaeng kumalinga sa kanya mula nang mamayapa ang kanyang tunay na mga magulang.
"Mommy, pilitin mong dito na lang kumain ng dinner si Jace, ha," hiling niya rito habang umuupo sa isang high stool sa harap ng kitchen counter top.
Ngumiti ito. "'Wag ka kasing masyadong makulit."
Napalabi siya. "Hindi naman, ah."
Banayad itong tumawa. "Hindi raw. You're all over him, Phylbie. Naiilang na siya sa 'yo. Pati kuya mo, hindi na alam kung sasawayin ka o ano."
"Nagulat pa ba siya nang sabihin kong mahal na mahal ko siya? Everyone knows about my feelings for him, Mommy. I've been in love with him since the day I laid eyes on him. Hindi na siya dapat na naiilang. Hindi niya ako kailangang iwasan."
"Honey, you were just ten when you first laid eyes on him."
Nakangiting tumango siya. "Uh-huh! I've loved him ever since. Isn't that great? He's my first love and he's gonna be my last because I'll never love anyone else."
Nakangiting hinaplos nito ang kanyang buhok. "You just turned eighteen, baby."
"Finally. I've waited so long to be of legal age. Dalagang-dalaga na ako. Hindi na ako pagbabawalang makipag-boyfriend ni Daddy. I'm no longer a baby." Everyone—almost everyone adored her. Mula nang dumating siya sa Pilipinas sampung taon na ang nakararaan ay animo baby kung tratuhin siya ng lahat ng taong nakapaligid sa kanya.
"You're still my baby. Kahit na treinta ka na, ikaw pa rin ang baby ko."
Biglang napalingon si Phylbert sa entrada ng kusina. Naroon si Hiram Cipriano. "Daddy!" masayang bulalas niya. Sinalubong niya ito at niyakap. "Pasalubong ko."
Tumatawang ibinigay nito sa kanya ang isang kahon ng tsokolate. "Thank you," aniya bago hinagkan ang pisngi nito. "'Love you, Dad. You're the best! Pero sa susunod, flowers na lang kasi dalaga na ako."
Tumatawa pa ring pinisil nito ang kanyang ilong. "Huwag kang magmamadali sa paglaki, anak. Hindi pa ako handa. Hindi pa ako handang may makahati sa ganito mong paglalambing."
Umingos siya. "Hindi na nga ako lumaki, eh." Five feet flat lang ang taas niya. Matangkad ang kanyang tunay na ama pero ang namana niya ay ang pagiging petite ng kanyang ina. Ayon kay Mommy Bianca, manang-mana siya sa kanyang tunay na ina. Kamukhang-kamukha raw niya ito noong kaedad siya nito.