Part 14

3.4K 139 17
                                    

Paglapit

NAPATINGIN si Ariah sa pinto nang may kumatok. Mga alas once na ng gabi iyon. Nasa bahay na siya ni Floro sa Batangas. Weekend hanggang sa susunod na linggo, hindi muna siya babalik sa Pugad Agila. Ang staff na muna niya ang bahala at sina Yosah at Ellah. May mga dapat silang i-meet ni Rush tungkol sa kasal.

Tatlo lang sila sa bahay—siya, si Rush at si Manang Lumeng na laging naiiwan kapag wala sila. Alas diyes ang pinaka-late na pagkatok ni Manang Lumeng kung may kailangan o tanong sa kanya. Bakit kaya masyadong na-late kung anuman ang itatanong ni Manang Lumeng?

Hindi na itinuloy ni Ariah ang pagsampa sana sa kama. Binuksan niya ang pinto. "Ano po 'yon, Manang—" hindi na niya naituloy ang sasabihin nang mabungaran si Rush na may dalang tray ng pagkain. Isang baso ng gatas ang laman at... bowl ng fries.

Nagpalipat-lipat sa tray at sa mukha ni Rush ang tingin ni Ariah. Hindi siya humingi ng gatas at lalong hindi ng fries. Si Floro lang ang may alam na kapag hindi siya makatulog sa gabi, bumababa siya at nagbabalat ng patatas para i-prito at gawing midnight snack.

"Day one," sabi ni Rush. Blangko ang mukha, naka-shorts at sando lang na parehong itim. Bagong ligo. Basa pa ang manipis na buhok. Umabot sa kanya ang amoy ng sabon. "Salamat sa tulong—sa pagpayag na maging bride ko."

Napakurap-kurap muna si Ariah bago napangiti. "Rush, hindi mo kailangang gawin 'to—"

"Gusto kong gawin," Inabot ni Rush sa kanya ang tray. "Maraming patatas sa kusina. Kung may kailangan ka pang iba, Ma'am—Ariah, gustong iutos o ipabili sa labas—kahit ano, text mo lang ako."

Bumalik sa mga mata nito ang tingin niya. "Parang balak mo na yatang magpaalipin, niyan?"

"Ng buong puso," sagot nito, gumalaw ang sulok ng bibig. "Basta ikaw."

Nagtama ang mga mata nila nang ilang segundo. Hindi dapat magre-react si Ariah pero may kung ano sa mga mata ni Rush. Parang kinang ng saya—nahawa siya. Nakangiti na siya bago man niya namalayan.

"Ang OA mo, Rush!" kinuha niya ang tray. "Salamat dito!"

Hindi niya inaasahan ang pagngiti rin nito. Ang ngiti na ang dalang niyang makita. "Wala ka talagang utos?"

"Wala! Matulog ka na!" Natatawa pa rin si Ariah. Pumasok na siya at inilapag sa bedside table ang tray.

"Ariah?"

Napalingon siya sa pinto. Nasa labas pa rin si Rush. "O?"

"Salamat talaga."

"Oo na nga!" mas natawa siya. "You're welcome. Sige na, 'balik ka na sa kuwarto mo. May meeting tayo bukas sa wedding planner."

"Ariah?"

Napalingon na naman siya. "Ano na naman?"

"Parang ang dami ng fries mo. 'Penge ako?"

Nagkaroon ng tunog ang tawa niya. "Pinagloloko mo ako, eh!"

Tumawa rin si Rush. Magaan. Maikli lang. Suwabe. "Good night." Sa mga mata niya tumutok ang tingin nito bago maingat na kinabig ang pinto at inilapat pasara.

Napatitig si Ariah sa pinto. Mayamaya ay napailing. Hindi niya alam kung matatawa o maaliw siya kay Rush. Lumipat sa fries ang tingin niya—isang bowl talaga? Mainit ang fries at nakita niyang wala pang alas diyes, pumasok na sa kuwarto nito si Manang Lumeng. Ibig sabihin, si Rush ang naghanda ng fries para sa kanya.

Napapangiting kumuha si Ariah ng ilang piraso at tinikman. Mainit at malutong pa. Nagsunod-sunod na ang pagkuha niya sa bowl. Na-realize niya, buhay pa si Floro nang kumain siya ng fries na nakangiti.

Ngayon na lang uli.

Napatingin siya sa pinto. Mabait talaga si Rush. Ngayon pa lang, alam na ni Ariah na hindi niya pagsisisihan ang pagtulong.


Rush (The Gentle Soul) PREVIEWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon