Book Kiss

2.2K 66 32
                                    

Tahimik kaming lahat habang nakaupo sa cafeteria. Maga ang itaas na labi ni Javi at may bahid ng dugo ang kanyang puting polo. Ang uniform ko naman ay puro staple wires sa mga bahagi na nawalan ng butones  maging sa kuwelyo kong napunit. 

Iniabot ni MC kay Javi ang panyo niyang ipinambalot sa yelo. "llagay mo yan sa labi mo para hindi mamaga." Sabi ni MC. 

Ganun din ang ginawa ni JM sa akin. Ibinigay niya ang panyo niyang may yelo. "Ilagay mo na yan sa noo mo bago pa lumaki yung bukol at maging mukhang sungay yan." May halong pang-aasar na sabi niya.

"Javi sorry ha." Bigla ko na lang nasabi. 

"Naku wala yun.  2 araw lang magaling na rin 'to." Mabilis niyang sagot sa akin.

Binalingan ko na lang si JM. Kung hindi niya ako hinila, baka sa matamis na kiss nauwi ang eksena at hindi sa basag na bibig at bukol sa noo. "Ito kasi e. Bakit mo kasi hinila yung damit ko? Tignan mo nga yung nangyari!"

"Pasalamat ka nga naagapan pa kita. Kung hindi baka nasubsob sa sahig yung mukha mo. Pwede naman mag simpleng thank you ka na lang sa akin e."

Ano bang akala nito? Nagawan niya ako ng pabor nung hinatak niya yung damit ko na naging dahilan ng pagkaudlot ng first kiss ko at pagkapahiya ko sa campus?  Walang kaalam-alam si JM na inis na inis ako sa nagawa niya. Pero parang na-kiss na rin ako ni Javi sa noo di ba? Abala ako sa kakaisip ng kung ano sana ang nangyari kung hindi ako hinatak ni JM nang maulinigan ko si MC na kinakausap na si Javi. 

"San ka nga pala galing bago dito sa Jade Valley Academy?" Tanong ni MC. 

"Galing kami ng mommy ko sa Cebu. Bago dun, kung saan-saan pa kami nanggaling. Dahil sa work ng mommy ko, kailangan naming lumipat-lipat ng bahay. Pero sabi niya, last na daw 'to. Kaya masaya ako kasi finally matitigil na rin kami sa isang lugar." Paliwanag ni Javi. Halatang masakit pa rin ang labi niya dahil medyo nahihirapan siyang magsalita. 

"Nasan ang daddy mo?" Sunod na tanong ni MC.

"Wala na. Namatay daw siya sa aksidente noong 2 months pa lang akong ipinagbubuntis ni Mommy. Sa Army kasi daddy. Pabalik siya ng Manila galing Davao. Nag-crash daw yung helicopter. Hindi na nakita yung katawan niya at nung kasama niyang piloto." Malungkot na sagot ni Javi. 

"Naku sorry. Hindi ko sinasadya." Medyo nahiya si MC dahil napaalala niya ang malungkot na nakaraan ni Javi pero agad naman siyang bumawi ng mas nakakahiyang tanong. "E may girlfriend ka na ba?"

Halos mapa-tumbling ako sa tanong ni MC pero nilingon ko si Javi. Nag-aabang din ako sa isasagot niya. 

"Wala." Maiksing sagot niya. 

Para akong naka-jackpot sa lotto sa sagot niya. Ang problema nga lang, may kahati ako sa grand prize dahil nagniningning din ang mga mata ni MC. Nagkatinginan kami. Parang eksena lang sa isang sci-fi movie. Nasa gitna namin ni Javi. Pinaulanan ko si MC ng lightning bolts. Nakailag siya at nagpakawala siya ng laser beam. Umilag ako pero nadaplisan niya ang kaliwang pisngi ko. Gumuhit ang sugat at dumaloy ang dugo. Humanda ako sa pangalawa kong attack pero may biglang tumawag sa aming pansin. 

"Hoy! Postponed muna ang hot seat interview ninyo dahil male-late na tayo sa mga klase natin." Sinira ni JM ang virtual na paglalaban namin ni MC.

Nagmamadali kaming bumalik sa mga classroom namin. Hindi kami nagpansinan ni MC hanggang matapos ang mga klase. Pagtunog ng bell ay nagmamadali kaming lumabas ng classroom ni MC. Nagkabanggaan pa kami sa pinto. Nagkatinginan. May madilim na mga ulap na namuo sa ibabaw ng mga ulo namin. Second round na ba ng laban? Humanda ako sa pag-atake niya. 

"MC! Juliana Encarnacion!" Sigaw ni JM. "Mamaya pa ako uuwi. Maglilibot pa kami dito sa campus tapos pupunta kami sa library. Mauna na kayo."

"Ok!" mabilis na sagot ni MC na parang biglang nag-teleport papunta sa tabi ni Javi. "Sasama na ko sa inyo. Nakakatamad din naman umuwi nang maaga." Nagpapa-cute pang sabi nito. Nginitian naman siya ni Javi. 

"Ikaw Juliana Encarnacion? Uwi ka na mag-isa o sasama ka sa amin maglibot?" Tanong ni JM sa akin. 

"Hihintayin ko na lang kayo sa library." Malungkot na sabi ko. Nag-concede na ako. Ano nga ba naman ang laban ko sa crush ng bayan? Tinalikuran ko na sila at mabagal na naglakad papunta ng library. Dama ko ang pagbuo ng ulap sa ulo ko at ang pagbuhos ng ulan mula dito. Yung tipong sinusundan ako ng ulap at sa akin lang umuulan. 

Tahimik akong umupo sa pagitan ng dalawang bookshelves. Ini-stretch ang paa ko sa isa at isinandal naman ang likod ko sa isa. Napaisip ako. Talo na naman ako kay MC. Parang nung grade 6 lang kami. Ako ang unang nakakita pero sa kanya nagkagusto. Hay... Kelan kaya mangyayaring ako naman ang gusto? Tumingala ako at itinakip ang bukas na libro sa aking mukha. 

Maya-maya ay biglang may nag-alis ng libro sa pagkakatakip sa aking mukha. Si Javi! Nakayuko siya sa gilid ko at nakatingin sa akin. 

"Nainip ka ba sa kahihintay?" Mahinang sabi niya sa akin. Sa sobrang lapit niya naaamoy ko ang kanyang hininga.

"Bakit ka nandito? Di ba kasama mo sila JM at MC? Nasaan..." inilagay niya ang kanyang hintuturo sa aking labi kaya hindi na ako nakapagsalita. 

"Shhh. Ayaw mo ba ako dito?" Tanong niya. 

"Ha? HIndi! Nagulat lang ako na nag-iisa ka." Natatarantang sabi ko sa kanya. 

"I like you Encar. Do you like me too?" Mapangahas na tanong niya.

Hindi ako makapagsalita. Ang bilis naman ng mga pangyayari. Ito na siya sa harapan ko. Dahan-dahang lumalapit ang mga labi niya sa akin. Parang tatalon ang puso palabas ng dibdib ko sa kaba. Pumikit ako para mas feel ko ang eksena at hinintay ang aking first kiss..

"Nandiyan ka lang pala." Sabi ng isang pamilyar at nakakairitang boses.

Nakatakip pa rin ng libro ang mukha ko. Napansin kong basa ang pisngi ko at maging ang pahina ng libro. Hindi ko ito maalis dahil siguradong makikita JM ang istura ko. "Kasama mo si Javi at MC?" Tanong ko habang nakatakip ng libro ang mukha. Nakakahiya kung makita ako ni Javi na ganito, anong gagawin ko?.

"Bukas na lang daw hihiram ng libro si Javi. Niyaya siya ni MC na bumili ng meryenda. Hihintayin nila tayo sa labas. Tara na!" Sabi sa akin ni JM. 

"O sige mauna ka na. Susunod na ako." Sabi ko sa kanya habang nakatakip pa rin ng libro ang aking mukha.

"Ano ba ginagawa mo? Alisin mo nga yang libro sa mukha mo." Lumapit sa akin si JM. Nag-panic ako kaya agad akong umurong. 

"Mauna ka na. Susunod agad ako. Gusto ko lang maalala ang amoy ng libro bago ako umuwi." Palusot ko sa kanya. 

"Para kang sira. Bilisan mo ha." Sabi niya sabay alis. Mabuti na lang at nakalusot ako. 

Dahan-dahan kong inalis ang libro sa aking mukha. Maingat na hindi mapunit ang pahinang basa ng laway ko at nakadikit sa aking pisngi.  Pinunasan ko ng panyo ang aking pisngi pati na rin ang pahina ng libro na nabasa. Ang himbing naman ng tulog ko. Panaginip lang pala. Akala ko yun na. Buong panghihinayang kong nasabi sa aking sarili. 

The Making of a Perfect First KissTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon