Part 9

3.5K 147 8
                                    

Ikalawa At Huling Araw: Pamamaalam

LATE nagising si Ariah. Nagulat siya nang pagbaba niya ng lunch time, nasa sala ang buong pamilya. Masaya ang ngiti ng mga magulang nang sinalubong siya ng yakap. Ramdam niya na-miss siya ng mga ito. Ang dalawang pasaway na kapatid, salamat na lang at sumama nang hindi nakainom. Nagbabantang tingin ang ipinukol niya sa dalawa. "Wala nang insulto o ako na mismo ang magpapaalis sa inyo," mababang sabi niya, hindi itinago ang sama ng loob. Si Cops ay ngumisi lang. Ang Kuya Earl niya ay umismid.

"Wala ka pala talagang balak imbitahan kami sa bahay na 'to, Macaria?" ang Kuya niya na ang tono ay parang may mortal sin siyang nagawa.

"Pagkatapos ng ginawa n'yo kay Floro? Wala talaga, Kuya! Sa totoo lang, hindi ko alam kung ano'ng meron ngayon. Hindi ko alam kung bakit inimbitahan kayo ni Floro. Kung alam ko 'to? Wala kayong dalawa. Sina Nanay at Tatay lang ang papapuntahin ko—"

"Aba naman talaga," ang Kuya niya na sarkastiko ang tawa. "Nag-asawa lang, itinakwil na ang mga kapatid! 'Di Wow—"

"Cerilo!" may bantang putol ng ama nila. "Sirain mo ang pamilya natin sa asawa ni Ariah ngayong araw at may paglalagyan ka na." Hindi sumigaw ang ama. Mababang mababa lang ang boses.

"Tao tayong inimbita," ang ina naman nila sa mababang boses. "Magpakatao kayong dalawa kahit ngayon lang. Hindi na kayo nagsawang bigyan kami ng ama n'yo ng kahihiyan!"

Tikom ang bibig ng dalawa. Sabay na sabay ang pagsandal sa kanya-kanyang puwesto sa sofa. Sa wakas, nagsalita na rin ang tahimik nilang ina. Saksi si Ariah kung gaano nito pinagpapasensiyahan ang dalawang anak. Wala na nga na naitutulong sa pamilya, panay pa ang tambay at lasing ng dalawa. Pero kapag umuwi ang mga ito na halos gumapang na lang, ang ina pa rin ang matiyagang nag-aayos sa sofa o sa kuwarto para maging kompotable ang tulog ng mga pasaway na anak. Sa ina nakita ni Ariah kung ano ang unconditional love—pagmamahal ng Nanay nila sa mga pasaway niyang kapatid.

"Good morning, everyone!" masiglang boses ni Floro mula sa kusina. Kasunod nito si Rush na tahimik lang. Kinamayan ni Floro ang ama niya at nakipag-beso sa kanyang ina bago bumaling sa mga kapatid niya. "Masaya akong nakarating rin kayo." Kinamayan rin nito ang dalawa na parehong nakaliyad ang dibdib na parang proud na proud sa mga sarili. Napailing na lang si Ariah. "Good morning, baby," baling sa kanya ni Floro at hinalikan siya sa noo. "Magbibihis ka pa o ready ka na sa lunch?"

"Hindi pa," sabi ni Ariah. "Hindi pa nga ako nakaligo, eh. 'Di ko naman alam na may bisita."

"Ligo ka na," sabi nito bago bumaling sa pamilya niya. "Sa dining na tayong lahat."

Nagmadali si Ariah na bumalik sa kuwarto. Quick shower lang ang ginawa niya. Wala pang thirty minutes, nasa dining area na rin siya. Nakaupo na ang lahat sa mesa. Si Manang Lumeng at Rush ang abalang naghahanda ng mesa. Nakangiting tumulong si Ariah. Hindi siya sinaway ni Floro. Isa iyon sa mga ni-request niyang huwag siyang pipigilang gawin. Gusto niyang tumutulong kay Manang Lumeng sa kusina.

Hindi na nagulat si Ariah na parang fiesta na naman ang pagkain sa mesa. Pinaghandaan ni Floro ang pagpunta ng pamilya niya na hindi alam ni Ariah kung para saan.

Buong araw na wala silang ginawa kundi kumain, magkuwentuhan, kumain uli at kuwentuhan na naman. Ang dalawang kapatid, hinayaan ni Floro na uminom nang uminom. Si Rush ang kaharap ng mga ito sa garden table.

Lampas alas nuebe nang pumasok na sa guest room ang mga magulang niya. Ang dalawang kapatid, pareho nang tulog. Sa sofa na lang iniwan ni Rush. Pinuntahan niya si Floro sa kuwarto nito para samahang matulog. Inabot siya nito, hinalikan sa noo at mahigpit na niyakap. Hindi agad siya pinakawalan—ang pinakamahabang segundo yata na niyakap siya ng asawa. Naintindihan lang ni Ariah kung bakit mas matagal ang yakap, gusto pala nitong matulog mag-isa. Alam daw nitong na-miss niya ang mga magulang kaya gamitin niya ang gabing iyon para makipag-bonding.

Nilingon pa niya ang asawa at iniwanan ng ngiti bago siya lumabas ng kuwarto. Hindi naisip ni Ariah na iyon na ang huling pagtatama ng mga mata nila, ang huling ngiti niyang makikita nito, at huling yakap.

Kinabukasan, hindi na nagising si Floro. Nagulo ang dapat na masayang breakfast nila nang nagpa-panic na i-announce ni Lucky na unconscious si Floro at hindi nagre-response sa pangigising nito. Isinugod pa nila ang asawa sa ospital pero wala na. Iniwan na siya ng lalaking nagparamdam sa kanya ng respeto at pagmamahal.

Pakiramdam ni Ariah, lahat ng sayang nasa puso niya na naipon mula nang makilala niya si Floro, hinigop lahat ng isang araw na iyon.

Para siyang biglaang ibinagsak sa malungkot na mundong siya lang ang naroon.

Salamat na lang at naroon ang pamilya niya. Ang ina ang nayakap niya nang mahigpit para iyakan. Hindi man taon ang binilang ng pagsasama nila ni Floro, alam ni Ariah sa sarili na hindi magiging madali ang paglimot....


Rush (The Gentle Soul) PREVIEWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon