Part 4

4.6K 157 19
                                    

Pagtatagpo

MAY kakaiba akong naramdaman nang madaling-araw na iyon. 'Yong feeling na parang may nakatingin at nagmamasid sa 'yo. Wala sanang problema kung may kasama ako pero wala. Mag-isa lang ako sa bahay na iyon. Hindi ko alam kung saan galing ang pakiramdam pero nag-iba na ang kabog ng puso ako.

Napatigil na ako sa paghalo ng fries. May multo ba bahay na 'to? Hindi kaya may killer ghost at pinapunta ako ni Floro para maging alay?

Sinaway ko agad ang isip na masama na naman ang binubuong ideya. Hindi ako ipapahamak ni Manang Lumeng. Si Floro naman, kahit hindi ko kilala, base sa mga pag-uusap namin ay ina-assume kong mabuting tao.

Pero kung walang multo, sino ang nagmamasid sa akin?


MAY boses lalaking tumikhim. Napapitlag si Ariah at agad lumingon. Hindi man nakikita ang sarili, ramdam niyang sabay lang ang pag-awang ng bibig niya at panlalaki ng mga mata. Sa entrance ng kusina kasi, may lalaking nakatayo at nakatitig sa kanya!

Bigla niyang itinutok sa lalaki ang sandok—na nang ma-realize na walang magagawa iyon, tinakbo niya ang lalagyan ng mga kitchen knives. Humugot na lang basta ng isa at humarap uli sa lalaki.

Nagtama na uli ang mga mata nila. Naging aware na siya sa height nito—six footer sa tantiya niya. Ang tatag ng dating ng tindig, 'yong tipo ng lalaking tumayo lang sa tabi ng babae, ligtas na agad ang babaeng iyon—dahil walang mag-iisip man lang na gumawa ng kalokohan. Simpleng puting t-shirt lang ang suot nito at kupas na maong na punit-punit ang pang-ibaba. Obvious ang tattoo na parang...parang nakapulupot na dragon yata?

Takas-preso na naging akyat bahay?

Kumabog ang puso ni Ariah nang parang naging intense ang titig nito. Hindi yata nagustuhan ang pagtitig niya?

"'Wag kang... 'wag kang lalapit!" si Ariah sa malakas na boses. Nahulaan na niyang hahakbang ito palapit base sa tingin. Ang kumain lang ng fries hanggang magliwanag ang iniisip niyang gawin. Wala sa plano ang makasagupa ang parang wrestler na lalaking natatakpan ng tattoo ang isang buong braso!

Ilang segundong tinitigan lang siya ng lalaki. Wala man lang reaksiyon sa pagtutok niya ng kutsilyo. Blanko ang mukha nito. Kung hindi lang nagtama ang mga mata nila, iisipin ni Ariah na invisible siya.

Humakbang palapit ang lalaki, walang pakialam sa sinabi niya. Si Ariah ang napaatras palayo. Kaswal ang mga hakbang na lumapit ito sa mesa. Dinaanan ng mga mata ang bowl ng fries bago kinuha ang sandok na binitiwan niya—para gamiting panghalo sa nakasalang pang patatas. Saka na-realize ni Ariah na nasusunog na ang mga iyon.

Napamaang na lang ang dalaga nang kumilos uli ang lalaki—na parang sanay na sanay sa kusina. Kumuha ng isang bowl, inabot ang paper towel at ilang beses na pumunit. Inilagay sa bowl saka inilipat ang fries galing sa isang bowl. "Mag-iingat ka sa mantika," ang sinabi nito bago binalikan ang huling batch niya ng fries. Ang lalaki na rin ang pumatay ng kalan.

"S-Sino ka?" sa wakas ay naitanong ni Ariah. Ibinaba na niya ang kutsilyo. Wala naman palang silbi. Hindi man lang pinansin ng lalaki. Nagtataka siya kung bakit parang sanay na sanay ito sa kusina. May masamang loob bang tatambay muna sa kusina bago gumawa ng masama?

"Rush," sabi nito pagkatapos isalin sa bowl ang bagong lutong fries. "Nasa Baguio pa si boss Floro. Ipinasusundo ka niya. Bukas ng umaga ang alis natin. Driver niya ako."

Napatango na lang si Ariah sabay ng "Ah..." at napatingin sa kutsilyo na hawak pa rin. "Sorry," dugtong niyang na-guilty sa pagiging mapanghusga. "Akala ko lang—"

"Ex-convict na akyat bahay ang pinasok na raket pagkalabas ng Bilibid?" putol nito, pantay ang tono at blangko ang mukha.

"Oo, eh. Sorry naman," si Ariah sa pilit pinagaang tono. "Nagulat din kasi ako. Ba't madaling-araw naman kasi ang dating mo?"

"Madaling-araw ka rin naman nagpiprito ng patatas," ang sinabi nito. "Naisip kong nasa kuwarto ka na at tulog."

"Nagutom ako, eh."

"'Wag mo nang iligpit 'yan," tukoy nito sa mga kalat niya sa kusina. "Ako na'ng bahala diyan bukas." Tinalikuran na siya ng lalaki. Ang dating plano na magpapaabot ng umaga sa kusina, nagbago bigla dahil kay Rush. Umakyat siya sa guest room na itinuro ni Floro na para sa kanya, dala ang bowl ng fries at isang basong tubig. Nag-lock siya ng pinto.

Nag-text siya kay Floro nang nasa kuwarto na. Binanggit niya ang pagdating ni Rush.

Five thirty na ng umaga ang reply nito, inaantok na siya uli pagkatapos mabusog. Driver nga nito si Rush at bumaba galing Baguio ang lalaki para sunduin siya. Gusto ni Floro na sa Baguio na sila magkita.

Antok na antok na si Ariah kaya hindi na siya nag-reply. Nagising siya sa tunog ng cell phone—tumatawag si Floro nine thirty ng umaga. Alas siete daw pala dapat ang alis nila pero dahil bedroom voice daw siya, lumabas na lang muna siya ng kuwarto at mag-almusal.

Pagkatapos ng morning routine, lumabas nga ng kuwarto si Ariah at bumaba sa kusina. Bumagal na agad ang paglapit niya nang makitang may nakahandang pagkain sa mesa—mga nakatakip lang.

Si Rush ba ang nagluto?

Napatingin siya sa paligid. Silang dalawa lang naman ang tao sa bahay na iyon. Ah, baka almusal ng lalaki, nag-a-assume lang siya na ipinaghanda siya nito. Driver si Rush at hindi house boy ni Floro. Bakit naman siya ipagluluto ng almusal?

"Kumain ka na, Ma'am," sabi ng boses mula sa likuran. Biglang napalingon si Ariah. Si Rush na nakasando at jogging pants lang ang nakita niya, pawis na pawis at hindi pantay ang paghinga. Napatitig agad siya sa braso nito—hindi dahil may pagnanasa siya sa biceps kundi dahil kitang kita sa sandong suot nito na lumiko sa bandang dibdib ang nakapulupot na dragon. Kaya pala wala siyang napansing ulo. Ang ulo ng dragon parang nasa... dibdib nito?

"Ma'am?"

Bigla siyang napatuwid. Hindi agad na-realize ni Ariah na naka-bend na ang ulo niya sa side, sa anyong may sinisilip sa katawan ni Rush.

Nagtama ang mga mata nila. Blangko pa rin ang mukha nito pero ang mga mata, hindi singlamig kahapon. Kung tama siya ng basa, nagpigil ngumiti ang lalaki. Para yata siyang tanga sa harap nito. Hindi ugali ni Ariah na magsinungaling kaya kaysa maisip ni Rush na nagfi-fiesta ang mga mata niya sa ganda ng katawan nito, nagsabi na siya ng totoo.

"Napaisip lang ako kung...kung nasa'n 'yong ulo ng dragon?"

"Makikita mo lang kung maghuhubad ako—"

"Hindi kailangan," biglang putol niya. "Curious lang talaga ako."

Tumango ang lalaki. Itinuro ang mesa. "Naghihintay na si boss sa Baguio. Mag-almusal ka na, Ma'am."

Bumalik kay Rush ang tingin niya. "Para sa akin talaga 'yan?"

"Kung may iba kang gusto, ihahanda ko—"

"Hindi, Rush," putol niya uli. "Hindi ko lang naisip na maghahanda ka ng almusal. Salamat, ah?" Ngumiti na siya. Wala pala siyang dapat ipag-alala sa mga tao sa paligid ni Floro. Wala man sa looks na trustworthy at mabait si Rush, mukhang nangunguna sa katangian nito ang dalawang iyon.

"Utos ng boss," ang sinabi nito. "Hindi dapat ginugutom ang bisita."

"Ikaw, kumain ka na?"

Tumango ito at nilampasan na siya. Tinanggal ni Rush ang takip ng pagkain—bagong saing na kanin, pritong boneless bangus at maraming fresh kamatis. "Kape o juice, Ma'am?"

"Tubig—pero ako na'ng bahala sa sarili ko, Rush—" hindi na niya natapos. Lumapit na si Rush sa refrigerator at naglabas ng malamig na tubig. Bumalik ito sa mesa at sinalinan ang basong naroon na kanina pa.

"Tawagin mo lang ako kung may kailangan ka pa," Si Rush bago siya iniwan.

Hindi napansin ni Ariah na sumunod sa lalaki ang tingin niya. Pero nang ma-realize niyang nakatitig siya sa malapad na likod at balikat nito, biglang binawi ni Ariah ang tingin. Sa pagkain dapat ang focus niya, hindi sa ganda ng katawan ni Rush!


Rush (The Gentle Soul) PREVIEWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon