Pagbangon
ISANG taon na pala ang nagdaan mula nang malaman nilang magpipinsan na hindi totoo ang sumpa. Pero parang kahapon lang nangyari lahat. Pareho silang magpipinsan na na-stuck sa sitwasyong pinasok nila dahil sa nakakainis na sumpang tsismis lang pala.
Napabuntong-hininga si Ariah. Hindi agad siya umalis sa kinatatayuan. Tahimik na sinundan niya ng tingin ang mabagal at parang ang bigat bigat na mga hakbang ni Ellah, ang pinsan at isa sa co-owner niya sa Diyosas—ang clothing store na binuo niya ang concept para sa kanilang magpipinsan. Parang 'new store para maka-move on' ang dating ng Diyosas. Para sa bago nilang simula pagkatapos ng mga nangyari. Hindi niya naisip noon na magiging komplikado ang mga bagay bagay para sa kanilang magpipinsan dahil sa lecheng sumpa sa mga Mahinhinon virgins na pinaniwalaan nilang lahat. Ang patunay na tsismis nga—tumuntong siya ng thirty one years old na virgin at buhay pa naman siya!
Ang sarap saktan ng nagpakalat ng tsismis na iyon sa mga nakaraang henerasyon sa angkan nila. Kung hindi siguro umabot sa kanila ang 'tsismis', tahimik siguro ang buhay nilang magpipinsan. Hindi naging komplikado na inabot ng mahigit isang taon, pare-pareho pa rin silang nagpipilit kumawala sa mga emosyong naiwan. Kanya-kanya sila nina Yosah at Ellah ng piniling mga desisyon para sa sarili. At hindi naging simple ang pinagdaanan nila. Si Yosah ang naging pinakamahirap ang sitwasyon—nawalan ng anak. At si Rohn, ang isa sa paboritong tao ni Floro, nagbabalik ngayon sa buhay ng pinsan na hindi niya alam kung ano ang intensiyon. Si Ellah naman, nanahimik sa Pugad Agila para makalimot pero isang missed call lang ng 'asawa sa papel' na si Marrio, hayun at nagulo na naman ang mundo.
At siya?
Bumuntong-hininga si Ariah. Pinalaya siya ni Floro sa kasal nila pagkatapos siyang iwan nito. Nakalaya siya oo pero naiwan sa isip at puso niya ang respeto at pagpapahalagang ipinaramdam nito. Sa maikling panahon na nakasama niya si Floro, nagawang iparamdam nito sa kanya na babae siyang deserve i-respeto, alagaan at mahalin. Lagi niyang naaalala ang mga eksena nila.
Napatingala si Ariah, hinagod ang buhok. Isang taon na pero naalala pa rin niya ang mga eksena sa pagitan nila. Yakap at forehead kisses lang, wala kahit halik sa labi pero iba ang naiwang puwang sa puso niya pagkawala ng asawa. Wala pa siyang lalaking minahal kaya hindi niya maikompara sa pakiramdam ng nagmamahal ang espesyal niyang naramdaman kay Floro. Pero para sa kanya, pagmamahal iyon. Minahal niya si Floro sa maikling panahon na nagkasama sila. Hindi na mahalaga kung anong klaseng pagmamahal iyon.
At pagkatapos nitong mawala, isinara na rin ni Ariah ang isip at puso. Hindi na niya kailangan ng bagong lalaki. Hindi niya gustong isipin man lang na gagastahin niya ang mga iniwan sa kanya ni Floro para magpakasaya sa piling ng ibang lalaki. Ise-share niya ang mga naiwan ni Floro para tumulong—sa pamilya, mga piling kaibigan at mga taong totoong nangangailangan lang.
Ang Diyosas ang pinakauna niyang project—para sa kanilang magpipinsan. Shift ng focus habang nagmo-move on. At naging okay ang Diyosas sa isang taong nagdaan. Nagpaplano na sila para sa bagong branch. Uunahin muna ni Ariah ang shoe store—kasosyo niya ang mag-asawang taga-Marikina na ginugol na ang buong buhay sa paggawa ng sapatos. Gusto niyang bigyan ng chance si Lolo Manny na tuparin ang pangarap nito—ang makita daw ang mga gawa nitong sapatos na naka-display sa sarili nitong shoe store sa Mall. Sa Mall sa Pugad Agila niya bibigyan ng katuparan ang pangarap ni Lolo Manny, sabay ng paghubog rin niya sa potential ni Loloy sa pagde-design ng sapatos.
Pabalik na si Ariah sa Diyosas nang mag-ring ang cell phone niya. Ang trusted lawyer ni Floro na si Atty. Julio Rigoner ang tumatawag. Medyo kumunot ang noo niya. Three months ago pa ang huling tawag ng abogado. Siya ang parating tumatawag dito dahil siya ang laging may kailangan—humihingi siya ng mga recommended na tao para sa kung anuman na kailangan niya.
BINABASA MO ANG
Rush (The Gentle Soul) PREVIEW
HumorMahinhinon Virgins Book 3: Macaria (a.k.a Ariah)