MINAHAL ko si Floro sa maikling panahon. Kung hindi pagmamahal iyon, wala akong alam na tawag sa emosyong naramdaman ko para sa kanya. Naging magaan lahat para sa akin mula nang dumating siya. Naramdaman ko kung paano alagaan at pahalagahan bilang babae. Tinuruan rin niya akong magtiwala at umasa sa isang katuwang na masasandalan. Parati niyang sinasabi na hindi na siya magtatagal pero tinanggap kong biro lang. Hindi ako naging handa. Hindi ko naisip na magiging ganoon kabilis ang pagkawala niya.
Pagkatapos kong marinig na wala na talaga siya, parang naging blurry na ang mundo at wala na akong nakita at narinig. Parang nag-sudden shut off ang lahat. Salamat kay Rohn, naging maayos ang lamay hanggang sa libing. Nalaman ko na lang kay Attorney Rigoner na kasama sa huling hiling ni Floro ay ang ilibing sa Bataan, sa tabi ng Mama ni Rohn.
Mula sa unang araw ng burol hanggang sa libing, para lang akong zombie na dalawang bagay lang ang ginagawa: Umiyak nang tahimik at titigan ang kabaong mula sa kinauupuan ko. Ramdam ko ang pagkilos ng tao sa paligid pero hindi nagsi-sink in sa akin ang mga sinasabi nila o ang mga usapan. Hindi ko na rin pinansin ang mga nagpipilit na kausapin ako. Katahimikan lang ang gusto ko.
Pagkalibing ni Floro, ang gulo gulo pa ng utak ko. Wala akong maisip gawin kaya pinili kong umuwi ng Pugad Agila. Sa malungkot na parteng iyon ng buhay ko, dinamayan ako nina Ellah at Yosah. Sumama rin silang bumalik sa Pugad Agila kahit may kanya kanyang issues.
Wala akong plano para sa mga susunod na araw. Wala rin akong maisip gawin. Sa gitna ng katahimikang parang nabibingi na ako, gusto kong mangyari na ang sumpa at sunduin na ako ni Kamatayan.
Pero malupit talaga ang mundo. Hindi ibibigay ang lahat ayon sa gusto mo.
May ibinigay na sulat sa akin si Attorney Rigoner na binuksan ko pagkalibing ni Floro. Kasabay ng pagbibigay niya ng sulat, binanggit ni Attorney na nagpa-imbestiga si Floro tungkol sa history ng mga Mahinhinon. Ang tulong pala na sinasabi ni Floro, hindi ang i-devirginize ako. Ipinahukay niya kung saan nag-ugat ang sinasabing sumpa. Gusto niyang patunayan sa akin na walang basehan ang sumpa. Na tinatakot at ini-stress lang naming magpipinsan ang mga sarili namin sa isang sumpang tsismis lang naman. Naiwan man na hindi tapos ang imbestigasyon, nangako si Attorney na ibibigay sa akin ang buong report, kasama raw iyon sa mga request ni Floro.
Binasa ko ang sulat pagkaalis ni Attorney Rigoner.
You made me a happy old man, Ariah. Thank you, baby. Now that I'm gone, remember me but don't dwell on sadness. Live. Live a beautiful life. You deserve it.
Floro
Nagsunod-sunod na naman ang patak ng luha ko. Kailangan kong bumangon pero iisipin ko pa kung paano at saan ako mag-uumpisa. Tatanggapin ko na lang muna siguro ang lahat ng bigat ngayon. At aasa akong sa bawat bagong araw, mababawasan nang mababawasan ang bigat hanggang bumalik ang dating gaan ng puso ko.
Paghakbang
MAY ilang linggo na rin ang lumipas pero pakiramdam ni Ariah ay ang bagal pa rin ng oras. Ang mga tao sa paligid, ramdam niya ang mga pagkilos. Tuloy ang lahat sa kanya kanyang activities pero siya, parang stuck sa isang bahagi ng mundo. At sa bahaging iyon, parang hindi umiinog ang mundo. Parang naka-freeze lang.
Bagong araw na naman ang araw na iyon pero parang pareho pa rin ng lumipas na araw. Nakaupo siya sa paboritong puwesto sa sofa, nakatingin sa isang direksiyon na wala namang tinitingnan talaga—tagos lang ang titig niya. At ang utak, parang puno at ang gulo pero wala talaga siyang particular na iniisip.
BINABASA MO ANG
Rush (The Gentle Soul) PREVIEW
HumorMahinhinon Virgins Book 3: Macaria (a.k.a Ariah)