NAGTIWALA ako sa plano ni Floro. Ang ginawa ko na lang, naghintay. Hindi ko namalayan na nasasanay na akong kasama siya. Na kapag hindi niya ako ipinatawag para matulog sa kuwarto niya, nami-miss ko na ang yakap niya. Pero may mga gabi talaga na gusto ni Floro na mag-isa lang sa kuwarto. May mga personal na lakad din siyang ayaw niya akong isama. Sila lang ni Rush ang umaalis at si Lucky. May mga mga lakad pa nga na isa hanggang dalawang araw silang hindi umuuwi.
Kapag naman nagtanong ako, laging magaan ang sagot ni Floro. May mga importanteng inasikaso lang. Kapag na-extend ang tanong kay Manang Lumeng, ang sagot lang niya sa akin, 'wag ko nang isipin. Gawin ko na lang ang magagawa ko para mapasaya si Floro.
Pero sa isa sa mga gabing nag-uusap kami ni Floro, inamin niyang wala na siyang kakayahang ibigay ang gusto ko. Marami daw siyang sakit na hindi naman binabanggit kung ano ano. Nakaramdam ako ng takot para sa sarili pero hindi rin nagtagal. Nagdesisyon akong tanggapin na lang ang magiging kapalaran ko.
Kasama sa mga hindi ko makakalimutan talagang nangyari habang kasama ko si Floro, ang dalawang magkasunod na araw na iyon na nag-iwan ng marka sa isip at puso ko...
Una Sa Dalawang Huling Araw: Pagpapaubaya
"BA'T pa itutuloy kung masama ang pakiramdam mo?" reklamo ni Ariah kay Floro. Nasa kuwarto sila nang sandaling iyon. Kakauwi lang nito galing sa lakad kasama si Rush at Lucky. Dalawang araw na wala sa bahay ang tatlo.
Pagdating pa lang, napansin na ni Ariah na parang mabigat ang pakiramdam nito at nanghihina. Tumuloy sa kuwarto si Floro at nahiga sa kama. May lunch date sila dapat nang araw na iyon. Gusto ni Ariah na ipa-cancel na lang pero hindi pumayag si Floro. Gusto nitong pumunta siya sa restaurant.
"Pinaghandaan ko ang araw na ito, Ariah," sabi ni Floro at huminga nang malalim. "Para sa 'yo. Gusto kong ibigay mo sa sarili ang araw na 'to, baby—"
"Na mag-isa? Ano naman gagawin ko do'n nang ako lang? Ipa-cancel na 'yan. Dito na lang ako sa bahay, sasamahan kita—"
"Ariah, baby," sabi nito sa mas mahinang boses. "Come here," at sumenyas na lumapit siya sa kama. Pagkaupo niya sa gilid ng kama, inabot siya ng asawa at maingat na hinalikan sa noo. "Magbihis ka. Sasamahan ka ni Rush."
"Floro—"
"You should go, baby," putol nito at hinagod ang likod at buhok niya. "'Wag mong sayangin ang araw dahil lang hindi ko kayang samahan ka ngayon. Enjoy the food and the show, okay?"
Napabuntong-hininga na lang si Ariah. Kung makikipag-argumento pa siya, mai-stress pa ito kaysa mapahinga. Para matapos na lang, pumayag na siya. "Gagawin na," sabi na lang niya. "'Wag ka nang ma-stress diyan."
Ngumiti na si Floro. "That's my baby."
"Pahinga ka," si Ariah at hinalikan ito sa pisngi. "Babalik agad ako. Ano pala dapat ang suot ko? Puwede kahit ano?"
"Black dress," si Floro at ngumiti. Ang black dress na sinasabi nito, hanggang sakong pero back less. Isa sa mga araw ng gala nila, naisip na lang nito na bumili ng mga damit daw niyang gagamitin sa dates. Kasama rin sa binili ni Floro ang red dress na hanggang singit yata ang slit. Ipinadala nila kay Yosah—para sa 'masamang plano' ng pinsan kay Rohn.
Napatingin si Ariah sa pinto nang may kumatok. Warning knock lang. Bumakas ang pinto at pumasok si Rush. Suot nito ang uniporme sa araw na iyon—white polo shirt at jeans.
Itinaboy na siya ni Floro. May pag-uusapan pa yata ang dalawa bago sila umalis ni Rush.
Naging audience ni Ariah si Manang Lumeng sa pag-aayos niya ng sarili. Namangha siya nang malamang magaling mag-make up si Manang at kompleto sa gamit. May make up kit si Manang Lumeng! Si Floro daw ang gumastos sa mga branded na gamit nito. Bitbit pala ni Manang Lumeng ang make up kit kapag nag-a-abroad. May mga pagkakataon daw kasi na hindi gusto ni Floro ng kasamang maputla pa sa patay. Nagpapahid daw ng kolorete sa mukha sa Manang Lumeng sa mga ganoong pagkakataon.
BINABASA MO ANG
Rush (The Gentle Soul) PREVIEW
HumorMahinhinon Virgins Book 3: Macaria (a.k.a Ariah)