ANG first day ko sa Baguio na dapat ay kasama kong mag-iikot si Floro—na unang araw sa 'getting to know week' daw namin—ay si Rush ang kasama ko at hindi siya. Sa Mall ang unang stop namin ni Rush. Bumili ako ng mga damit pang-lamig, medyas at guwantes pati toiletries. Lahat ng pinili ko, si Rush ang nagbayad. Huling pinuntahan namin ay sa supermarket. Bumili ng groceries si Rush. Mga kulang daw sa kusina na inutos ni Manang Lumeng na bilhin nito. Pinipigilan kong ngumiti habang sumusunod kay Rush. May hawak siyang lista ni Manang Lumeng at isa-isang hinahanap ang produkto. Ang laking tao na tulak tulak ang push cart. Mga fifteen minutes yata ang lumipas na nanood lang ako. Sa huli, hindi ko na rin natiis na hindi tumulong. Nag-volunteer na akong maghanap ng ibang nasa lista para mapabilis kami.
Pagkatapos mag-grocery, kumain muna kami ni Rush—utos pa rin daw ni Floro na huwag simulan ang paglilibot nang walang kain. Nagtanong si Rush kung saan ko gustong kumain. Wala naman akong ideya sa mga kainan sa Mall na iyon kaya sinabi kong dalhin na lang ako sa may mura at nakakabusog—sa fastfood niya ako dinala. Chicken meal ang in-order niya. Chicken meal na may kasamang dalawang large fries!
Hindi ko napigilan ang pagngiti nang ilapag niya sa mesa namin ang pagkain. Hindi ko alam kung napansin niyang natuwa ako. Magiging paborito ko na rin siyang driver.
Sa mga unang minutong kumakain kami, tahimik lang siya. Pero nang nagbukas ako ng topic, nag-usap na kami. Sinagot niya lahat ng tanong ko tungkol kay Manang Lumeng, kay Floro, Sa Baguio, sa lamig, hanggang sa mga lugar na pupuntahan namin. Matipid nga lang talaga siyang magsalita.
Pagkatapos naming kumain, umpisa na ng dapat ay pasyal na kasama ko si Floro. Sa simbahan ako unang dinala ni Rush. Bago gala, dasal daw muna. Mas na-guilty ako sa ginawa kong panghuhusga sa kanya dahil lang sa tattoo. Mas banal pa yata siya kaysa sa akin.
Pagkatapos sa simbahan, iba't ibang lugar na sa Baguio ang pinuntahan namin na hindi ko tinandaan lahat. May pictures naman sa lahat ng lugar kaya malalaman din ni Floro kung saan kami umabot. Driver at photographer nga ang naging role ni Rush. Kay Floro ang dala niyang magandang camera, na ibabalik rin sa boss kasama ang mga shots niya sa mga lugar na pinuntanan namin.
Hindi ko man nakasama si Floro, naging masaya pa rin ang unang araw ng pasyal ko sa Baguio. Na-realize ko, hindi ko pala nagawa man lang iyon para sa sarili. Lagi akong abala sa maraming bagay na nakalimutan ko na ang sarili ko...
Pag-uusap
HINDI umupo si Ariah sa backseat nang pauwi na sila. Sa passenger seat niya piniling maupo. Gusto niyang makipag-usap. Gusto niyang magkuwento. Parang bigla ay puno ang dibdib niya at kailangan niyang ilabas.
"Hindi ka madi-distract kung magkukuwento ako, Rush?" mababang basag niya sa katahimikan. "Gusto ko lang ng kausap."
"Hindi, Ma'am. Ayos lang." Hininaan pa nito ang tunog ng music—ang paborito na naman nitong old songs.
"Paborito mo ang Suddenly at Can't Help Falling In Love?" hindi nakatiis na tanong niya.
"Paborito ni boss Floro," sagot ni Rush. "Nasanay lang akong 'yan na ang pinakikinggan, Ma'am. Sa tagal ko siyang ipinagmamaneho, parang automatic nang 'yan ang pinatutog ko pag-andar pa lang ng sasakyan—maski wala siya."
"Ah..." tumango siya. Mayamaya ay huminga nang malalim. "'Pag nakasanayan talagang gawin, parang addiction na mahirap putulin 'no?"
"Parang ganoon nga, Ma'am."
Huminga na naman siya nang malalim. "Rush?" sa view sa labas siya nakatingin. Sa isip, nakikita ni Ariah ang abalang sarili—maghapon sa harap ng sewing machine, wala halos kain kapag may mga rush na tinatahi. Pagdating sa bahay, siya pa rin ang tutulong sa Nanay nila sa pagkilos sa kusina. Sa linggo na araw niya sa sarili, nasa bahay rin lang siya at naglilinis para maging pahinga na rin ng Nanay niyang buong linggong abala sa gawaing bahay. Trabaho na naman kinabukasan—iyon ang naging buhay niya kaya siya inabot sa edad niya ngayon na parang hindi man lang niya namalayan.
"Salamat, ha?"
"Para saan, Ma'am?"
"Na sinamahan mo ako ngayon."
"Trabaho ko 'yon, Ma'am."
"Kahit na. Salamat pa rin," sandali niyang inilipat kay Rush ang tingin. "Alam mo ba, ngayon ko lang na-realize na naging sobrang busy ko sa maraming bagay. Na kahit ang isang araw na ganito, hindi ko man lang pala naibigay sa sarili ko—grabe, nagdrama talaga ako? Pasensiya ka na, Rush. Makinig ka na lang, kahit 'di mo na intindihin. Gusto ko lang talagang ilabas 'to."
"Naiintindihan ko," sabi naman nito. "Sige lang, Ma'am." At nanahimik na nga si Rush. Ibinigay nito sa kanya ang halos isang oras na biyahe nila para magkuwento siya. Nakinig lang ang lalaki. Walang anumang sinabi pero ramdam ni Ariah na nakikinig sa kuwento niya.
Pagdating nila sa rest house, magaan na ang pakiramdam ng dalaga. Nang sumalubong sa kanila sa sala si Floro, sinugod na lang niya ito ng yakap. Paulit-ulit ang pasasalamat niya na ibinigay nito ang isang araw na iyon na hindi man lang niya nagawang ibigay sa sarili sa thirty years na lumipas.
Naging emosyonal si Ariah. Hindi niya napigilan. Napapaluha siya kaya itinago niya iyon. Sumubsob lang siya sa dibdib ni Floro at walang tunog na umiyak.
"Rush, ano'ng ginawa mo?" magaang tanong nito kay Rush na abala sa pagpapasok ng mga pinamili nila. Sa tono ni Floro, parang nakatawa. "Bakit umiiyak ang baby ko?" Hinagod-hagod ni Floro ang buhok at likod niya na parang bata talaga siyang inaalo nito.
Natawa si Ariah. Malamyang pinalo niya ito sa balikat. "Nagda-drama lang ako," sabi niya at nagpunas ng luha. "Nagtiyaga na nga na makinig sa akin 'yan si Rush—"
"Kulang lang 'yan sa yakap, boss!" ganti naman ni Rush. "Tulog kasi nang tulog ang ka-date. Mag-vitamins kasi ng doble!"
Tumatawang minura ni Floro si Rush. Nahagip ni Ariah ang pagngisi nito nang dumaan sa kanila ang mga mata.
Na-confirm ni Ariah nang araw na iyon na malapit si Floro sa mga tao sa paligid nito. Parang kapamilya ang tingin nito kay Manang Lumeng at kay Rush. Kung humahakbang si Floro sa hagdan palapit sa kanya, ilang steps agad ang itinaas nito nang araw na iyon.
BINABASA MO ANG
Rush (The Gentle Soul) PREVIEW
HumorMahinhinon Virgins Book 3: Macaria (a.k.a Ariah)