ARAW ng Linggo. Magaan ang pakiramdam na hinarap ni Monica ang pag-sikat ng araw. Tagatak ang pawis sa kanyang mukha sanhi ng pagdya-jogging. Gamit ang dalang bimpo na pinunasan niya ang mukha. Medyo matagal na rin siyang hindi nakapag-ehersisyo ng ganoon. Huminto siya at napatapat sa harap ng bahay ng kanyang Uncle Stephen. Wala ang nag-iisang sasakyan nito at bakante ang garahe. Madalas na wala sa bahay nito ang tiyuhin at hindi niya alam kung saan ito nagtutungo. May isang kotseng nakahimpil sa tapat ng gate ng tuyuhin. Hindi siya pamilyar sa kotse na iyon na marahil ay saglit lang na naki-park doon. Iisang subdivision lang ang tinitirhan nila ng tiyuhin.
Lumaki si Monica na hindi naging malapit ang loob sa kapatid ng ama.
Biglang pumasok sa isip ni Monica ang perang nahiram ng tiyuhin sa kanyang mama. Sa pagkakatanda niya ay nagawa pang magtalo ng kanyang mama at ni Uncle Stephen ilang araw bago pumanaw ang kanyang mama. Matagal na itong sinisingil ng kanyang mama ngunit hindi man lamang maibalik kahit kalahati nang halaga mula sa nahiram nitong pera. Hindi lingid sa kanya na may bisyo ang tiyuhin. Isa itong alcoholic at kung sinu-sinong magaganda at batang-batang mga babae ang iba't ibang nakakasama. Matagal na itong hiniwalayan ng asawa nito. Hindi rin nagkaanak ang mga ito.
Naisip niya na dapat ay silang dalawa ang higit na maging malapit ngayon sa isa't isa dahil sila na lamang ang magkamag-anak. Ngunit sa halip ay hindi niya makapa sa dibdib ang simpatya para sa tiyuhin.
Marahil ay mas labis niyang ikinaiinis ang pagiging manginginom nito. Pagkuwan ay nilagpasan na niya ang bahay nito.
Lingid kay Monica ay lihim siyang pinagmamasdan ni Rouie. Lulan ito sa loob ng kotseng napasin ng dalaga na nakahimpil sa kalsada. Hindi naaninag ni Monica kung may sakay na tao sa loob ng sasakyan dahil heavily tinted ang salamin niyon. At ang lalaki ay nagpatuloy lamang na tanawin ang dalaga.
Sa may kusina dumiretso si Monica pagpasok ng kanilang bahay para uminom ng malamig na tubig. Sa kabila ng pagod sa pagdya-jogging ay higit na gumanda ang kanyang pakiramdam.
"'And'yan ka na pala. Sayang at kabababa ko lang ng telepono. Tumawag ang Uncle Stephen mo at kinakamusta ka," ani Yaya Helena nang bumungad ito sa kusina.
Bago sa pandinig niya ang sinabi nito. Hindi siya sanay na nag-e-exert ng effort ang tiyuhin para lamang kumustahin siya. Although alam naman niya na bilang kadugo ay may concern ito sa kanya at hindi lamang nito iyon ipinapakita. Marahil ay ipinaparamdam din naman nito iyon sa paraang ito lang ang may alam at hindi lamang siya nagiging aware doon.
Hindi siya na-excite sa pangangamusta ng tiyuhin. Kung may excitement man na kanina pa naghahari sa kanyang dibdib, iyon ay ang napipintong pag-alis nila mamayang gabi ni Jedric. Nang araw na inimbitahan siya nito sa isang dinner bilang “sukli” daw sa ibinigay niyang reward dito ay dalawang araw pa muna ang pinalipas niya bago sumang-ayon. At kagabi nga ay bitiwan niya ang mga kataga ng pagpayag sa imbitasyon nito nang magkausap sila sa cellphone.
Kanina paggising ay agad na niyang inisip kung ano ang susuotin. In less than a week ay hindi na niya itinanggi sa sarili ang paghanga para kay Jedric. After all ay normal pa rin siya bilang isang babae.
Bigla ay nag-imagine siya na isang romantic dinner date at hindi simpleng pagkain lamang sa labas ang magaganap mamayang gabi sa kanilang dalawa ni Jedric. Naisip niya na marahil ay padala si Jedric ng langit sa kanya. At marahil din ay ito ang inilaan sa kanya ng Diyos para hindi siya habang-buhay na mag-isa. Masyado naman yata siyang mabilis mag-isip. Side effects lang siguro ng taong masaya.
Ang akala niya ay hindi na ulit siya makakaramdam ng saya nang mawala ang ina. Salamat sa biglang pagsulpot ni Jedric sa buhay niya. Pansamantalang nawala ang sakit na dulot ng bangungot na naranasan niya sa masaklap na ikinamatay ng ina.
Nang mga sandaling iyon ay walang puwang at nakapagtatakang hindi makapasok sa isip ng dalaga ang pait ng kailan lang. At sa sayang bumabalot sa puso niya ay hindi napigilan ang pagguhit ng isang ngiti na kanyang mga labi.
Ipinagkamali iyon ni Yaya Helena bilang reaksiyon niya sa ipinahayag lang nito kanina. Ang akala ng matanda ay ikinatuwa niya ang pagkamusta sa kanya ni Uncle Stephen.
"Ikinatutuwa ko ang ginagawa ngayon ng Uncle Stepehen mo para magkalapit kayo..." Hindi na itinama ni Monica si Yaya Helena bagkus ay binigyan-daan niya ang mga nais pa nitong sabihin. Batid din nito ang malamig na treatment niya sa tiyuhin. “Minsan na kaming nagkausap ng Uncle Stephen mo. Ipinahayag niya sa akin ang pagsisisi niya sa naging sagutan nila ni Veronica dahil sa perang nahiram ng tiyuhin mo. Sa aking pakiwari ay sinsero siya sa mga sinabi niya. Nais rin daw niyang maging malapit sa 'yo... Pakinggan mo ang Uncle Stephen mo, hija. At nawa'y magkasundo kayo at magturingan na mag-ama."
Ang mga sinabi ni Yaya Helena ay tila nagpagising sa bahagi ng isip ni Monica na unawain ang tiyuhin. Bakit nga ba hindi niya subukang ilapit ang loob kay Uncle Stephen?
BINABASA MO ANG
Deep In His Heart
RomanceNasa plano ni Jedric ang paghihiganti para sa taong siyang dahilan kung bakit nasa bingit ng kamatayan ang kondisyon ng kanyang ama. But he felt frustrated nang mapag-alaman that Veronica Celeste was already dead. Paano pa niya ito pagbabayarin? ...