Part 16

3.6K 147 11
                                    

Pagkawala Ng Harang

"BAKIT ang daming buns?" hindi napigilang usisa ni Ariah nang daanan nila sa bakeshop ang ilang plastic bags ng buns. "Para kanino?" box ng bilog na cake ang napansin niyang huling inabot ng tindera. Inilagay ni Rush sa passenger seat ang cake at sa likod ang mga plastic bags ng tinapay.

"Day off duties," sabi ni Rush pagkabalik sa manibela. Sabado nang araw na iyon, day off nito. Kinatok siya ni Rush at nagtanong kung may gagawin siya. Kung wala daw, sumama na lang siya sa raket nito. Isa raw iyon sa binanggit nitong puwede niyang gawin para maging busy at maaliw siya.

Sa bahay lang naman si Ariah kaya sumama siya. Gusto rin talaga niyang lumabas. Kung nasa Pugad Agila lang siya, naikot na naman niya ang buong Mall para aliwin ang sarili.

"'Kala ko nasa gym ka 'pag day off, Rush?"

"Sa gabi pa. Busy ako buong araw."

"Ah..."

Tuloy sila sa tahimik na biyahe. Sunddenly at Can't Help Falling In Love na naman ang mahinang tumutugtog sa loob ng sasakyan. Hindi na talaga binago ni Rush iyon. Automatic na pagkaupo sa manibela, iyon ang magpi-play. Wala naman sanang problema kung hindi lang naisip ni Ariah ang scene na nagsasayaw sila sa roofdeck. Ang tawanan nila bago ang ilang segundong iyon na nagtama ang mga mata nila...

Si Rush kaya, naiisip ang scene na iyon?

Wala sa loob na tumingin si Ariah sa rearview—nahuli niya ang mga mata ni Rush. Sabay lang silang nagbawi ng tingin. Inilipat niya sa labas ang mga mata. Masakit ang mga sumunod na nangyari pagkatapos ng eksenang iyon sa restaurant. Kusang iniwasan yata ng utak niya na huwag bumalik sa eksena. Pero ngayon, parang napapadalas ang pagbabalik ng scene sa utak niya. Parang nakikita rin niya lagi ang titig ni Rush nang araw na iyon na kinukuhanan sila ng pictures. Ang titigan nila na pinutol ng fireworks display.

Naging abala na ang utak ni Ariah sa pagpipilit na mag-isip ng ibang bagay. Gusto niya ng ibang focus. Ayaw niyang isipin ang mga mata ni Rush.

Namalayan niyang lumiko ang sasakyan at pumasok sa parking ng simbahan. Nagtaka si Ariah. Humihinto ba sa lahat ng simbahan si Rush? O kapag kasama lang siya? Nire-remind yata siya nito na mas maka-Diyos ito kaysa sa kanya?

"Mabilis lang ako, Ariah," sabi nito at binuksan ang pinto. Inabot ni Rush ang plastic bag ng cake. Na-curious si Ariah akong gagawin nito.

"'Pasok din ako sandali, Rush," sabi niya at lumabas na rin ng backseat. Inilock nito ang kotse pagkalabas niya. Magkasunod na silang pumasok sa loob. Wala namang ibang ginawa si Rush, hinintay lang siyang pumasok. Pagkaupo niya sa napiling upuan, naramdaman niyang hindi ito sumunod. Lumingon si Ariah—wala na si Rush sa may pintuan ng simbahan. Agad lumibot ang tingin niya—hayun ang lalaki, nakita niyang nakaupo sa dulo ng upuan sa right side. May katabing matandang lalaki na halatang tuwang-tuwa base sa pagkakangiti. Wala sa kanya ang atensiyon ni Rush, nasa matanda. Pabulong yata na nagkukuwentuhan. Ibinalik na ni Ariah ang tingin sa altar. Lumuhod siya at nanalangin ng ilang minuto.

Pagkatapos niyang magdasal, tahimik siyang tumayo para lumabas—nakita na niya si Rush na nakatayo sa kung saan ito nagpaiwan kanina. Parang bodyguard lang ang peg na hinihintay talaga ang amo. Napansin niyang wala na ang cake na bitbit nito kanina. Hindi nagtanong si Ariah pero pasimple siyang lumingon sa matanda—naroon ang cake, kandong nito. Hindi pa rin nawawala ang ngiti ng matandang lalaki.

"Nasa'n na yung bitbit mong cake kanina?" kaswal na usisa ni Ariah nang nasa sasakyan na sila at palabas na ng parking area ng simbahan.

"'Ando'n na sa may birthday," simpleng sabi ni Rush. "Ayaw ng ibang regalo no'n, cake lang talaga."

Rush (The Gentle Soul) PREVIEWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon