Part 15

3.8K 164 28
                                    

"HINDI ko naisip 'yon," si Ariah na nasa backseat. Nakasandal sa backrest ng upuan at nakatingala. Napapailing siya. Hindi alam kung ano ang magiging reaksiyon sa mga nalaman nila.

Si Rush naman ay parang tuod sa harap ng manibela. Deretso sa harap ang tingin, walang katinag-tinag. Nasa parking area pa rin sila ng business office ng Arrows and Hearts. Buhay na ang makina ng sasakyan. Naghihintay si Rush ng utos niya.

Katatapos lang ng meeting nila sa dalawang tao. Ang mukhang Korean actress na wedding planner—si Miss Leenn ng Arrows and Hearts, isa sa mga business card na nalaman niyang nasa sulat ni Floro kay Rush. At si Ceithy Hung, ang parang beauty queen sa tangkad at super kinis na wedding gown designer. Ang team daw ni Ceithy ang magde-design ng gown niya at barong ni Rush. Agad agad silang kinuhanan ng sukat. Lima ang ipinakita sa kanyang wedding gown designs—na personal daw na pinili ni Floro. Nag-init ang mga mata ni Ariah pagkakita sa mga designs. Apat sa mga iyon, nakita na niya sa bridal magazine. Ang pang-lima, ang mas malinis at mas sosyal na version ng design niya. Isa sa mga gabing nagkukuwentuhan sila noon ni Floro, hinayaan siya nitong mag-sketch ng wedding gown na gusto niyang isuot sa kasal nila kung sa simbahan. "Plano na ito ni Floro dati pa, Rush. Tayo na lang palang dalawa ang kulang."

"Hindi ko rin alam kung ano'ng sasabihin ko, Ariah."

"Nagmadali siyang ikasal kami sa huwes," sabi niya, pinigilan ang emosyon. "Kasi mang-iiwan na siya. Hindi man lang tayo binigyan ng chance na may magawa para sa kanya..." Naalala niyang laging masigla si Floro noon. Tumatawa at ngumingiti. Parang walang sakit. Kapag patulog na, saka lang niya nahahalatang parang nanghihina ito. Naisip niyang naipon lang ang pagod. Hindi rin kasi binanggit ni Floro ang kung ano talaga ang sinasabi nitong 'maraming sakit'—na pabiro pa. Hindi na raw magtatagal kaya kailangan ng magmamahal. Napilit nga niyang magsalita pero isa lang ang sinabi—diabetic daw ito at mahina na ang puso. "Alam ko na kung anong gusto niya—ikulong ka ng five years sa bahay niya para mabantayan mo ako. Mukha ba akong mahina, Rush?"

Hindi umimik nang mahabang segundo si Rush. Tahimik na tahimik lang sa harap ng manibela. Mayamaya ay, "Hindi, pero nag-iba ka pagkawala ni boss."

"Hindi naman 'yon ang tanong ko," sabi niya, ipinikit na ang mga mata. Ilang segundo lang, umusad na ang sasakyan. Hindi na siya nagmulat uli ng mga mata. "Kung mahina ako sa paningin ni Floro, ginagamit ka niya ngayon. Gusto niyang 'wag mo akong pabayaan. Lagot ka 'pag pinabayaan mo ako." Joke dapat iyon pero bitin sa gaan. Siguro pagod lang siya kaya kahit joke, hindi effective.

"Ba't naman kita pababayaan?" Narinig niyang sabi ni Rush. "Malabo 'yan kaya hindi magagalit sa akin si boss. Saan tayo?"

"Kay Lolo Manny."

Dumaan pa sila sa Marikina para personal na kumustahin si Lolo Manny at ibigay ang bagong designs ni Loy.

"Alam mo ba ang maraming mga sakit na sinasabi ni Floro? Wala siyang binanggit sa akin. Dinadaan lahat sa biro."

"Kailangan pa bang pag-usapan, Ma'am? Mas maganda siguro kung 'wag mo na siyang masyadong alalahanin para hindi ka na nasasaktan."

Tama naman si Rush. Ibinabalik lang niya lagi ang sarili sa sitwasyong dapat na niyang iwan.

"Gusto ni boss na masaya ka pa rin kahit wala na siya. Maging masaya ka, para naman ngumiti siya sa langit."

Huminga siya nang malalim at tumingin sa labas ng bintana. "Oo nga..."

Magdidilim na nang makauwi sila sa bahay. Tahimik na dumeretso si Ariah sa kuwarto. Gusto niya munang magpahinga sandali. Parang naipon ang pagod niya sa tuloy tuloy at mahahabang biyahe. Sumunod si Rush hanggang sa kuwarto. Inilapag nito sa kama ang mga file folders. Sabay lang ng paglapag niya ng bag sa couch. Naupo siya sa gilid ng kama.

"Ariah?"

Naudlot ang sana ay pagbagsak niya ng sarili sa kama. Napatingin siya sa lalaki.

"Sigurado ka ba talaga sa kasal?"

"Nasabi ko na, Rush. Uulitin ko na naman?"

"Naisip ko lang na baka kapalit ng tulong mo, malungkot ka lang ng limang taon. Hindi ko gustong makita kang—hindi ko gustong mangyari iyon."

Nagtama nang ilang segundo ang mga mata nila.

"Hindi ako malulungkot," Binawi na niya ang tingin. "'Labas ka na. Iwan mo na ako—"

"Naisip ko lang kasi, puwede namang...mahalin mo na lang ako?"

Bumalik agad ang mga mata ni Ariah sa lalaki. Biglang tinakpan ni Rush ang bibig sabay peace sign sa kanya. Natawa si Ariah. Hindi bagay sa matangkad, macho at may tattoo ang kalokohan nito. Napahagod siya sa batok, hindi mapigilang maaliw. "Alam mo, umalis ka na, Rush. Baka ano pang magawa ko sa 'yo!"

Tumawa rin si Rush bago inilapat pasara ang pinto. Napailing na ibinagsak ni Ariah sa kama ang katawan. Naaliw talaga siya kay Rush. Hindi halatang may ganoong side ang lalaki. Sa tattoo pa lang sa buong braso at laki ng katawan, napaisip na siya dati kung safe ba itong lapitan.

Pero ngayon, nagugustuhan niya ang paminsan minsang mga kalokohan nito. Nagiging magaan ang pakiramdam niya.

Narinig niya ang text alert ng kanyang cell phone. Inabot ni Ariah ang bag at kinuha ang gadget. Si Rush ang nag-text.

Salamat. Goodnight!

Paggising niya kinabukasan, naghihintay sa kanya ang nilagang mais sa almusal. Hindi niya iyon ni-request kay Manang Lumeng kaya nagtaka si Ariah.

"Si Rush ang naghanda niyan, Ria," sagot sa kanya ni Manang Lumeng nang magtanong siya. Napangiti si Ariah. Seryoso talaga si Rush na pasalamatan siya araw araw?

"Nasaan si Rush, Manang?"

"Umalis sandali, may bibilhin daw."

Tumango na lang si Ariah. Hapon pa ang lakad nila nang araw na iyon kaya bumalik siya sa kuwarto pagka-almusal.

Mga nine thirty, may kumatok.

Si Rush na may dalang isang sunflower ang napagbuksan niya ng pinto.

"Day two," sabi nito. "Salamat." At inabot sa kanya ang sunflower."

"Alam mo, Rush—"

"Shhh," saway nito na nagpatigil sa kanya. "Gusto kong gawin, Ariah," dagdag nito. "Hayaan mo na lang ako. Maging sunflower ka na lang."

"Ano'ng maging sunflower?"

"Ngumiti ka para magliwanag ang araw ko." seryosong sabi nito bago ang exaggerated na pamimilipit sa kilig.

Napahalakhak si Ariah. Hindi niya kinaya ang kalokohan nito. "Layas!" taboy niyang natatawa. "Mas sumakit ang ulo ko sa kalokohan mo!"

Ang lapad ng ngisi ni Rush. "Di mo pa inaabot o!" tukoy nito sa sunflower. Nagtama ang mga mata nila. Unti-unting nabura ang ngiti nito, sabay lang ng pagkawala rin ng ngiti niya. Napansin na ni Ariah na dark ang mga mata ni Rush pero hindi niya napansin dati na parang maamo at malamlam. Kung ang kabuuang mukha nito ay parang 'taong malupit' ang rehistro, ang mga mata pala ay may kakaibang amo.

Napatikhim si Ariah nang ma-realize ang pagtitig niya kay Rush. Inabot niya ang sunflower saka inilapat pasara ang pinto. Isa ang sunflower sa paborito niyang bulaklak. Alam iyon ni Floro—na malamang ay sinabi kay Rush. Kapag sa susunod na araw ay yellow na rosas na ang inabot sa kanya ni Rush, alam na niya kung kanino galing ang ideya.

Buong linggo na may snacks si Ariah na si Rush mismo ang naghanda—turon, pritong kamote, pancake, champorado at ang huli, cookies. Hindi marunong mag-bake si Manang Lumeng kaya nagtaka siyang mainit pa ang cookies. Si Rush pala ang nag-bake para sa kanya. Okay na sana, na-touch na siya nang bongga. Dinugtungan nga lang ni Rush ang sinabi—inutang daw nito sa budget pamalengke ni Manang Lumeng ang ginamit na ingredients. Puwede daw bang pa-advance ng suweldo?

Natawa na naman si Ariah.

Hindi man dapat, parang nae-excite na siya sa mga susunod na araw.

Ano naman kaya ang gagawin ni Rush?

Rush (The Gentle Soul) PREVIEWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon