PRIVATE and solemn ang pinangarap kong kasal—kung buhay pa ako pagdating sa age na handa na akong mag-settle down. Nakakaasar lang 'yang 'kung' na 'yan noon. Noong ang dami ko pang takot. Ah, hindi nga lang pala ako ang nag-iisang kinatakutan ang paggalaw ng oras at paglipas ng araw.
Tatlo kami—si Diosa a.k.a Yosa with 'h', Lemuella a.k.a Ella with 'h' at Ako—Macaria Mahinhinon a.k.a. Aria with 'h', chubby, five-four ang height at makinis. Ang mukha? Artista ba? Hawig ko raw si Charlene Gonzales. Pang Miss U? Pero maganda man, may banta pa rin ang buhay ko.
Magpi-pinsan kami na sa henerasyon ng mga Mahinhinon, na aabutin na ng thirty one years old na virgin kaya nanganganib ang buhay. Medyo masaklap, 'di ba? May kanya-kanyang rason sina Yosah at Ellah kung bakit sila single. Ako? Wala lang talaga akong mahanap na lalaking nagpabago ng tingin ko sa pag-aasawa. Mas tahimik kasi ang buhay single para sa akin. Witness ako sa hirap at challenges sa married life. Sa pamilya ko na lang, lagapak na agad ang umuusbong pa lang na pag-asa sa puso ko. Ang mga magulang kong parehong senior citizen na, buong buhay na nangunsumi sa mga kapatid kong pasaway. Ako lang ang matinong anak. Ako pa na babae. At ngayong matanda na sila, ultimo kutsara't tinidor, pinag-aawayan na. Maliliit na bagay na ang laging ugat ng argumento. Akala ko sweet ang mga may forever?
Okay, tawa tayo sa part na ito. Nakakainis din 'yang mga ka-bitter-an sa forever kaya may gusto ko na lang na walang pakialam. Mas kailangan kong mag-focus sa trabaho para mabuhay.
Ang pamilya ko ang isa sa rason kung bakit hindi ko makita ang sariling may asawa. Hindi ako matatag gaya ni Tatay at pasensiyosa gaya ni Nanay. Kung magkakaroon ako ng mga anak na gaya nina Kuya Earl at Cops, baka ako na mismo ang magpakulong. Pero siyempre, ang dali lang sa akin sabihin iyon kasi hindi naman talaga ako ang nasa lugar nina Tatay at Nanay. Siguro nga, ang mga magulang talaga, kahit gaano pa ka-pasaway, tatanggapin pa rin at pagtitiyagaan ang mga nga anak—kasi nga, anak.
Minsan akong nangarap ng private at solemn na kasal noong teenager ako. Pero nang inabot na ako ng twenty nine na walang lalaking umabot man lang kahit kalahati lang sa standard ko ng Mr. Right, tinanggap ko nang single na ako for life.
Pero may ibang plano pala ang tadhana. Nakilala ko si Floro. Nagbago bigla ang tingin ko sa pagmamahal. At dinala niya sa akin si Rush.
Si Rush na hindi inaalis ang titig sa akin habang nasa pintuan ako ng simbahan. Apple green at puti ang nanaig na kulay sa loob ng simbahan—ang mga kulay na pinangarap kong makita sa kasal ko noong teenager lang ako. Naririnig ko rin ang instrumental ng kantang pamilyar na pamilyar.
May parang haplos ng init na dumaan sa puso ko. Ang mga nasa paligid, nakita ko na sa pangarap ko noon—except sa groom. Wala si Rush sa pangarap na iyon pero ngayong hawak niya ang wireless microphone at nagsimula siyang kumanta kasabay ng una kong hakbang, iba na ang naging pakiramdam ko.
May kaba na. Bago iyon. Hindi ko alam kung bakit pero pakiramdam ko, parang babaguhin ng araw na iyon ang buhay ko.
"Wise men say only fools rush in, but I can't help falling in love with you. Shall I stay? Would it be a sin. If I can't help falling in love with you..."
Malinaw na malinaw ang pagkanta ni Rush. Walang sablay ang lyrics at tono. Hindi ko alam na magaling siyang kumanta. Na-realize ko, extended pa rin ang surprises. Hindi talaga niya isahang inilalantad ang sarili. Ano pa ba ang hindi ko alam?
Hindi inalis ni Rush sa akin ang titig habang may tipid na ngiti. Gusto kong mag-relax pero ayaw na rin manahimik ng puso ko. Ang kabog na hindi ko naramdaman sa mga buwan na inaayos namin ang kasal, parang naipon na nang araw na iyon. Mas kumakabog ang puso ko sa bawat paghakbang ko palapit.
Nang sumabay sa akin sina Nanay at Tatay para ihatid ako kay Rush, sigurado akong ang lamig lamig na ng kamay ko. Pero sa kabila ng ganoong kaba, hindi ko naisip umatras sa kasal. Hindi ko naisip na tumalikod at tumakbo palabas sa simbahan.
Gusto kong tawirin ang distansiya. Gusto kong umabot sa harap ng altar. Gusto kong tumayo sa tabi ni Rush. Gusto kong ituloy ang lahat—na hindi na lang pagtulong ang dahilan. Gusto ko na siyang mas makilala pa.
May realization na naman ako. Ang haba ng araw na nakasama ko si Rush pero hindi ko siya nakita talaga sa kung ano ko siya nakikita ngayon. Bakit nga ba hindi ko siya kinilala agad?
"Okay ka lang?" bulong na tanong ni Rush nang sabay na kaming humahakbang pagkasundo niya sa akin sa gitna nina Nanay at Tatay. Sinalo na ng wedding singer ang pagkanta niya.
"Hindi, eh," sagot ko. "Kinakabahan ako..." honest na sagot ko, bulong din. Simula naman talaga sa umpisa, wala na akong itinago sa kanya. Bakit ko itatago ang totoo? "Ang galing ng kanta mo, ah? May gano'n ka pa lang etching, 'di mo agad sinabi?"
"Wala nang surprise kung sinabi ko."
"Ang lamig na yata ng kamay ko sa nerbiyos, Rush. Ganito pala ang feeling..."
Hindi siya umimik pero naramdaman kong nasa baywang ko na ang isang braso, inalalayan ako. Ang isang kamay naman ay mahigpit na hinawakan ang malayang kamay ko. "May sapat naman akong init," sabi niya. "Hawak ka lang nang mahigpit, Ariah. Hindi kita bibitawan saan man tayo umabot."
Napatango na lang ako. Ramdam ko ang higpit ng hawak niya sa kamay ko.
Hindi ko alam na ang warmth lang pala galing sa kamay ni Rush ang magpapatahimik sa puso ko. Unti-unti akong nag-relax bago pa man kami humarap sa pari. Sa sarili, alam ko nang magiging maayos ang seremonya.
Pero paano nga ba ako umabot dito? Paano ako naging bride ng lalaking ito na may parang buhay na dragon tattoo sa buong braso at nahusgahan ko agad na masamang tao?
Hindi talaga tayo dapat nanghuhusga agad base sa anyo. Si Rush sa unang tingin, parang malupit at hindi mabuting tao. Maling-mali ang first impression ko.
Ambrosio 'Rush' Mamanlao is not just a good soul.
Rush is a loving gentle soul.
Ito ang kuwento kung paano kami umabot dito...
BINABASA MO ANG
Rush (The Gentle Soul) PREVIEW
HumorMahinhinon Virgins Book 3: Macaria (a.k.a Ariah)