"ARE we dining out today?" Si Marie kay Rafael. Nakalabi. "You've been neglecting me, Raffy," may tampo sa tinig nito na yumuko sa mesa niya.
He smiled silently. Nakaharap sa kanya si Marie at nakahantad sa kanya ang dibdib nito na sadyang ipinakikita. At nalalanghap niya ang mamahaling pabango ng dalaga.
"Babalik ako ng Manila bukas ng umaga, Marie, kaya kailangang tapusin ko ang ginagawa ko," siya ang arkitekto ng hotel building na ginagawa nila sa Baguio. Ilang phase na lang ng trabaho ang kailangan ng kaunting pagbabago at matatapos niya iyon ngayong gabi. "And you know that."
"Bakit kailangang magmadali kang bumaba ng Manila? Aapat na araw pa lang tayo dito. We can stay here until the end of the month, 'di ba?" giit ng dalaga.
Ibinaba ni Rafael ang lapis sa mesa at tumingala rito. "Nasa ospital pa ang anak ni Camille at—"
"Call the hospital, darling," agap ng dalaga at iniabot ang telepono sa kanya. "Baka naman hindi mo kailangang bumaba kaagad. Siguro nama'y iniwan mo sa kanila ang telepono mo dito at natitiyak kong tatawagan ka nila kung may problema man."
Sandaling natigilan si Rafael sa sinabing iyon ni Marie. Sa inis niya kay Katrina bago umalis ng condo unit nito'y nawala na sa isip niyang ibigay dito kung paano siya kokontakin kung sakaling kailangan siya.
Dinampot niya ang telepono at tinawagan ang ospital. Si Marie ay nanatiling naroon at balewalang sinisipat ang architectural design sa mesa.
"Shall I say I told you so?" nanunuksong wika ng dalaga nang ibaba ni Rafael ang telepono. Maayos ang bata at walang problema. Tatlong araw na dumadalaw sa ospital si Mrs. Winters ayon sa Pediatrician maliban sa araw na iyon.
Hindi siya sumagot at muling dumayal upang tawagan si Katrina sa condo nito. Subalit walang sumasagot. Nairitang ibinaba ng binata ang telepono.
"Sino ang tinawagan mo?" ulit ni Marie.
"I really have to finish this job, Marie, if you don't mind. Kailangang makabalik ako ng Maynila bukas din," wika ng binata sa hantarang pagtataboy.
Sandaling tinitigan ni Marie si Rafael. Wala siyang natatandaang ni-reject siya ng binata ng ganoon sa panahon ng pinagsamahan nila. Nitong nakaraang mga araw ay kakaiba ang mga ikinikilos nito. Tila laging malayo ang iniisip. Walang kibong lumabas ito ng silid.
Si Rafael ay itinuon ang isip sa trabaho. Ilang beses siyang nagkusot ng papel at itinatapon sa basurahan. Makalipas ang isang oras ay muling dumayal ng Maynila upang muli ring ibaba ang telepono. Sa loob ng dalawang oras ay nakaapat na tawag ang binata at parehong walang sumasagot.
Tumayo siya at lumabas ng silid. Nilapitan ang mesa ng assistant niya.
"Leo, pakitapos mo ito," inilahad niya ang mga designs sa harap nito. "Madali mo nang sundan ang ginagawa ko. 'Pag may problema'y tawagan mo ako. Babalik ako ng Maynila ngayon din."
"No problemo, boss," ang batang arkitekto. "Halos tapos na rin naman ang bahaging ito, eh."
BINABASA MO ANG
Sweetheart 6 - Mrs. Winters (Soon Your Name And Mine Are Going To Be The Same)
RomanceMula pagkabata'y lihim na minahal ni Kate si Rafael. Subalit ang playboy ng San Ignacio College ay iba ang pinagtutuunan ng pansin, ang kaibigan matalik ni Kate na si Moana. Si Moana na ang gusto'y si Vince. Kahit na nasasaktan ay nagparaya si Kate...