Chapter 27

82.9K 1.7K 147
                                    



"GOOD MORNING, Mrs. Winters," bati ng nurse pagpasok ni Katrina sa nursery, nakapantulog pa. "Maaga kayong nagising..."

"Hindi ko nga sana gustong bumangon, Elaine, dahil nahihilo ako. Pero may appointment ako sa building contractor ngayong umaga." Lumapit siya sa crib ng bata at tiningnan ito. "Hello, sweetheart," nilaro-laro niya ang kamay ng sanggol. "Kanina pa ba siya gising, Elaine..."

"Yes, Ma'am. And I fed him already."

"Siya, sige bumaba ka na't mag-almusal. Pakisabi kay Manang na panhikan ako ng mainit na gatas."

Tumango ang nurse at bumaba na. Ipinagpatuloy niya ang paglalaro sa sanggol nang biglang tutupin ang sikmura. Napatuwid siya ng tayo.

"Oh, no," she groaned. Wala pa naman siyang kinain kagabi dahil ilalabas niya rin kapag nilagyan niya ng pagkain ang sikmura.

Halos takbuhin niya ang paglabas sa nursery patungo sa sariling kuwarto. Sa pagmamadali'y hindi na napansin ang may dala ng mainit na gatas sa may ibaba ng hagdan.

Tuloy-tuloy siya sa banyo at lumuhod sa tabi ng toilet bowl. Nagduduwal na halos bumaligtad ang sikmura pero wala namang inilalabas. Pinagpawisan at nahahapo lang siya. Umiiyak na umupo siya sa tiles.

Muntik na siyang mapasigaw nang may yumuko at buhatin siya.

"R-Rafael...?"

Dinala siya ng binata sa kama at inihiga. Walang kibong pumasok sa banyo at kinuha ang tuwalyang nakasabit sa rack at binalikan siya. Umupo sa gilid ng kama at pinunasan ang pawis at luha niya.

"What's wrong with you? Para kang batang basta na lang umupo roon at umiiyak?" amused nitong tanong habang pinapahiran ang mukha niya.

"I'm—I'm having... stomach upset..."

"Uhuh," tumango ang binata. At hindi niya maintindihan kung bakit kumikislap ang mga mata nito na tila naaaliw. "Ano ang kinain mo kagabi?"

Wala siyang maisip dahil wala siyang kinain. "I—I can't remember..."

"Of course." Inabot siya nito at itinayo. Inayos at isinandal sa headboard. Kinuha ang gatas sa mesa at inilapit sa bibig niya. "Inumin mo ito para mainitan ang tiyan mo..."

Inabot niya ang baso at uminom. Nang makapangalahati ay ibinaba niya sa side table. Pagkatapos ay tinitigan ang binatang nakamasid lang sa kilos niya.

"K-kailan ka dumating?" Hinagod niya ito ng tingin. Magulo ang buhok at tila hapung-hapo ang hitsura. She wanted to reach out to him pero nagpigil siya.

"Minutes ago. I came straight from Baguio, sweetheart. Ibig sabihin ay nagbiyahe ako ng sampung oras mula norte patungo rito sa San Ignacio via Manila. And I'm dead tired..."

Tumango siya. "Bakante ang kabilang silid. Puwede kang magpahinga roon at—"

"Pagod ako," agap ni Rafael sa sasabihin niya at muli siyang ibinalik sa pagkakasandal sa headboard nang tangkain niyang bumangon. "Kaya wala akong panahon sa mga kalokohan mo. Now, mayroon ka bang sasabihin sa aking hindi ko alam?" Itinaas nito ang sportshirt sa ulo at inihagis sa couch. Pagkatapos ay tumayo at isinunod sa paghubad ang maong at isinama rin sa couch.

A certain heat ran through her as she watched him strip tease. Nang bumaba ang mga kamay ng binata sa white briefs nito ay umiwas ng tingin si Katrina. Si Rafael ay umikot sa kabilang gilid ng kama at humiga sa tabi niya.

"And I'm sleeping here." Hinila nito ang hindi pa naililigpit na kumot ni Katrina at itinakip sa ibabang bahagi ng katawan.

Si Katrina ay wala pa ring masabi. Nanatiling nakatitig sa mukha nito.

"O, para kang natuka ng ahas diyan..." natatawang sabi ni Rafael. "Start talking, Kate. Makikinig ako."

But she burst into tears instead. Ikinulong ang mukha sa mga palad. Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Rafael at masuyong inabot siya. Pinahiga at kinabig sa dibdib nito and kissed her hair.

"Hush, sweetheart, or you'll never be able to breath. Magbabara iyang ilong mo." Sinuklay nito ng kamay ang buhok niyang nakasabog. "I know you're pregnant... itinawag sa akin ni Moana. I'm sorry dahil hindi ko nabasa ang note ni Marie sa akin noong tumawag ka. Dinatnan niya akong tulog sa ibabaw ng drafting table. I've been drinking most of the nights para makatulog at hindi kita maisip." Niyuko siyang muli nito. "Ikaw ang pinagsasalita ko, bakit ako ang nagpapaliwanag."

"W—what..." suminghot siya. "Do you want me to say?"

"You know my terms, Katrina. It's all or nothing." He said softly pero sa ilalim ng tinig ay naroon ang determinasyon.

Tumingala siya rito. "I love you, Rafael... and I don't know what to do without you in my life..."

He laughed softly. "I know. Nakita ko ang ebidensiya kanina. Naglulupasay ka na sa banyo and wished na sana'y naroon ako para damayan ka sa nangyayari sa iyo."

Nanlaki ang mga mata niya. "P-paano mong nalamang iyon ang iniisip ko?"

Lumakas ang tawa ng binata. "Sinabi ni Moana na hindi madali ang maglihi. Sensitive and emotional and unreasonable. Perhaps due to hormonal changes and all that. And all she wanted when she was pregnant with Jason was Vince at her side." Pumormal ito at itinaas ang mukha niya. "Did you really want me, Kate?"

"Hindi lang dahil naglilihi ako, Raf. I want you forever."

"I love you," dinampian nito ng halik ang noo niya. Ang isang kamay ay masuyong inihaplos sa tiyan niya. "Remind me to send a card para doon sa doktor sa Nevada," he slurred his words. Unti-unting hinihila ng antok dahil sa pagod at puyat. Sumiksik ito sa leeg niya. "Oh... and Mrs. Winters..." bahagyang pinisil nito ang braso ni Kate. "I'm warning you, tomorrow your name and mine are going to be the same."

Nakita ni Katrina na nakapikit na ito. She smiled mischievously at idinikit ang sarili rito. Her hands deliberately brushing the silkiness of his flesh.

"Raf..."

"Hmm..."

"Gusto ko lang ipaalala sa iyo na kasama sa changes ng naglilihi ay iyong—" umangat siya at may ibinulong.

Umungol si Rafael at kumawala at idinapa ang sarili sa kama at ibinaon ang mukha sa unan. Nag-echo sa silid ang tawa ni Katrina.

Wakas


Available at https://www.preciousshop.com.ph/products/series/phr-series/sweetheart/swg00006-sweetheart-6-mrs-winters/


🎉 Tapos mo nang basahin ang Sweetheart 6 - Mrs. Winters (Soon Your Name And Mine Are Going To Be The Same) 🎉
Sweetheart 6 - Mrs. Winters (Soon Your Name And Mine Are Going To Be The Same)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon