NANG mga sandaling iyon ay mailap ang antok kay Jedric. Nasa sala siya ng kanyang condo. May tangan siyang kopita sa isang kamay na may lamang alak. Napangiti siya habang binalikan sa isip ang masayang pangyayari kani-kanina lang sa piling ng babaeng laman ngayon ng kanyang puso.
Subalit sa kabila niyon ay sumasagi sa isip niya ang kalagayan ng ama.
Pilit na itinaboy niya ang negatibong emosyon na nagpupumilit makapasok sa sistema niya.
Habang pinakikinggan niya kanina ang kasintahan sa pagbabahagi nito ng mga karanasan nito sa buhay, higit ang tungkol sa ina nito, ay agad niyang napagtanto na hindi makatarungan na ipataw niya kay Monica ang pinlano niyang paghihiganti.
At bagaman noong una pa man ay batid na niya ang sinapit ng ina nito, ay iba ang naging epekto niyon sa kanya nang mismong marinig niya iyon sa pagsasalaysay ni Monica. Naunawaan niyang ang mawalan ng isang minamahal sa buhay lalo na't sa paraan na pinaslang ay hindi ganoon kadaling tanggapin.
At nang mga sandaling iyon ay biglang napalitan ng awa ang poot na nakalaan sa puso niya para kay Veronica. Awa sa paglisan nito sa mundo na tiyak na hindi pa nito ninais.
Simbilis ng bala ng baril na sumentro sa puso ni Jedric ang pag-ibig na naramdaman niya para sa dalaga. He was sincere sa ginawa niyang pagsuyo at panliligaw rito.
Nang ipahayag kanina sa kanya ni Monica na ganap na siya nitong nobyo ay abot-langit ang naging ngiti niya dulot nang labis na saya. Nang yakapin siya nito at nang tugunin niya iyon nang mas mahigpit na yakap ay kaalinsabay niyon ang paghawi sa puso niya ng poot na inilaan niya para sa mama nito.
Nang dahil sa pagmamahal sa dalaga, deep in his heart ay batid niyang napatawad na niya si Veronica. Isang bagay ang nagpamulat sa kanya na hindi na dapat pinaglalaanan ng galit ang taong namayapa na. At kung anuman ang naging kasalanan nito sa ama niya noong nabubuhay pa ito ay ipinagpasa-Diyos na niya.
Ang ano mang interes na mabawi niya ang negosyong hawak ngayon ni Monica, ay animo'y winalis iyon sa isipan niya at bigla ay wala na iyong halaga sa kanya.
Higit na malaki ang interes niya kay Monica para mahalin ito.
Tanging si Monica lang ang babaeng nakapagparamdam sa kanya ng mga damdaming nararamdaman niya sa tuwing kasama ito. O kahit hindi ito kapiling basta maisip lamang niya ito.
Napasulyap si Jedric sa kinapapatungan ng kanyang cellphone nang tumunog iyon. Sinulyapan niya iyon at tiningnan kung sino ang caller. Private number ang naka-register. Naisaulo niya ang numerong iyon. Nang huli niya iyong sagutin ay galing ang tawag na iyon kay Agatha. His ex-girlfriend na hindi niya alam kung bakit pa nito ipinaalam na naroon din ito ngayon sa bansa gayong malinaw naman na ipinahiwatig niya rito na tapos na ang relasyong namagitan sa kanila.
Agatha was also a Filipina. Sampung taon ito noon nang mag-migrate ang pamilya nito sa America. She met her through a common friend. Totoo namang nabighani siya sa ganda nito. Tipong maipagmamalaki ng sino mang lalaki kapag naging kasintahan ito. Tila ito isang diyosa na bumaba sa lupa. Very sophisticated.
Madaling nagkahulihan ang kanilang mga loob. Agad niya itong naging nobya. Ayos naman ang naging takbo ng kanilang relasyon. Ipinagpalagay niya na ito na ang babaeng makakasama niya at makakatuwang sa pag-buo niya ng sariling pamilya. Subalit natuklasan niya ang pagkakaroon nito ng ibang karelasyon bukod sa kanya.
Subalit hindi niya ininda ang sakit na dulot ng pagtataksil ni Agatha sa kanya.
Doon lamang niya napagtanto na hindi ganoon kalalim ang pagmamahal niya para kay Agatha. Maybe he was just infatuated sa taglay nitong ganda. Wala siyang panghihinayang na nadama nang siya mismo ang nagpasya na tapusin ang relasyon nila ni Agatha.
Sa halip na sagutin ang cellphone ay ini-off niya iyon.
A few moments later ay biglang may sumalit sa isip niya.
Nadatnan ng iyong ama na nakikipaghalikan si Veronica sa kanyang bayaw... sabi sa isip niya kasabay ang tila pagkarinig sa boses ni Atty. Lacosta.
Jedric, meet my uncle... Uncle Stephen, ang sabi naman ng tinig ni Monica.
Noong gabing ipakilala siya ni Monica sa Uncle nito ay awtomatikong napakuyom ang mga palad niya. Pilit na ikinubli sa tinig ang bumangong galit na gustong humulagpos sa kanyang dibdib sa ilang pormal na tanong ni Stephen na nagawa niyang sagutin. Hindi niya natagalan ang presensya nito roon kaya naman nang lumipas lamang ang ilang sandali ay nagpaalam na siya kay Monica. Hindi siya sigurado kung napuna ng dalaga ang biglang pag-iba niya ng mood.
Magpahanggang-ngayon ay batid niyang nananatiling hindi nahuhuli ang salarin sa pagpaslang kay Veronica. Ni walang suspect na maaaring ituro.
Nang mga sandaling iyon ay dapat ba niyang i-entertain ang hinalang biglang pumasok sa isip niya na posibleng may kinalaman si Stephen sa pagkasawi ni Veronica?
At ano ang basehan niya para pumasok sa isip iyon?
Ngunit hindi niya maipaliwanag ang kutob na bumabangon sa kanyang dibdib.
Hindi ba't kung mayroon siyang dapat balingan ng paghihiganti ay ito iyon? Kung iisipin ay ang relasyon nito kay Veronica na nabunyag sa kanyang ama ang sentro ng dahilan kung bakit inatake sa puso ang kanyang papa.
Nagpasya siyang hindi muna niya kailangang ipaalam iyon kay Monica.
Muli niyang binuksan ang cellphone at hinanap doon ang numero ng private investigator na ini-rekomenda sa kanya ni Atty. Lacosta. In his own way ay nais niyang makatulong kay Monica na mahanap ang salarin sa taong pumatay o nag-utos para ipapatay ang mama nito.
His first step ay paimbestigahan ang tiyuhin nitong si Stephen.
BINABASA MO ANG
Deep In His Heart
RomanceNasa plano ni Jedric ang paghihiganti para sa taong siyang dahilan kung bakit nasa bingit ng kamatayan ang kondisyon ng kanyang ama. But he felt frustrated nang mapag-alaman that Veronica Celeste was already dead. Paano pa niya ito pagbabayarin? ...