9. Sun-Date

18K 439 13
                                    

"GOOD girl." Puri ni Liv kay Scarlett nang matagumpay na matapos niyang ayusin ang buhok nito. Hindi nito gusto iyon at nahirapan na naman siya na pilitin ito. Pero nagbunga naman ang kanyang paghihirap. Napakaganda ng ngiti niya nang makita ang magandang ayos ng anak.

Kumibot-kibot ang labi ng bata. Ganoon palagi ang reaksyon nito kapag pinupuri niya. Nagbabaka-sakali siya na maging mabait ito kapag sinasabihan ng good girl. Hindi pa man natutupad ay nakakaramdam naman siya ng pagbabago. Pinapayagan na siya nito na magpatulog rito basta babasahan niya ng story book. Napapa-bake na rin siya madalas dahil alam niya na nag-e-enjoy ito. Interesado talaga ito sa baking. Minsan rin ay hiniling nito na cooking naman ang isunod nila.

Tumingin sa relo si Liv. "Sigurado ka ba na uuwi ang Daddy mo ng alas siyete?"

Lagpas alas siyete na ng umaga. Handa na sila Scarlett at Liv. Nasabihan na rin niya ang driver. Linggo ngayon at sinabihan niya ang bata na kailangan nila na magsimba. Gusto niyang turuan pa ng mabubuting asal ang anak. Umaayaw ito at sinusupalpal pa siya madalas pero ginamit niya ang talent na hindi niya akalain na mayroon pala siya---ang pamimilit. Dahil late na umuwi si Rafe, hindi niya nasabihan ito. Pero sinabihan niya si Scarlett at ni Manang Lucia na nagdya-jogging raw ito tuwing linggo nang umaga. Madalas ay bumabalik ito kapag alas siyete na.

Bago nakasagot si Scarlett ay bumukas ang pinto. Pumasok ang basa ng pawis pero nangingintab naman ang biceps na si Rafe. Napansin niya kaagad iyon dahil nakasando at jogging pants lamang ang lalaki. Bahagya pang napanganga si Liv sa nakitang kagandahan ng katawan nito.

Nilapitan ni Rafe si Scarlett. "Ang ganda naman ng baby ko. Saan ang punta?"

"Church," sagot ng bata. Tumingin ito sa kanya. "She said it was Sunday. We should go to church,"

Binigyan ng tingin ni Rafe si Liv. "Bakit hindi mo ako sinabihan?"

Hindi kaagad nakapagsalita si Liv. Pinangungunahan siya ng mga daga sa kanyang dibdib. Napalunok rin siya dahil parang biglang uminit at natuyo ang kanyang lalamunan. Napaka-hot tignan ni Rafe sa ayos. Kung guwapo ito noon ay naging mas guwapo ito sa pagdaan ng panahon.

Kung anu-ano tuloy ang pumasok sa isip ni Liv. Magagawa pa ba niya muling makulong sa bisig nito? Mahahawakan pa ba niya ang matitipunong biceps nito at higit sa lahat, mararamdaman ba muli niya ang nakakatunaw na pakiramdam kapag nahahalikan siya nito?

She still wanted him. Hindi naman talaga iyon nawala kaya hindi na siya nagtataka na maramdaman niya muli ang mga damdamin na iyon sa lalaki. Pero sa ngayon, kailangan muna niyang itago sa sarili ang nararamdaman.

"L-late ka na kasing dumating kagabi. Pero inaabangan ka na talaga namin. Makakahabol pa naman siguro tayo sa misa."

Tumango si Rafe. Nagpaalam ito na mag-aayos ng sarili. Mabilis lamang na nakapagbihis ang lalaki kaya parang hindi nag-effort. Pero napakaguwapo pa rin nito. Lalo pang tumaba ang puso niya nang hindi siya nito sinita at kahit si Scarlett nang tumabi siya sa mga ito habang nagsisimba. Pakiramdam niya ay para silang pamilya. Hindi kasi sumama ang driver at bodyguard sa tabi nila.

Napakarami ng dapat ipagpasalamat ni Liv kaya tama lamang talaga na magsimba siya. Nagkaroon siya ng panibagong pagkakataon sa kanyang pamilya. Hindi man sa magandang posisyon pero nakakasama niya. She felt blessed. Nagkaroon siya ng bagong pagkakataon para mabuhay...

Hinawakan niya ang kamay ni Scarlett nang mag-ama namin. Hindi siya nito sinita o ano pa man. Payapa ang loob ni Liv hanggang dumating sa parte ng peace be with you. Hinalikan niya si Scarlett at ganoon rin naman si Rafe rito. Kaya lang ay nagulat siya na pati si Rafe ay hinalikan rin siya!

Namula yata ang buong pagkatao ni Liv sa kilig. Oo, napakaliit na bagay at normal lang naman na mag-kiss kapag nagsasalita ng peace be with you. Pero napakalaki ng dating noon kay Liv. Wala silang kahit anong relasyon ngayon ni Rafe. Ni hindi nga sila masyadong nag-uusap. Halatang iniiwasan siya nito. Parang ang gusto nitong palabasin ay kaya lang siya pinabalik nito sa buhay nito ay para kay Scarlett.

Masisisi ba rin niya si Rafe kung bakit ganoon? Sinaktan niya ito ng abandunahin na lamang niya ito. May mga plano sila sa buhay na tinakasan niya. Isa pa, hindi naman siya nito mahal para pahalagahan pa rin siya pagkatapos. Hindi ito kagaya niya...

Pero gustong umasa ni Liv. Alam niya na mali at puwede siyang masaktan. Hindi siya kailanman mamahalin ni Rafe. Tanggap na naman niya iyon. Pero ang maibalik lang sa dati ang sinira niya, magiging higit pa iyon sa sapat.

The Missing Wife (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon