💍Trouble 15: Paglayo💍

730 50 16
                                    

Hating Bakla
(SHERIDAN)
by imrodsy23
Trouble 15





MATAPOS punasin ang luha, tiningala ni Shersher ang ina na humahangos papasok ng silid.

"Diyos ko, anak, anong nangyari?" agad na dinaluhan ni Edita ang anak, saka inulan ng 'di magkandatutong tanong ang anak. "Bakit nakalupasay ka diyan? Bakit ganyan ang hitsura mo? Bakit kayo nagsisigawan dito, umagang-umaga? Halika, tumayo ka diyan."

"Saan n'yo ho nakita si Rolanda impakta?" matalim niyang tanong nang makatayo.

"Kinakausap ng tatay mo, bakit ba?"

"Ako ang kakausap sa hambog na 'yon!" aniya sa nagngangalit na mga bagang. Akmang lalampasan na niya ang ina pero pinigil siya nito sa braso.

"Sandali lang nga!" awtorisadong saway at mapanuring tumitig sa anak. "Tayong dalawa ang mag-uusap. Sabihin mo sa akin ang nangyari at ang dahilan ng pag-alis ni Calvin na ganoon lang ang ayos."

Pero umiling lang siya. Tumungo at suminghot ng nagtutubig na ilong. Marahas din niyang pinahid ang panibagong luha.

"S-Saka na lang po ako m-magkukwento..." himig-pakiusap niya kasabay ng pagpiyok. "Haharapin ko muna ang baklang 'yon!" at mabilis siyang humakbang palabas.

Kaya naman nagagahol na napahabol ng hakbang si Edita. "Sheridan, bumalik ka rito! Sheridan! Sandali! Lalo lang kayo magkakagulo magkapatid, diosmioperdon!

Pero mas mabilis ang mga hakbang ni Shersher. Sa matuling iglap ay nakarating agad sa sala kung saan naroon ang nag-uusap na mag-amang Rolanda at Mario. Napatayo ang huli nang makitang pasugod ang anak.

"Anak---"

"Rolanda!" hiyaw at duro niya. Sa galit ay nanginginig ang mga kalamnan niya sa buong katawan. "Akala mo ba'y makakatakas ka na sa akin? Kahit magtago ka sa tuktok ni tatay, hahabulin pa rin kita para singilin!" akmang mahahablot na niya ang buhok nito pero napigil ni Mario ang kanyang mga braso habang nakayakap naman sa kanyang likod si Edita.

"Sheridan, tigilan mo ito! Kaya naman nating mag-usap nang 'di nagkakasakitan---"

"Hindi!" pagpupumiglas niya. "Bitiwan n'yo ako, 'Tay! Punong-puno na ako sa bastardang 'yan! Hayup ka!" puno ng gigil na tungayaw niya. Kasabay ng paghikbi at kasumpa-sumpang pagmumura. Iyong pakiramdam na gigil na gigil at ganting-ganti na siya pero hindi ni hindi man lang makakanti sa kalaban ang siyang lalong nagpapaliyab sa galit niya sa dibdib.

"Anak, ano ba! Sabi nang huminahon ka!" patuloy na alo ni Edita. "Rolanda, sige na. Pumasok ka muna sa kuwarto mo!"

"No!" Lalong nagwala si Shersher. "Hindi ka na papasok sa kahit saang silid dito! Lumayas ka! Kinamumuhian kita!" at nang mahagib ng palad ang flower vase ay walang pag-aalinlangang ibinato kay Rolanda. Pati tsinelas na suot ay hinubad at iyon man ay ibinato rin. "Lumayas ka sa pamamahay namin! Hayup ka! Hayup!"

"Sabing tama na!" bulyaw ni Mario sabay sampal kay Sheridan. Nabiling ang mukha ng anak at padapang nalugmok sa sahig.

"Diyos ko! Sheridan!" gulantang na napaluhod si Edita sa sahig, agad niyakap ang anak. "Mario naman!" napapahikbing usig sa asawa.

Si Mario na natigilan. Anyong nagugulat sa nagawa. Pero walang salitang tumayo si Sheridan at deretsong sumugod kay Rolanda.

"Ikaw ang may kasalan ng lahat ng ito!" buong galit na hinila niya ang buhok nito.

"Aray! Ano ba bitiwan mo ang buhok ko! Papa, help!" nagtitili at daing na palag ni Rolanda.

"Tanginaka!" Lahat na yata ng magagaspang na pagmumura at sumpa ay nasabi niya. Sinampal niya ito, kinalmot, sinuntok at tinulak.

Ni hindi na siya maawat ng kanyang mga magulang. Nagiging bingi siya sa pakiusap. Ang tanging nais niya ay madurog ang napakawalanghiyang kapatid! Sa ganoong paraan ay mabawasan man lang kahit paano ang lahat ng kirot at galit na nasa dibdib niya.

"Sheridan! Tama na!" patuloy na hinahablot ni Mario ang anak palayo kay Rolanda.

Si Rolanda na nakatayo na at siya namang sumugod ng sampal. "Mas punong-puno na ako sa 'yo!" sambilat ni Rolanda. "Buong buhay ko, inaasam ko na mawala ka na para ako na naman ang mahalin ni Papa. Dahil sa 'yo, hindi niya magawang piliin kami ni mama. Dahil sa 'yo, namatay si mama nang hindi kapiling si papa. Dahil sa 'yo, hindi nakakadalo si papa sa lahat ng birthday na nagdaan sa buhay ko! Kasi maramot ka! Maramot kayo ng mama mo! At lahat ay gagawin ko para mabawi ko ang lahat ng panahon na 'yon!"

"Hoy!" nandidilat ang mga matang duro ni Sheridan. "Wala kaming alam ni mama sa sinasabi mo! Hindi namin alam na may bastardo si Itay! Walang nagdamot sa 'yo!Kaya 'wag mong isisisi sa amin ang lahat ng pagkukulang ni Itay sa inyo, dahil unang-una, kabit lang kayo sa pamilyang ito!"

"Walanghiya ka!" at malakas na nahila ni Rolanda ang kwelyo ng damit ni Sheridan.

"Tumigil na kayo---"

"Bitiwan mo ako! Bastardo!" at nakawala si Sheridan. Mabilis na tumalikod upang kunin ang mga libro sa ibabaw ng glass table, ihahampas niyang lahat iyon sa makitid na utak ni Rolanda.

"Bastardo pala ha!" gigil na asik ni Rolanda sabay ubos-lakas na itinulak ang kapatid.

Nawalan ng balanse si Sheridan. Napaluhod at sumadsad ang tuhod sa sahig. Kasunod ang malakas na pagtama ng bibig sa gilid ng glass table. Napahiyaw siya sa sakit. Agad na nalasahan ang mabilis na daloy ng dugo. Pati ang pumutok na labi at tila nabaklas na ngipin ay damang-dama niya. Binalot siya ng takot... nerbyos. Hinabol niya ang hininga. Hindi na siya makakilos.

"Diyos ko! Sheridan!" at sumahol pa ang pag-aalala ni Edita sa bilis ng paglapit sa anak. "Anak? Mario ang anak natin! Tulungan mo ako! Dalhin natin siya sa ospital ano ba!" natataranta nang bulyaw sa asawa.

Habang si Rolanda ay bahagyang napaatras. Sa isang sandali ay natigilan... natuliro at natakot sa nagawa. Ang tanging nagawa ay napakurap-kurap na lang hanggang sa nagkukumahog nang dadalhin ng mag-asawa si Shersher sa pagamutan.










"DOK!" agad na salubong ni Edita sa doktor. "Kumusta po ang anak ko?"

"Wag na kayo masyadong mag-alala, misis, ligtas na ligtas ang anak n'yo. Pero marahil sa lakas ng impact ng pagkakauntog ay kinalulungkot kong nasira ang mga ngipin niya sa harap. Maliban doon, sa putok na mga labi at sugat sa gilagid ay wala nang iba pang dapat ipag-alala. Ang ibang komplikasyon kaakibat niyon ay magagampanan naman ng mahuhusay na doktor natin dito."

"Salamat naman po kung ganoon," at tumango ang ginang sa doktor na ngumiti lang saka tumalikod.

Humakbang na ang ginang at pumasok sa OR.

"Maya-maya lang ay ililipat ka sa iyong ward, anak." Imporma ni Edita habang hinahaplos ang buhok ni Sheridan.

Ngunit tanging isang butil na luha ang naging tugon ng anak.








PERO si Calvin, handa na sa paglayo sa lugar na iyon. Dala ang ilang bagahe, sumakay na ito sa may passenger seat ng pick up. Huling sulyap pa sa maliit na bahay na iyon, bago pinawalan ang malalim na hininga.

"Tara na kuya," at tumango sa kapatid, saka ni-recline ang upuan. Pahigang naupo at pumikit.

"Matutuwa si Dad, sa wakas ay bumalik ka rin sa katinuan mo." Turan ni Jude.

Ilang sandali pa'y humaharurot na ang pick up palayo sa lugar na iyon. Lugar ng pag-ibig at pagkabigo.





Sundan...

Saksihan ang kasalukuyang panahon sa HULING LIMANG KABANATA.

Bakla 2: Hating Bakla : SHERIDAN (GayRomance) (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon