Chapter Five: Instant Babysitter
CYRHEL
"Umalis na sila. Puwede na kayong lumabas," sabi ni Tyron nang buksan niya ang pinto ng banyo. Ang tinutukoy niyang sila ay ang mga security personnel na nag-iimbestiga sa misteryosong babae na nagdala ng bata sa pad ng binata. Hindi naman pala ang nanay niya ang dumating.
Hindi maipinta ang mukha ko nang humakbang palabas, nasa bisig ko si Baby Ron-Ron na nakakapagtakang naging tahimik magmula kanina. Mahigit kumulang kalahating oras kaming nagtago roon. Tiniis ko ang init at gutom. Halos maligo ako sa sariling pawis peroparang wala naman pakialam si Tyron.
"I need to go to work. Ikaw na muna ang bahala kay baby," aniya nang humugot ng tuwalya sa drawer upang maghandang mag-shower. "Huwag kang magpapasok nang kahit na sino at huwag kang lalabas lalo na at kasama mo ang bata. Mahirap na at baka may ibang makakita sa inyo at-"
Basta ko na lamang inabot sa kanya si Baby Ron-Ron. "Gusto ko lang ipaalala sayo na hindi ako ang nanay ng bata at mas lalong hindi ako ang yaya niya," sabi ko at tuluy-tuloy na lumabas ng kuwarto.
"Cyrhel..." Hinabol ako ni Tyron. "Teka lang, hindi mo puwedeng iwanan sa akin ang bata."
"Nagmagandang-loob akong alagaan si baby bilang kapalit nang pagnanatili ko rito at nagpapasalamat ako dahil pinatulog mo ako sa pad mo kahit labag sa iyong kalooban," sarkastikong sabi ko na hindi tumingin sa binata habang abala sa pagliligpit ng mga gamit sa maleta. Kung hindi dahil kay Baby Ron-Ron ay hindi naman mapipilitan si Tyron na manatili ako sa kanyang pad.
"Hindi ba puwedeng lubus-lubusin mo na ang pagmamagandang-loob mo?"
Doon nag-angat ako nag-angat ng tingin. Ang kapal talaga ng mukha ng bakulaw na ito!
"Wala na! Inubos mo na!" Singhal ko sabay pihit patungo sa pinto. Hindi ko na matitiis ang pag-uugaling mayroon siya. Abusado na, user pa at kung makapag-utos daig pa si Kuya Vince. Mag-bestfriend nga silang dalawa.
"Tumabi ka nga!" Hinarangan ni Tyron ang daraanan ko. Pero kahit anong pag-iwas ang gawin ko ay ayaw niya akong bigyan ng daan. Para tuloy kaming naglalaro ng patintero.
"Hindi ako papayag na umalis ka!"
"Wala kang karapatan na pigilan ako!"
Pumalahaw nang iyak si Baby Ron-Ron. Nakipagsabayan pa siya sa pagsisigawan namin ng binata.
"See? Kahit si Baby ay ayaw kang paalisin."
"Ikaw ang higit na dapat mag-alaga sa bata dahil ikaw ang tatay niya."
"Pero ikaw ang kailangan niya."
Parang tukso naman na itinaas ni Baby Ron-Ron ang mga braso at gustong sumama sa akin. Mabilis akong umiwas.
"Sorry, baby." Masisira ang mga plano ko kung paiiralin ko ang awa. Hindi ako umalis sa poder ng mga magulang para lamang maging babysitter. "I need to go."
Hinarang ng binata ang katawan sa tapat ng pintuan. "Cyrhel, huwag mo kaming iwanan ni Baby Ron-Ron. Hindi ko alam ang gagawin ko kung mawawala ka," maramdaming sabi ni Tyron kasabay ng malakas na pag-iyak ng bata. Parang eksena lang sa isang telenobela. And to my surprised lumuhod pa siya sa harapan ko.
"Tyron, para kang sira. Tumayo ka nga diyan!"
"Cyrhel, please... Kailangan kita sa buhay ko ngayon. Paano na lang ako kung mawawala ka?"
BINABASA MO ANG
Baby, You And I (Published under PHR)
Romance"A guy needs one kiss from his girl to get back on his feet." Settling down is the last thing on my mind. Kaya ganoon na lang ang pag-iwas ko sa mga magulang ko tuwing nababanggit nila ang tungkol doon. Ang katwiran kasi nila, baka raw sakaling tumi...