CHAPTER 6: A Tough Deceit
Two years ago...
"ANO?!"
Napapikit si Rachelle dahil sa lakas ng boses niya. "Ang OA mo talaga, Alfred," anito.
Salubong na salubong ang mga kilay niya. Napatuwid siya ng upo. "B-Bakit mo kasi sinagot?"
"Bakit hindi ko sasagutin si Terrence? Isang buong taon na siyang nanliligaw. At saka, gusto ko na rin siya. Mahal ko na siya," kumikislap ang mga mata ng kaibigan habang nagsasalita. "Sa loob ng isang taon, nakita ko naman lahat ng efforts niya. Hindi siya katulad ng mga mayayamang lalaki na ang taas ng tingin sa sarili. Di'ba nakuwento ko naman sa'yo kung gaano siya ka-down-to-earth?"
Nalukot ang ilong niya. "Baka palabas niya lang iyon."
Kumunot ang noo nito. "Anong palabas? Eh, lahat ng tao sa opisina ganoon ang nakikita kay Terrence. Saka ganoon din ang nakikita ko. Isa pa, mapapansin mo naman sa aura ni Terrence na mabait talaga siya. Ang guwapo-guwapo pa."
"Tss." Napailing-iling siya. Napatayo siya at dumiretso sa kusina ng bahay. Pagbukas niya ng ref ay tubig lang ang laman. Kumuha siya ng isang pitsel at nagsalin ng tubig sa baso.
"Fred," ani Rachelle na sinundan siya sa kusina. "Pag nakilala mo si Terrence sa personal, sigurado akong magiging aprubado siya sa'yo."
Hindi siya sumagot. Kahit sinong nobyo ni Rachelle ay kahit kailan hindi magiging aprubado sa kanya.
"Nasaan pala si Tiyang?"
"Namalengke siguro si Nanay," tipid na sagot niya at saka nilagpasan ito. Pumasok siya sa kuwarto niya na kanugnog lang ng kusina. Hanggang doon ay sinundan siya ni Rachelle.
"Anong oras ka na ba nagising?"
Hindi siya sumagot at saka humiga na lang ulit sa papag na pinatungan ng banig na may tatlong malinis na unan.
"Matutulog ka na naman."
"Wala naman akong ibang gagawin."
"Eh, kung maghanap ka kaya ng trabaho? Tapos ka naman ng college," nakahalukipkip na sabi nito.
"Patatalsikin lang ulit ako kapag may trabaho ako."
"Eh kasi naman po, pumapasok ka lang kapag gusto mo." Umupo ito sa gilid ng papag. "Talagang aalisin ka sa trabaho kapag hindi mo inalis iyang katamaran mo. Sayang ka pa naman. Iyang kaguwapuhan mo, puwedeng-puwede yang ahente sa mga kotse, mga lupa, o kaya sa mga mall at supermarket! Baka maging manager ka o kaya supervisor."
Napabuga siya ng hangin at napabangon. "Kinausap ka na naman ba ni Nanay? Sige na, ako na tamad. Pero subukan mong magtrabaho sa pinagtrabahuhan kong supermarket noon, kung makasigaw yung manager doon akala mo siya ang bumubuhay sa'min."
"Ganoon talaga sa trabaho, Alfred. Ano ka ba? Patatagan ng loob. Minsan din naman nasisigawan ako kapag nagkakamali ako. Pero natututo ako. Alam ko na ang gagawin para hindi na 'ko masigawan ulit ng boss ko."
Napakamot siya sa batok. "Wala bang opening sa Sagittarius? Baka naman puwede mo 'kong ipasok doon."
"Ano ba naman 'yan? Hanggang sa trabaho, gusto mo magkasama tayo? Mula elementary hanggang sa pinag-aralan natin ng kolehiyo, magkasama na tayo. Lumipat kami sa Maynila, lumipat rin kayo ni Tiyang. Di ka pa ba nagsasawa sa pagmumukha ko?" natatawang sabi nito.
BINABASA MO ANG
Love at its Toughest (Love Series #2)
SpiritualitéWith the consistent ups and downs of life and marriage, how can love continue to prevail? Paano magiging matatag sina Eunice at Terrence para sa isa't isa? What is love? It was answered at its best. But, how tough is it? Written ©️ 2014-2015