"RELAX, Pen," ani Phylbert sa kaibigan habang inaayos niya ang buhok nito.
"Relax! Paano ako magre-relax? Hindi makakarating si Joax dahil delayed ang flight niya. Kasasabi mo lang na ipapa-auction tayo ng mommy mo. Ano ang ka-relax-relax sa sitwasyon ko ngayon? Sabi ko na, dapat hindi na lang ako pumunta, eh."
Natawa siya. "It's gonna be fun. Hindi naman tayo ang io-auction per se. Lahat lang ng sayaw natin ngayong gabi. Hindi ka pababayaan ni Daddy. He'd bid for you. Alam niyang magagalit si Kuya kapag may iba kang makakasayaw sa buong event. Excited na ako. Jace had better win all my dances. I hate dancing with anyone else."
"Gusto ko nang umuwi."
Hindi na niya ito pinakinggan at ipinagpatuloy ang pag-aayos sa buhok nito. Siniguro niyang magiging napakaganda nito. Pagkatapos nilang magpaganda ay tumulong sila sa kanyang mommy para sa last minute preparations. They welcomed the incoming guests.
Nagliwanag ang mukha niya nang dumating si Jace kasama ang ama nito. Hindi na siya nagtakang hindi kasama ang ina ng binata. Hindi nakakaligtaang imbitahin ni Mommy Bianca ang asawa ni Tito Lyle, ngunit palagi itong hindi dumadalo. Nang tanungin niya dati si Mommy Bianca kung bakit ganoon si Tita Rachelle, ang sagot lang nito ay may mga tao talaga na sadyang hindi nagkakasundo.
Kahit na nakaharap si Tito Lyle ay hindi siya nahiyang yakapin si Jace. Tito Lyle completely and totally adored her.
"Jace! You're here!"
"Sshh! Parang ang tagal nating hindi nagkita kung makayakap ka. Behave, Phylbie."
Hinagkan niya ang pisngi nito. "Okay, I'll behave. Pero kailangan mong mangako na ipapanalo mo ang lahat ng sayaw ko ngayong gabi."
"I can't promise you anything. I've got no money." Ngumisi ito.
She scowled at him. "It's for a good cause."
Tumawa ito. "I know. We'll see later."
"Babayaran kita. Basta sa 'kin ka mag-bid. Hindi ako puwedeng makuha ng iba."
Bumaling ito kay Penelope sa halip na sagutin siya. "Hi," bati nito. Nabasa niya ang paghanga sa mga mata nito habang nakatingin sa kanyang kaibigan.
"H-hello," ganting-bati ni Penelope sa tila nahihiyang tinig.
"Ang ganda niya ngayon, 'no?" nakangiting sabi niya. "Ako ang nag-ayos sa kanya."
"Good job," ani Jace na nanatiling nakatingin kay Penelope.
Tila may kung anong sumundot sa puso ni Phylbert. Mas lumalago ang paghanga sa mga mata ni Jace para kay Penelope. Hindi pa ito tumingin sa kanya nang ganoon mula nang magkakilala sila. Sa halip na kung ano-ano ang maramdaman at maisip niyang hindi maganda, nilapitan na lang niya si Tito Lyle at binati ito.
Niyakap siya nito. "You're so lovely tonight, dear."
She beamed. "Thank you, Tito."
Hinaplos nito ang buhok niya. May kung anong dumaan sa mga mata nito na hindi niya mabigyan ng pangalan. "Habang tumatagal, mas nagiging kamukha ka ng mommy mo."
Matagal na niyang alam na kamukhang-kamukha niya ang kanyang mommy. Halos lahat ng taong nakakakilala sa kanyang ina ay sinasabi iyon. Madalas din ipakita sa kanya ni Mommy Bianca ang mga larawan ng kanyang ina noong kabataan nito. Magkamukhang-magkamukha nga talaga sila.
Nang ianunsiyo ng emcee na magsisimula na ang auction ay nagtungo na sila sa mga mesa nila. Natuwa siya dahil malalaki ang bid sa mga bagay na nalikom ni Mommy Bianca mula sa iba't ibang sikat na personalidad. Nang tawagin na ang limang dalaga na mag-o-auction ng kanilang sayaw ay kaagad siyang tumayo at hinila si Penelope na halatang kinakabahan. Kinindatan niya si Jace bago siya umakyat sa maliit na stage.
"Here are the lovely ladies who will auction off all their dances to the highest bidder this evening. If you win, you get to have an exclusive time with them in the dance floor. Hindi sila maaaring makipagsayaw sa iba kaya solong-solo n'yo ang naggagandahang babae na ito," masiglang sabi ng emcee. Isa-isa sila nitong ipinakilala. Siya ang nasa huli dahil naniniwala siya sa linyang, "save the best for last."
Hinawakan ni Phylbert ang kamay ni Penelope. Nanlalamig ito. Hindi ito sanay na nasa sentro ito ng atensiyon. "It's all right," alo niya. "Matatapos din ito. You get to dance with Daddy."
Hindi siya nito nilingon o sinagot. Nag-umpisa na ang bidding. Ang unang tatlong babae ay nabili sa halagang sampung libong piso. Malaking bagay na ang maitutulong ng halagang iyon para sa mga batang nagugutom sa kalye.
"Ten thousand," sabi kaagad ni Daddy Hiram pagkatapos ng introduction ng emcee kay Penelope.
"Fifteen."
Napatingin siya sa lalaking nagsalita. Oh no! Si Ramil ang nag-bid. Joaquin hated his guts. Magkakompetensiya ang dalawa sa lahat ng bagay maliban sa photography. Ramil had no talent. Pinopormahan siya nito ngunit alam niyang dahil lang nais nitong inisin ang kuya niya. The animosity between them started when Ramil's girlfriend hooked up with Joaquin. Hindi naman alam ni Joaquin noon na girlfriend na ito ni Ramil.
Nalaman na nito marahil na seryoso si Joaquin kay Penelope. Alam niyang gagawin nito ang lahat makaganti lang ito sa kanyang kapatid. Tumingin siya sa kanyang daddy.
"Twenty-five," sabi kaagad ni Daddy Hiram.
"Fifty," walang anumang wika ni Ramil.
Stupid arrogant bastard! sigaw ng isipan niya. Mayaman ang pinanggalingan nitong pamilya at alam niyang bale-wala ang halagang iyon dito. Hindi ito nagtatrabaho at umaasa lamang ito sa ama nitong napapabalitang sangkot sa ilang ilegal na gawain. Dapat ay nakinig sa kanya si Mommy Bianca nang sabihin niyang huwag nang imbitahin ang pamilya nina Ramil.
"One hundred thousand."
Marahas siyang napatingin sa nagsalita. It was Jace! Napatanga siya. Hindi niya alam kung ano ang unang mararamdaman. Masasaktan ba siya o makadarama ng relief dahil halos nasisiguro na niyang hindi mapapahamak ang kaibigan niya? Jace did that for Joaquin. Alam niyang ayaw rin nitong mapalapit si Penelope kay Ramil.
"One hundred thousand for Miss Penelope. Going once..."
Ngumisi si Ramil. Akala niya ay magbi-bid pa ito, ngunit nanahimik na ito.
"Going twice... Sold!"
The guests cheered. Huminga siya nang malalim at ngumiti nang matamis. Hindi siya magtatampo, hindi siya magdaramdam. Jace did the right thing. Sinikap niyang salubungin ang mga mata nito upang ipabatid na okay lang ngunit hindi ito makatingin sa kanya.
"And the last but definitely not the least, the loveliest of them all, our princess, Miss Phylbert," the emcee introduced her.
She stepped forward and gave them her sweetest princess-ish smile. Kumaway pa siya na parang beauty queen.
"Five hundred thousand," ani Tito Lyle bago pa man mabuksan ng emcee ang bidding.
Natahimik ang lahat. Kahit siya ay hindi mapaniwalaan ang narinig. Her dance was worth five hundred thousand pesos? Pinaulit ng emcee ang halagang binanggit ni Tito Lyle upang makasiguro. It seemed like her future father-in-law was serious.
Abot hanggang tainga ang naging ngiti niya. Kaagad niya itong niyakap pagbaba niya ng stage. "Thank you!" Tito Lyle had always been generous when it came to her mommy's charity work. Hindi na siya nagtataka kung bakit napakadali nitong pakawalan ang kalahating milyon.
"It's for a good cause, baby. Plus, you are the most special girl in the whole world. You're priceless."
3RV