PARANG panaginip, isip ni Ariah habang nasa gitna sila ng reception area para sa first dance. Para pa siyang lutang. Hindi siya makapaniwalang ang kasal na siya ang nag-offer bilang tulong ay magiging perfect-naging higit pa sa pinangarap niya!
Hindi alam ni Ariah kung kanino siya dapat magpasalamat. Kay Floro ba na utak ng lahat? Sa mga magagaling na taong binayaran nito? Sa pamilya at mga kaibigan niyang lahat nakangiti at sinuportahan siya? O kay Rush na ginampanan ang role ng totoong in love na groom?
Napalunok si Ariah nang maalala ang halik. Literal na first kiss niya ang halik na iyon. First kiss na umabot yata hanggang sa dulo ng mga daliri niya sa paa ang sensasyon. Nanlambot ang mga tuhod ni Ariah at parang saglit siyang nalunod. Hindi niya alam na ganoon ang halik.
Hula ni Ariah ay pulang pula siya pagkatapos. Sina Yosah at Ellah kasi ang may pinakamalakas na cheer. Ang dalawang bruha na may alam na silang dalawa lang ni Rush ang hindi totoo sa kasal na iyon.
Si Rush...
Bakit siya hinalikan nito nang ganoon? Pang-kompleto sa perfect na kasal? Sana hindi na lang kasi may pakiramdam na naiwan sa kanya. Longing yata o craving? Hindi niya alam ang tamang term. Basta dahil sa halik, parang may something na nagising sa kanya. Parang gusto niyang ulitin. Gusto pa niya ng ganoon ka-passionate uli na kiss. Ang problema ni Ariah, uulitin ba ni Rush? O para lang sa mga audience nila ang kiss na iyon?
Ah, Rush!
Wala sa loob na nag-angat siya ng tingin. Tahimik silang nagsasayaw ng groom niya. First dance. Nag-iisip si Ariah. Hindi na nga siya aware sa paligid. Nagpapadala na lang siya sa lahat ng gawin ni Rush.
Pero nang magtama ang mga mata nila, parang nawala lahat ng ingay sa utak niya. Parang nahawi ang lahat ng gulo sa isip niya. Napalitan ng katahimikan at narinig na niya ang buong-buo at malamig na boses ng lalaking wedding singer nila. Naging aware na rin siya kung ano ang kinakanta nito.
"Girl, you're everything a man could want and more. One thousand words are not enough to say what I feel inside. Holding hands as we walk along the shore...never felt like this before, now you're all I'm living for. Suddenly...life has new meaning to me..."
Hindi alam ni Ariah kung ang kanta-na alam niyang laging pinakikinggan ni Floro at ni Rush sa sasakyan, o ang titig ni Rush ang nagpataas ng emosyon niya. Hindi niya alam kung bakit parang napuno bigla ang puso niya. Namasa ng luha ang mga mata ni Ariah hanggang bumagsak ang mga iyon sa pisngi niya.
"O, ba't umiiyak ka na?" si Rush na tinuyo agad ang luha niya. Gumagalaw pa rin ang mga paa nila pero sobrang bagal na.
"Hindi ko alam," sagot niya at tinawanan ang sarili. Wala naman kasi talagang dapat iyakan pero naiiyak siya. "Basta nakakaiyak lang..." nagpunas siya ng luha.
"Na-miss mo si boss?" nakayuko sa kanya si Rush, gentle ang tingin. Pakiramdam ni Ariah, kung sasagot siya ng oo ay yayakapin lang siya nito at hahayaan siyang umiyak lang. Ganoon ang pakiramdam niya sa titig nito.
Hindi nami-miss ni Ariah si Floro nang sandaling iyon. Iba ang iniisip niya. Tanong na pabalik-balik sa utak niya: Plano ba ni Floro na dalhin sila ni Rush sa sitwasyong iyon? Naisip ba ni Floro na si Rush ang lalaking magpapasaya sa kanya? Kaya ginamit nito ang pera para paglapitin sila? At si Rush na hindi matinag ang respeto at pagmamahal sa boss, pati ang kanta sa kasal nila, mga kanta pa rin na paborito ni Floro, na sinang-ayunan niya naman agad dahil si Floro naman talaga ang nasa likod ng kasal na iyon.
Pero ngayong naririnig niya ang lyrics ng Suddenly ni Billie Ocean, hindi si Floro ang naiisip niyang kasayaw. Hindi rin si Floro ang iniisip niyang groom habang naglalakad siya at kumakanta si Rush ng Can't Help Falling In Love sa simbahan. Na-realize ni Ariah, mula sa umpisa ng seremonya hanggang nang sandaling iyon, si Rush at hindi ibang lalaki ang iniisip niya.
BINABASA MO ANG
Rush (The Gentle Soul) PREVIEW
HumorMahinhinon Virgins Book 3: Macaria (a.k.a Ariah)