Part 11

3.9K 151 13
                                    

Pagtakas

NASA kuwarto lang si Ariah at hindi matahimik. May isang oras na siyang napapaisip pagkatapos nilang mag-usap ng ama. Nasa Batangas silang lahat ng araw na iyon. Biglaan ang naging pag-alis nila ng Pugad Agila. Nagkataon pa na naunang umalis si Rush dahil off naman nito kinabukasan. Alam na niya kung anong gagawin ng lalaki—pasyal sa gym at sa iba pang pinagkakaabalahan nito tuwing off. Ang sabi sa kanya ni Manang Lumeng, may mga pinapasyalan si Rush na mga kaibigan. Wala daw kasing pamilya kaya sa ibang tao mahalaga rito inilalaan ang oras at pera. Wala siyang ideya kung sino ang mga taong iyon. Ang alam lang ni Ariah, hindi pumapalya si Rush sa pagdalaw sa mga iyon, gaya nang hindi rin ito pumapalya sa gym.

Ang kuya niyang si Earl ang nag-drive papuntang Batangas. Hindi niya hinayaang magmaneho ang amang tumaas ang BP. Ang ina naman, hindi na nawala ang nerbiyos. Malayo na sila sa Pugad Agila ay lumilingon pa para masigurong walang nakasunod sa kanila. Naintindihan ni Ariah ang mga magulang. Unang beses kasi na nangyari iyon—na pinaulanan ng bala ang bahay nila. Salamat sa Diyos at wala silang lahat. Kasama niya sa palengke ang mga magulang. Ang mga kapatid niya naman, sinagip ng pagiging maagang tambay. Ligtas silang lahat pero ang bahay ay butas-butas sa bala!

Sa impormasyon galing sa batang witness, riding in tandem ang gumawa. Walang CCTV sa lugar kaya walang ebidensiya.

Pagkarating sa Batangas, kinausap siya ng sarilinan ng ama. Hindi niya alam na may pagka-imbestigador pala ito. Pero napaisip din si Ariah. Sa tagal nila sa Pugad Agila na pasaway ang dalawang kapatid niya, walang gumawa nang ganoon. Hindi rin sila masamang pamilya para paulanan ng bala. Sino ang kaaway ng pamilya nila ngayon?

Paano kung totoo ang mga naisip ng ama?

Hindi matahimik si Ariah. Iniisip niyang tawagan si Yosah na nasa farmhouse na ni Rohn. Sinundo ng lalaki ang pinsan nang malaman nito ang tungkol sa pagbubuntis. Inabot niya ang gadget pero hindi muna nag-dial.

Baka naman ma-offend si Yosah...

Napapitlag pa siya nang mag-ring ang gadget. Si Yosah ang tumatawag. Agad niyang tinanggap ang tawag.

"Yosh..."

"Kumusta kayo diyan? Sina Tiyo at Tiya? Hndi naman tumaas ang presyon?" May parang panic sa boses ng pinsan. Alam nitong hypertensive ang mga magulang niya. Sino ba naman ang hindi magpa-panic sa nangyari sa bahay nila? Hindi isa o dalawang bala lang—butas-butas ang parteng gawa sa kahoy!

"Kumalma na," mababang sagot niya. "Ang dalawang baliw ang gustong mag-amok kanina," ang mga kapatid ang tinutukoy niya. "Gustong huntingin ang salarin. Akala yata simpleng paghahamon lang sa tapang nila. Wala pa rin silang alam tungkol kay Floro at sa mana ko. Babalik daw ng Pugad Agila ang mga loko. Hinihintay lang namin ang mga dagdag guwardiya sa bahay."

"Ano'ng balita nila Kapitan?"

"Wala pa," sabi ni Macaria. "Wala pang alas sais nangyari, tulog pa ang kapitbahay at gumamit yata ng silencer ang mga p*tang ina!" hindi siya nagmumura pero naghahalo na ang emosyon niya. Paano kung nagkataong nasa loob silang lahat? Lalo na ang mga magulang niyang laging naiiwan sa bahay? Hindi gustong isipin na Macaria ang posibleng dinatnan niya sa bahay. "Wala daw narinig na tunog, eh. Butas butas na lang ang bahay at maraming basyo ng bala nang dumating kami nila Nanay at Tatay. 'Yong bata sa kapitbahay ang nagsabi tungkol sa motorsiklong nakitang paalis. Wala namang CCTV sa Pugad Agila 'di ba? Marami pang short cut palabas—madali silang nakatakas."

"Sino kaya'ng mga 'yon?" si Yosah, halatang nag-aalala rin.

"Malamang binayaran lang. May gusto yatang magpapatay sa akin."

"Sa 'yo agad?"

"Eh, matagal nang tarantado 'tong mga Kuya ko, wala namang nagpapaulan ng bala sa amin. Ngayon lang. Ang iniisip ko, sino ang posibleng may motibo? Kung mana ko kasi ang dahilan, pamilya ko lang at si Rohn ang may makukuha kapag namatay ako. Hindi alam ng pamilya ko ang tungkol sa mana ko. Si Rohn naman, walang pakialam sa mga ari-arian ni Floro 'yan. Tingnan mo nga, binuburo pa rin ang sarili diyan sa farm niya eh kung tutuusin, mas marami siyang puwedeng gawin sa mga minana niya kay Floro."

Rush (The Gentle Soul) PREVIEWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon