Part 7

4.3K 157 11
                                    

Pag-amin

PINANOOD na lang ni Ariah ang pagtawa ni Floro. Nasa kuwarto sila ng lalaki. Nakasandal sila pareho sa mga unan na nasa headboard ng kama at nagkukuwentuhan. Gusto ni Floro na ikuwento niya ang version ng sumpa sa Mahinhinon virgins na nauna nang binanggit ni Manang Lumeng pero hindi raw nito gustong paniwalaan.

Nagkuwento si Ariah—buo at mula sa umpisa—ang version na umabot sa kanilang magpipinsan. Binanggit niya ang mga babaeng kadugo na namatay, ang dahilan ng pagkamatay, ang palala nang palalang usapan tungkol sa sumpa at ang iniisip niyang pag-aabang ng buong Pugad Agila sa magiging kapalaran nilang magpipinsan.

Sa mga unang minuto, seryosong nakinig si Floro. Pero nang patapos na siyang magkuwento, halatang nagpipigil na ito ng tawa.

"Kaya kasama mo ako ngayon," iyon na ang huling linya ni Ariah. "Gusto ko pang mabuhay nang matagal—" hindi na niya nadugtungan dahil tumatawa na si Floro. Inabot siya nito at inakbayan.

"Ariah...my Ariah..." at tumawa na naman. Ramdam ng dalaga na hindi ito naniniwala sa sumpa sa mga Mahinhinon virgins. "Tatlo kayong magpipinsan na naniniwala sa kalokohang 'yan?"

"Hindi kalokohan ang sumpa! May mga namatay sa angkan namin—"

"Nagkataon lang 'yon," ang sinabi nito, hinagod-hagod ang braso niya. "Kalokohan ang ganyang kuwento sa modernong panahon."

Napasimangot si Ariah. Kung hindi ito naniniwala, bakit pinagbigyan si Manang Lumeng? At bakit siya tinanggap sa bahay nito? Naiintindihan na niya kung bakit wala pa rin na nangyayari sa kanila. Walang balak si Floro na galawin siya!

"Pinapaasa mo lang pala ako, eh," disappointed na sabi ni Ariah. "Sana sinabi mo na lang agad na wala ka namang balak na—"

"No, no, baby," agap nito kinabig siya palapit at hinalikan sa noo. "Hindi gano'n. Hindi nagbabago ang isip ko, tutulungan kita." Niyuko siya nito. "Pero may kondisyon, Ariah."

"A-Ano'ng kondisyon?"

"Magpapakasal tayo."

Napanganga muna si Ariah nang ilang segundo. Sa lahat ng naisip niyang posibleng kondisyon, hindi kasama ang kasal. Bakit siya papakasalan? Pinapakasalan ba nito lahat ng babaeng kinakama? "K-Kasal?"

"Gusto ko muna ng matrimonyo bago ko ibigay ang virginity ko kanino man—"

"Floro!" putol niya at kumawala rito. "'Yong seryoso naman! Seryoso 'tong problema ko, eh. Kung hindi ka naniniwala sa sumpa, ako, may maiiwang matatanda nang magulang na sigurado akong hindi maaalagaan nang tama ng mga pasaway kong kapatid. Importante sa akin 'to kaya nga wala na akong pakialam sa iisipin ng iba—" kinabig uli siya nito at niyakap.

"Alam ko, Ariah," at huminga ito nang malalim. "Ako naman, kailangan ko ng kasama hanggang sa huling araw ko sa mundo. Magpakasal tayo," ulit niya uli. "Tutulungan kita sa sumpang 'yan."

"Ayaw mong mag-sex na walang kasal?"

Tumawa lang si Floro, hindi sinagot ang tanong.

"Floro?" pilit niya, tumingala at hinanap ang mga mata nito.

 "You deserve to be respected, adored and loved. Magpakasal ka sa akin at ibibigay ko lahat nang iyon."

"Seryoso ka talaga?"

Tumango ito. "Sa huwes lang para mabilis. Wala nang proseso. Pipirma ka lang at abogado ko na ang mag-aayos sa lahat. Ibibigay ko sa 'yo ang pangalan ko, Ariah Mahinhinon."

"T-Tapos?"

"Remember me when I'm gone," ang sinabi ni Floro at hinalikan siya nang mariin sa noo. Napayakap si Ariah sa lalaki. May umahong bigat sa kanyang puso. Hindi alam ng dalaga kung bakit pero sa mga ganoong pagkakataon, pakiramdam niya ay totoo at hindi biro lang ang sinasabi ni Floro na hindi na ito magtatagal.

Rush (The Gentle Soul) PREVIEWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon