Chapter Three: Surprise Guests
CYRHEL
Nagtaas-baba ang dibdib ko habang nakatingala sa mataas na gusaling iyon. Finally! Pagkatapos ng mahigit kalahating oras na paglalakad ay natapos din ang kalbaryo ko. Pasaway na taxi driver na iyon, niligaw na nga ako, penerahan pa ako. Kung alam lang ko, sana ay nagtiyaga na lamang akong mag-jeep.
Wala na akong pagpipilian kundi ang magbasakali sa condo unit ni Kuya Vince. Kung hindi ko gagawin iyon ay baka sa kalsada ako matulog at magpalipas ng gabi. Walang kaibigan ang gustong tumulong sa akin at ang mga taong inaasahan ko ay hindi ko naman makontak. Hindi pa ako nakakapagsimula sa pagbabagong gusto ko ay ito agad ang aking napala. Pero hindi dahilan iyon para sumuko agad ako.
Wala sa loob na napalingon ako sa kanang bahagi ko. J.CO donuts! Namilog ang mga mata ko kasabay ng panlalaki ng mga butas ng ilong. Matagal-tagal na rin akong hindi nakakatikim nito. Pero agad nagbago ang isip ko at mabilis na pumihit patalikod. Self-control por pabor Cyrhel! Sita ko sa sarili. Bukod sa hindi ko mapakinabangan ang mga ATM ko dahil pina-hold iyon ni Mama, kailangan kong magtipid dahil nanganganib nang maubos ang dala kong pocket money.
"Self-control! Self-control!" Paulit-ulit kong sinasabi habang humahakbang patungo sa entrance ng condominium. Pero nakakailang hakbang pa lamang ako nang bigla sumalubong sa akin ang isang humahangos na babae galing sa loob ng gusali. Sa kanyang pagmamadali ay nabunggo niya ang bitbit kong maleta at tumilapon iyon isang dipa ang layo mula sa akin.
"Sorry, Miss!" sarkastikong sabi ko nang lagpasan lamang ako ng babae. Hindi man lang siya lumingon. Bagaman hindi siya tumatakbo ay nagmamadali naman siyang naglakad papalayo. "Haist! Pasaway talaga!"sabi ko sa naiinis na boses at binalikan ang tumilapon na maleta. Mabuti na lamang at hindi iyon nasira.
Pagdating ko sa front desk ay walang guwardiyang nagbabantay. Kung sinusuwerte nga naman! Nagmamadali kong kinaladlad ang bitbit na maleta patungo sa elevator nang biglang...
"Miss, sandali lang!"Patay!
"Manong Ed!" Masigla kong sabi nang pumihit paharap. Pero laking pagkadismaya ko dahil ibang guwardiya ang nasa aking harapan. Mas bata itong di-hamak. Tantiya ko ay nasa mahigit trenta lamang siya. "Kuya, nasaan po si Manong Ed?" tanong ko.
"Pang-umaga na po ang duty niya. May kailangan po ba kayo sa kanya?"
Bagaman nadismaya ay pilit pa rin akong ngumiti. "Wala naman, Kuya. Nasanay kasi ako na siya ang laging naka-duty dito," sabi ko at nagmamadaling humakbang palayo.
"Sandali lang po, Mam!"
Napilitan akong lumingon. "Yes, kuya?" Hindi nawawala sa ngiti sa aking mga labi. Nagbabakasakali na makuha ko siya sa pagpapa-cute.
"Bawal po kayong pumasok."
Kunwari ay nagulat ako. "Bakit bawal? Dito nakatira si Vince Buenavista at kapatid niya ako. Isa pa madalas akong nagpupunta rito. Kahit itanong mo pa kay Manong Ed."
"Pero wala po ngayon dito si Sir Vince. Next month pa po ang balik niya."
I squared my shoulders and raised my chin. "Alam ko! Nasa honeymoon ngayon ang kapatid ko at inutusan niya ako na tumao muna sa unit niya."
"Hindi po talaga kayo puwedeng pumasok, Mam." Hinarangan niya ang daraanan ko. "Ang bilin po sa amin ni Sir Vince ay wala po kaming papasukin na kahit sino."
"Pero kuya, kapatid niya ako!"
"Sorry po, hindi talaga puwede." Wala na akong nagawa nang hilahin ng guwardiya ang maleta ko palabas. Kung may ekstra lang sana akong pera ay baka sinuhulan ko pa siya. Pero sa tingin ko kahit pa gawin ko iyon ay hindi rin papayag ang nasabing guwardiya. Mukha kasi siyang masungit at istrikto. Sa kalsada na talaga ako magpapalipas ng gabi.
BINABASA MO ANG
Baby, You And I (Published under PHR)
Romance"A guy needs one kiss from his girl to get back on his feet." Settling down is the last thing on my mind. Kaya ganoon na lang ang pag-iwas ko sa mga magulang ko tuwing nababanggit nila ang tungkol doon. Ang katwiran kasi nila, baka raw sakaling tumi...