"HI, SWEETHEART," si Rafael na tumakbo sa waiting shed. "Nainip ka ba?"
Umiling si Katrina. "Kung hindi pa kita kilala baka sakali," nakairap niyang sabi dito. "Lagi ka namang late, eh. 'Ayan, inabutan ka tuloy ng ulan."
Ngumisi ang binatilyo. First year siya at third year si Rafael. Matanda sa kanya nang dalawang taon at kalahati. Magkababata at magkaibigan.
"Akina nga ang panyo mo at ilagay mo sa likod ko. Baka mapulmonya ako," tumalikod ito sa kanya.
Katrina rolled her eyes. "Mapulmonya? You're kidding, Rafael Barrios. Para bahagya lang nabasa ang poloshirt mo," she complained pero iniladlad din ang panyo niya at inilagay sa likod nito. "O, 'ayan! Inalisan mo na naman ako ng panyo."
"Maraming tissue sa canteen. Ibibili kita. O, ipasok mo sa bag mo itong gamit ko," si Rafael na mismo ang nagbukas ng bag niya at ipinasok doon ang tatlong notebook. Pagkatapos ay inabot ang payong niya at binuksan at inakbayan siya. "Tara na at baka lumakas pa lalo ang ulan."
"Hindi ba tayo maghihintay ng tricycle?" tanong niya na nagpalinga-linga sa kalye.
"'Pag ganitong umuulan, puno lahat iyan," kinabig siya nito at inakay na paalis sa waiting shed. "Bus stop, wet days she's there I'll say please share my umbrella..." marahang kanta nito at kumikislap ang mga matang niyuko siya at kumindat. "Bus stop, bus goes, she stays love grows under my umbrella..."
"That isn't your umbrella, that's mine," pairap niyang kontra. Pero nagkibit lang ng balikat si Rafael at kinabig pa siya palapit dahil bahagya siyang nababasa.
Nararamdaman niya ang init ng katawan ni Rafael sa kanya. She's almost fourteen at mula pagkabata'y crush na niya si Rafael. Subalit hindi niya kayang sirain ang pagkakaibigan nila. Ang tingin sa kanya ni Rafael ay nakababatang kapatid. At tulad ng linya ng kinakanta nito'y ganoon na lamang ang pag-asam niyang mangyari iyon.
...other people stare as if we were both quite
insane, someday my name and hers are going
to be the same...
Bahagyang basa ang tigkabilang braso nila pagdating sa canteen. Naroon ang mga barkada at classmates ng binatilyo at nang matanaw sila'y agad na nanukso.
"'Ayan na pala ang mag-asawa, eh," sigaw ng isang classmate ni Rafael.
"Bakit hindi pa kayo pakasal?" ang isa pang classmate nito. "Kulang na lang ay magkasama kayo sa—"
"Isara mo ang bibig mo, Roger!" singhal ni Rafael sa mga ito pero nakangisi. Sanay na sila roon at hindi na nila pinapatulan.
"'Pag napikon si Katrina, uupakan kita," birong totoo ng binatilyo. Pagkatapos ay hinarap ang tindera sa canteen. "Bigyan n'yo nga ako ng tissue, iyong pinakamalaki," wika nito na nakangisi pa rin.
Mula sa eskaparate ay inabot ng tindera ang isang malaking tissue box. Binayaran ito ni Rafael at ibinigay sa kanya. "O, punasan mo iyang basang braso mo," mahinang utos nito.
"Paano mo mapapasagot si Linda niyang ginagawa mo," si Roger uli. "Lagi na lang kayong magkadikit na dalawa."
Makahulugang ngumisi si Rafael. "Huli ka na sa balita, pare," pabulong nitong sabi. Hinila ang silya at binaligtad at umupo roon. Nakatukod ang mga braso sa sandalan paharap sa mga kaibigan.
Namilog ang mga mata ni Roger at inikot ang tingin sa barkadang nasa mesa. "Really? Saang deserted beach mo dinala?"
"Heh!" singhal ni Rafael. "Hindi ako tulad ninyo, ha. Kiss and tell."
"Knowing you, Raf," ang isang barkada nilang babae. "Hindi lang kiss ang ginawa mo. You went all the way." Nagtawanan ang mga nasa mesa.
Nilinga ni Rafael si Katrina na nakatayo at nagsasalubong ang mga kilay at namimilog ang mga mata sa narinig. "Punta ka na sa klase mo, sweetheart. Medyo bastos itong mga ito at baka kung ano pa ang marinig mo."
Atubiling sumunod si Katrina na masama ang loob. Kilala niya ang Linda na tinutukoy ng mga ito. Isa lamang ito sa mga harap-harapang nagpapakita ng gusto kay Rafael. At pinatulan naman ng walanghiyang lalaki!
BINABASA MO ANG
Sweetheart 6 - Mrs. Winters (Soon Your Name And Mine Are Going To Be The Same)
RomanceMula pagkabata'y lihim na minahal ni Kate si Rafael. Subalit ang playboy ng San Ignacio College ay iba ang pinagtutuunan ng pansin, ang kaibigan matalik ni Kate na si Moana. Si Moana na ang gusto'y si Vince. Kahit na nasasaktan ay nagparaya si Kate...