HABANG kasama ni Jedric sa kotse niya si Monica para ihatid ang dalaga sa bahay nito, deep in his heart ay naroon ang pagnanais na idiretso ang dalaga sa condo na inuupahan niya. Nais niyang makapiling ito sa mas mahaba pang sandali.
Habang kasayaw niya ito kanina ay sobra ang pagpipigil niya sa sarili na huwag itong tuluyang ikulong sa kanyang mga bisig nang matagal at mahigpit. At habang magkalapit kanina ang kanilang mga mukha ay natutukso siyang tikman ang mga labi nitong tila inosente sa halik. Hindi niya gustong magkaroon ito sa kanya ng impresyon na isa siyang mapagsamantala kaya naman pinanatili niyang nasa tamang huwisyo ang isip niya. Imbis na nakukuha na niya ang tiwala nito ay baka maging sanhi pa iyon ng biglaang pag-iwas nito sa kanya. Hindi niya gustong pakawalan ito agad kanina nang matapos ang banayad na musika. Subalit baka pag nagtagal pa sila sa dance floor ay hindi na siya makapagpigil sa kung ano ang nais niyang gawin sa dalaga.
Hindi niya napigilan kanina ang damhin ng kamay niya ang pisngi nito. Parang natutulala siya sa ganda nito kapag ganoong namumula ang mga pisngi nito. At para bang nakadepende doon kanina ang paghinga niya na kung hindi niya dadamhin ang pisngi nito ng isang palad niya ay baka hindi na siya makahinga.
Naramdaman niya ang pagkailang nito nang magpaalam itong pupunta ng banyo hanggang sa makalabas ito doon.
Nagawa naman niyang pawiin iyon nang magpasya na siyang ihatid na ito sa bahay.
Tahimik lamang si Monica sa loob ng sasakyan at agad na iniiwas sa kanya ang tingin kapag nasasalubong nito ang kanyang mga mata. He was a good conversationalist pero nakapagtatakang wala rin siyang masabi nang mga sandaling iyon. Tila ba nagpapakiramdaman lamang silang dalawa at nagkakasya siyang panaka-naka ay sulyapan ang maganda nitong mukha.
Nang iliko niya sa isang kalye ang kotse ay may napansin siyang isang sasakyan na nakasunod sa kanila. Sila ba ang sinusundan nito? Parang kanina pa niya ito napapansin pag-alis pa lang nila sa pinanggalingan restaurant. At bakit naman sila nito susundan? Pagkuwan ay ipinagkibit na lamang niya iyon ng mga balikat.
Nang nasa tapat na sila ng bahay ni Monica ay inalok siya nitong magkape. Dahil medyo late na ay tinanggihan niya ito at sinabing sa ibang pagkakataon na lang para makapagpahinga na rin ito. Kiming nagpasalamat ito sa kanya sa paglabas nila sa gabing iyon. Kasunod niyon ay binigyan siya nito ng isang klase ng ngiti na animo'y nagpalusaw sa mga negatibong damdamin na nananatili sa kanyang dibdib.
Hindi niya napigilan na hawakan ng dalawang kamay ang malalambot nitong mga palad. "Walang anuman iyon, Monica," tugon niya sa banayad na tinig. At nang mga sandaling iyon ay hindi na niya napaglabanan ang puwersang nagtulak sa kanya para halikan ito sa mga labi. It was heaven. Para bang ngayon lamang siya nakatikim ng halik. At ang higit na ikinasopresa niya ay ang pagtugon ng mga labi nito sa halik niya.
Ngunit bago umalab ang halik na iyon ay umiwas na ang dalaga. Pumagitan ang katahimikan.
"G-good night, J-Jedric. Thank you again," nakayukong sabi ni Monica. Pagkuwan ay mabilis na itong pumasok sa loob ng bahay.
Tinanaw niya ito na may ngiti sa mga labi hanggang mawala ito sa kanyang paningin. Magaan ang pakiramdam na muli siyang lumulan sa kanyang sasakyan.
Hindi napansin ng binata ang nakahintong kotse na kanina ay nakasunod sa kanila hanggang sa malampasan iyon ni Jedric.
SAPO ni Monica ang mga labi nang mga sandaling iyon. Kasalukuyan na siyang nasa silid niya. Hindi siya makapaniwala na nagawa siyang halikan ni Jedric. Nagdulot iyon sa kanya ng masarap na pakiramdam. Naghahari sa puso niya ang saya. At kung hihingan niya ng paliwanag ang sarili ay dahil iyon sa isiping may atraksiyon sa kanya ang lalaki.
Siguro nga ay ngayon na ang panahon para muli niyang buksan ang puso upang umibig. Totally ay inamin na niya sa sarili na hindi niya kayang rendahan ang romantikong emosyon kapag kasama niya si Jedric.
Parang hindi nakasayad sa sahig ang mga paa na tinungo niya ang kanyang kama at nahiga. Tumagilid siya ng higa at in-imagine na katabi niya si Jedric.
Binalikan sa isip ang romantic na pagsasayaw nila kanina sa restaurant. Ang banayad na paghawak ni Jedric sa pisngi niya. At higit sa lahat, ang iginawad nitong halik na nagawa niyang tugunin sa magaan na paraan.
Bigla, ang pakiramdam niya ay nakahiga siya sa mga ulap.
BINABASA MO ANG
Deep In His Heart
Любовные романыNasa plano ni Jedric ang paghihiganti para sa taong siyang dahilan kung bakit nasa bingit ng kamatayan ang kondisyon ng kanyang ama. But he felt frustrated nang mapag-alaman that Veronica Celeste was already dead. Paano pa niya ito pagbabayarin? ...