Silang Kinalimutan

50 4 0
                                    

"SILANG KINALIMUTAN"
By: LoveUUUnot

Tatlong bituin, Isang araw
Kay liwanag mundong tinatanglaw
Mata ko'y may ningning
Nakatingala sa pagdako ng gabing madilim

Ilang binhi pa ba ang aanihin?
Marating lamang ang dagat ng mga bituin
Kailan ba madadama ang init ng araw?
Sa liwanag nasilaw, pumikit biglang naligaw.

O kay tagal ng gabi
O kay tagal ng araw
Nanunuyo na ang labi, sa tubig nauhaw
Tiis-tiis na lamang sa biyaya ng bahaw.

Naglakad ako sa tuwid na daan, sa tuwid na daan ako patungo.
Aking nakita mga matang namumugto
Puyat ay nambubuyo
Mga matang puyat at hapo, sa pahinga'y nakikisuyo.

Narinig ko mula sa malayo, isang pagtangis ng isang batang katatakas lamang sa panaginip.
Kahanay ang mga munting katawan sa banig ay umiidlip.
Sa isang saglit, nanahimik ang mga kuliglig na pawang naghihintay sa pagtahan ng munting paslit.
Tahan na! Ani ng isang ina na sinundan ng mga ritmong lumikha ng mga hele.

Mga damo'y bumangon na
Sa hudya't ng paggising, bagong araw ay lalakad pa.
Silang mga sundalo, sa sinag ng araw ay nauna.
Sariling pagod hindi iniinda, sino? Walang pumupuna.

Ilinibot ko ang aking mata sa gitna ng nayon.
Bakas ng mga paa'y umukit, sa tubig lamang ay kaaahon.
Ako'y nahinto at natigil, sa dulo ng semento
Semento ang dulo, hanggang dito nalang tayo.

May hanggang pala ang kaunlaran
May simula pala ang katapusan

Nagpatuloy ako at tumapak sa lupang sandigan
Sandigan ng mga taong sadlak sa kahirapan
Trabaho ng trabaho, walang katapusan
Ito lamang ang sagot upang gutom ay malunasan.

Kasalanan ang mamahinga
Kasalanan ang umunat sa pagkakabaluktot
At baka mahuli ka nila
Kung sakali. Halaka! Lagot na

Silang may pangalan
Silang nasa upuan
At silang nakalimutan, napagiwanan
Sa pagsulong ng bansang mailap sa karangyaan

Ang kahirapa,'y isang kulungan
Mahirap lumabas at takasan
At silang mga dukha, nakakapit, nakasilip
Sa rehas ng kahirapan.

Naririnig mo ba sila?
Mga sigaw at pagtangis ng poot at hinagpis
Nararamdaman mo din ba?
Sakit at hapdi, hirap at pagdudusa sa gutom sila'y nagtitiis.

Malapit na ako sa dulo ng nayon
Ubo at pagsinghot sa'ki'y sumalubong
Mga taong naghihintay kay kamatayan
Baka sa langit, doo'y may pagamutan

Hayan na si totoy, inaakyat ang bundok ng mga basura
Sa basura may pera, sabi niya
Dito angat ako sa kanila
Madumi man ako at nabubuhay sa pagpag
Alam ko sa sarili ko na wala akong batas na linalabag

Lahat ng tao ay nabubuhay sa dumi
Tulad ng mga tao, katungkula'y negosyo ang mithi
Oo, hindi ako mayamanan ngunit kailan ma'y hindi ako nagnakaw.
Mahirap man patidin ang gutom at uhaw
Ngunit kaya kong magtiis, sa hirap handa pang makipag-sayaw.

Malayo pa pala tuwid na daang tinatahak
Hanggang mga tao'y sa kahirapa'y nakalagpak
Hindi naising hawakan ang kutsilyong itatarak
Dignidad at prinsipyo 'di sadyang nawasak

Nasanay na sila
Sa huni ng kulakalam na sikmura
Sa pagdildil ng asin sila'y bihasa
Nasanay na sila sa ilalim na nakahiga.

Malayo pa pala tuwid na daang tinatahak
Hanggang mga tao'y sa kahirapa'y nakalagpak
Hindi naising hawakan ang kutsilyong itatarak
Dignidad at prinsipyo 'di sadyang nawasak

Hanggang may mga taong natutulog sa ilalim ng mga tulay, sa tabi ng riles
Hanggang may mga batang nakikipaglaro sa hampas ng mga alon, sa bundok ng mga basura
Hanggang kurapsyon ay laganap
Hanggang may mga taong namamalimos para sa kauting barya
Hanggang may krimen at droga

Ang mahirap mananatiling mahirap
At silang nakaupo ay magtatampisaw sa alapaap
Iyong mata, 'wag mong ikukurap
Patuloy kang magsumikap, upang sa dulo
Madama mo din ang sarap.

Kasin tagal ng trapiko sa EDSA
Kaunlaran pangako na binalot ng mabangong salita
Nasaan na? Akin na!
'Wag mong nakawin kabang pinaghirapan nila.

Hayan na si Totoy, kulansing ng barya sa mga kamay niya'y dumapo.
Katumbas ng hirap at pagod, mga katawan na hapong-hapo.
Pera na handa ipamalit sa bigas at tuyo
Ako, tayo, silang kinalimutan.



.................................................

Please Vote and Comment

.................................................

Sa Mata Ng Mga SawiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon