MALAPIT na ako sa aming boarding house nang mapansing walang nakabukas na ilaw sa loob ng bahay. Nangunot ang aking noo at dali-daling naglakad. Pinihit ko ang doorknob at binuksan ang pinto. Pagpasok ko, kadiliman ang bumungad sa akin. Anong nangyari? Black out ba? May ilaw naman sa kapitbahay namin.
Ilang saglit lang ay biglang bumukas ang ilaw sa sala at bumungad sa akin si Lucy na iba na ang suot na damit. Nakasuot siya ng mahabang bestida, at may nakapulupot na tuwalya sa kaniyang ulo. May hawak din siyang walis tambo. Anong drama ng babaeng ito?
“Hoy, bata ka! Anong oras na, ha? Bakit ngayon ka lang? Kanina pa ako naghihintay sa iyo! Ikaw bata ka. Hindi ba’t sinabi ko sa iyong huwag kang magpapagabi? Ang tigas-tigas talaga ng ulo mo. Lasing ka na naman. Halika nga dito at nang mapalo kita ng hawak kong walis tambo. Nanggigigil ako sa iyong bata,” pag-akto niya na parang sinesermonan ako.
Napasampal na lamang ako sa aking mukha dahil sa pinaggagawa ng babaeng ’to. Na-bored siguro siya sa kahihintay sa akin kaya kung ano-ano na namang kabaliwan ang pinaggagawa sa TikTok.
“Beshie, acting ka naman diyan. Sabayan mo ako,” sambit niya sa akin matapos i-pause ang pagre-record sa kaniyang cellphone. Napaikot na lamang ako ng aking mga mata.
“Sige na, Beshie. Isang shot lang,” pangungusap niya sa akin. Napabuntonghininga na lamang ako. Nang sandaling tumango ako, napalundag naman siya sa tuwa.
“Anong sasabihin at gagawin ko?” tanong ko sa kaniya dahil wala akong kaalam-alam sa aktingan.
“Kahit ano na lang. Basta connected sa sinabi ko kanina,” tugon niya naman sa akin. Napasapo na lamang ako sa aking noo dahil binibigyan niya ako ng sakit sa ulo. Bahala na nga lang.
“Sige, pipindutin ko na ’yong recording button, ah. Lights, camera, action!” magiliw niyang sambit sa akin saka itinutok ang camera sa aking direksiyon.
“’Ma, kalma ka lang. Huwag po kayong mag-aalala. May inuwi po akong karne ng manok mula sa birthday na dinaluhan ko. ’Di ba ’yon naman po ang inutos niyo sa akin? Pupunta sa birthday ni Aling Bebang para mag-uwi ng karne? Heto na po ’yon, ’Ma!” pag-arte ko saka ipinakita sa camera ang hawak kong supot ng karne ng manok.
Muli niyang ni-pause ang recorder at saka masayang nagtata-talon. Tae, mukha akong ewan sa mga sinabi ko.
On-the-spot acting ba naman kasi. Tinungo ko na ang kusina at hinayaan ko na lamang ang aking kaibigan na panoorin at i-edit ang aming video. I’m sure, uploaded na ’yon mamaya sa TikTok. Iyan ang kasiyahan niya kaya susuportahan ko na lang.
Kinuha ko ang chopping board at kutsilyo saka inilabas ang karne ng manok mula sa supot. Inumpisahan ko na itong hati-hatiin sa katamtamang laki at nang matapos ay inihanda ko na ang ibang mga sangkap sa pagluluto ng Tinolang Manok.
Sinamahan naman ako ni Lucy sa kusina habang hawak-hawak pa rin ang kaniyang cellphone at mukhang ine-edit pa lang ang kaartehan naming nakunan kanina. At gaya nang inaasahan ko, nagtanong siya kung bakit natagalan ako sa pagbili.
Sasabihin ko ba? Huwag na muna sa ngayon. Kukulitin na naman kasi ako niyan mamaya at hindi titigilan sa katatanong kaya pinili ko na lamang na huwag sabihin sa kaniya ang nangyari. Ayaw ko rin siyang mag-alala at saka isa pa, wala ako sa mood na magkuwento ngayon.
“Wala naman. Natagalan lang talaga ako sa paglalakad,” pagdadahilan ko. Mukhang nakumbinsi ko naman siya at hindi na muling nagtanong pa. Bumalik siya sa kaniyang cellphone at napapatawa na lamang nang mag-isa.
“Kaunting dagdag pa ng effects, push ko na ito sa TikTok. Edit ko lang ito, Beshie. Sabihan mo lang ako kung may iuutos ka sa akin, ha!”
“Sige lang. Ayos lang naman ako dito,” tugon ko sa kaniya. Kaya ko naman ito. Saka nakapagsaing naman na siya ng kanin sa rice cooker kaya ako na lang gagawa nito nang mag-isa. Madali lang naman lutuin ito.
BINABASA MO ANG
My Slave is the Campus King- [Completed] (Under Major Revision)
Teen FictionLove is more than just an emotion. You can feel it but you can't explain what truly it is. It just happened. It only takes a snap of fingers or blink of an eye to fall in love with someone. It do not require too much time to like a person. Two peopl...