Hating Bakla
(SHERIDAN)
by imrodsy23
Trouble 14"MALALIM na ang gabi pero wala pa rin si Calvin, aba'y dito pa ba siya uuwi o umuwi na siya sa kanila?" litanya ni Edita nang pumasok sa kuwarto ni Sheridan. Nasapo ang noo at 'di mapalagay sa pagtanaw sa bintana.
"Matulog ka na po, 'Nay," at tila walang pag-aalalang tumagilid pa sa pagkakahiga ang baklita. "Uuwi 'yon kung dito pa rin siya uuwi. At kung dito nga, 'wag na kayong mag-alala sa lalaking 'yon. Lalaki naman siya, 'di 'yon mabubuntis diyan sa daan."
Sa narinig ay bahagyang napamaang ang ginang sa anak, pagkuwan ay umiling.
"Bisita natin siya, dito siya tumutuloy..." sandaling huminto kasabay ng buntong hininga. "Kaya natural na mag-aalala ako sa batang 'yon dahil responsibilidad natin siya. Baka kung ano na ang nangyari sa kanya, kinakabahan ako. Gusto ko man sunduin at hanapin pero saan naman?"
Humugot ng hininga si Sheridan at pahinamad na bumangon. Ayaw man niyang indahin pero damang-dama niya ang labis na pag-aalala sa tono ng kanyang ina.
Tumayo siya at yumakap sa ina. "Uuwi din 'yon, 'Nay. 'Wag ka nang mag-alala, walang masamang nangyari kay Calvin. Magpahinga ka na."
"Bata ka," nagsasalubong ang mga kilay na napailing si Edita. "Wala ka man lang bang katiting na pag-aalala sa manliligaw mo at kampanteng-kampante ka?"
Nasasabik na nga akong makita ulit siya e! naunang sumagot ang puso niya. Pero iba ang iginiit niya sa sarili. "S'yempre, nag-aalala pero konti lang po. Para kasing nangangapa ako sa damdamin ko sa kanya at sa panliligaw niya."
Umigkas ang kilay ng ginang. "Nangangapa o nagkakaila? Arte mo, anak. Tigilan mo ako, Sheridan. Bago ka umamin kay Calvin, aminin mo muna sa sarili mong humaharot ka na. Naku!" at kumalas sa yakap ng anak.
Napanguso ang baklita. Kamot-tainga sa pagkapahiya. " 'Nay naman e---"
"Nasaan ang nagdadalaga mong anak?" nang mula sa bungad ng kuwarto ay deretsong pumasok si Mario.
Bahagyang nagulat ang mag-ina.
"Ano ba 'yon, Mario---"
"Dumating si pareng Abno, sinabing nakita raw niya si Calvin sa tabing-eskinita. Nakahandusay. Lango sa alak at putok ang labi pati ilong." Walang gatol na lahad kasabay ng nag-aalalang singhap ni Edita.
"Totoo ba 'yan, 'Tay?" si Shersher na nagugulat at bahagyang nagdududa sa k'wento ng ama.
"Totoo ba 'yan, 'Tay, " panggagaya ni Mario sa anak at malamig na tumitig. "Nakita mo na? Nanliligaw pa lang ay pinapakita na ang pagkabasagulero! At mukhang lasenggero pa ang kupal! Sumunod ka akin at susunduin natin ang siraulong 'yon!"
"Mario naman---"
"Ikaw naman, matulog ka na," sa halip ay pamumutol ni Mario sa tangkang pagsaway ng asawa. Pagkuwan ay muling bumaling sa anak. "Ano na, Sheridan? Kilos na!"
"O-Opo, 'Tay!" saka lang siya naniwala at nakadama ng pangamba para sa kaligtasan ng lalaking pinakamamahal.
AT GANOON na lamang ang paghikbi niya sa nakalipas na mga oras. Nalinisan na niya at nagamot ang lahat ng galos at pasa sa mukha ni Calvin pero nananatili siyang gising. Labis ang pag-aalala niya habang nakatitig dito.
Kasalukuyan na itong humihilik sa patihayang pagkakahiga sa kanyang katre. At sa laki ng bulto nito ay kailangan pa niyang idaiti ang sarili rito upang kahit paano'y makahiga siya katabi nito. Hubad-baro ito at tanging short na manipis na lamang ang saplot. Buong puso niyang pinagyaman ang binatilyo. Walang halong malisya at inhibisyon, gayong kung tutuusin ay nahantad na sa kanya ang kahubdan nito.
BINABASA MO ANG
Bakla 2: Hating Bakla : SHERIDAN (GayRomance) (Completed)
Romance"Nang muli kitang makasama at makita ang mga ngiti mo. Inisip ko na parang masarap lumimot sa galit at ikaw na lang ang isipin ko." Una pa lang... doon sa Dolores High School; nasa puso na niya si Calvin Formalejo. Tinatanaw... hinahangaan at lihim...