chapter 2

34 0 0
                                    

HINDI pa rin makapaniwala si Monica na ang bawat letra na nababasa niya na nakaukit sa lapida sa harap niya ay bumubuo sa pangalan ng kanyang ina.
May isang buwan na ang nagdaan buhat nang pumanaw si Veronica Celeste.
Hindi niya matanggap ang paglisan nito sa mundo. Higit ang paraan ng naging pagpanaw nito.
Dead on the spot ang kanyang mama nang malakas na sumalpok ang minamaneho nitong kotse sa isang convenient store.
Sa kabuuan ng imbestigasyon ay lumalabas na sadyang may pumutol sa flexible hose ng preno ng kotse ng kanyang mama kung kaya't nangyari ang sakuna. Magpahanggang ngayon ay nananatiling blangko ang pulisya sa pagkakakilanlan ng suspect.
Sa abot ng kanyang alaala ay wala siyang maisip na may taong nagdadala ng matinding galit sa kanyang mama.
Nananahan ngayon ang takot sa dibdib ng dalaga.
May babala sa likod ng isip niya na higit niyang kailangang maging maingat at mapagmasid sa paligid niya.
Nagsindi ng kandila at itinirik sa ibabaw ng puntod ng ina ang dalaga. Tahimik na umusal ng maikling panalangin para sa kapayapaan ng kaluluwa ni Veronica.
May ilang sandali pa ang pinalipas niya. At tulad ng dati ay mabibigat ang hakbang na nilisan niya ang lugar na iyon.

BINATI si Monica ng "magandang umaga" ng buong staff niya sa pagpasok niya sa isang first class na health and beauty shop. Simpleng tango lamang ang tinugon niya sa mga ito at pagkatapos ay dumiretso ang dalaga sa isang silid na siya niyang opisina.
Humalo na naman sa hangin ang lungkot at unti-unti niya iyong nadama.
Humugot siya nang malalim na hininga. She had to move on. Hindi niya mapapatakbo nang maayos ang negosyong iyon na naiwan sa kanya ng kanyang mama kung palagi siyang magpapagapi sa emosyon.
Upang maibaling sa iba ang isip ay itinuon niya ang atensyon sa mga papeles na naroon at inumpisahan na ang dapat trabahuhin.
Mahigit isang taon pa lang nag-o-operate ang business niyang iyon na sinimulang hawakan ng kanyang mama. If there’s any consolation sa pagkawala ni Veronica ay ang higit na nakilala at lalo pang gumanda ang pagpasok ng income ng health and beauty shop.
Kalimitang rich and famous ang kanilang nagiging customers.
Ang sino mang pumasok doon ay nagkakaroon ng bahid ng pagaka-satisfied sa bawat aura sa oras na lisanin ang naturang establishment.
Bakit hindi? Bukod sa mahuhusay at magigiliw na mga empleyado ni Monica ay pawang mga de-kalidad at moderno ang mga kagamitan doon. Kompleto ang health and beauty shop hanggang sa sauna and steam bath at skin clinic.
Iyon ang talagang pangarap na negosyo ng kanyang mama.
Nagpasya ang kanyang mama na ibenta na ang papaluging negosyo na naiwan sa kanila ng kanyang ama. Naunang pumanaw ang kanyang ama noong maliit pa lamang siya.
Ang kalahati nang napagbentahan ay nagawang hiramin ng nakababatang kapatid ng kanyang ama na si Uncle Stephen. Na nang mga panahong iyon ay kasalukuyan nang ipinapatayo ang health and beauty shop.
Sa dahilang hindi agad naibalik ni Uncle Stephen ang perang nahiram ay nabinbin ang pagpapatayo sa naturang negosyo.
Gusto nang mawalan ng pag-asa ni Veronica na mabubuo pa ang pangarap na negosyo. Subalit naging ganap din ang pangarap ng kanyang ina mula sa tulong pinansyal ng isang nagngangalang Jerome Ricaforte.
Umuukit ang simpatya sa puso niya para sa dating nakarelasyon ng ina dahil sa nabatid niyang nangyari dito.
Dalawang araw bago mangyari ang trahedya sa kanyang mama ay nadatnan niya noon sa bahay nila si Jerome para muling suyuin ang kanyang mama. Saglit siyang pumanhik sa silid at pagpanaog niya ay nasaksihan niya mismo kung paanong bumagsak sa isang bahagi ng kanilang sala si Jerome Ricaforte habang sapo nito ang dibdib. Iyon ay pagkatapos nang naabutan niyang pakikipagsuntukan nito kay Uncle Stephen. Hindi niya alam kung bakit nagawang magpang-abot ng dalawang lalaki. Sa kasalukuyan ay wala siyang interes na alamin ang dahilan.
Sumagi sa isip ni Monica ang malaking perang nahiram ng kanyang mama kay Jerome. Nahati sa galit at pagkakonsyensya ang puso niya. Naisip niyang ang perang iyon ay sapat na o marahil ay kulang pa bilang kabayaran sa lahat nang nagawa ni Jerome sa kanyang mama noong mga panahong may relasyon pa ang dalawa, na bago ang nangyaring trahedya sa kanyang mama ay nagawa nitong ipagtapat sa kanya.
Minasahe ni Monica ang kanyang sentido. Hindi niya nais magpatuloy pa sa pag-iisip ng tungkol sa mga bagay na iyon.

MONICA was driving her car. Tinatahak ang daan pauwi ng bahay. It was past eleven in the evening. Pinalipas niya ang buong maghapon sa pangangasiwa sa business. Sinadya niyang magpaabot ng gabi dahil ang nais niya ay magkaroon ng dahilan upang maging pagal ang katawan at maging sanhi iyon para maiwaglit sa isipan ang mga bagay na hindi na dapat isipin. Dahil ang tanging nais niya ay ang matulog na lamang kapag nakauwi.
While driving ay panaka-nakang sinusulyapan ni Monica ang kanyang side mirror. Nang mapansing may isang partikular na sasakyan ang tila sa kanya ay sumusunod.
May umusbong na kaba sa dibdib niya sa paglawak ng kanyang imahinasyon. Naisip niya ang sinapit ng ina. Siya na marahil ang gustong isunod ng kung sino man iyon...
Sa takot ay binilisan niya ang pagmamaneho.
Ilang intersection ang nagawang likuan sa pagnanais na mailigaw ang itim na kotseng nakabuntot.
Muli niyang ibinalik sa normal ang takbo ng sasakyan nang hindi na mapansin ang itim na kotse.
Ang takot na bahagyang humupa sa dibdib niya ay muling nabuhay nang maramdamang may isang parte ng gulong niya ang na-flat.
Wala siyang choice kundi ang humimpil.
Bihirang daanan ng sasakyan ang kasalukuyang kinaroroonan niya lalo na't sa ganoong oras ng gabi.
Hindi niya nais umibis ng kotse.
Hindi dapat siya magpadala sa takot.
Maybe she was wrong sa pag-aakalang mayroong sumusunod sa kanya. Ang kotseng itim na nasa likuran niya kanina ay marahil na tulad lamang niya na sadyang mabagal at maingat sa pagmamaneho.
Ang isipin na may sumusunod sa kanya ay bunga lang marahil nang takot na baka matulad siya sa sinapit ng ina.
Ipinilig niya ang ulo. Sa mga iniisip ay para na siyang napa-paranoid.
Nang lumingon siya sa likod ay isang pares ng headlights ang nakita niyang paparating.
Bahagyang nanigas si Monica sa takot.
Di yata at nasundan siya ng humahabol.
Safe ba ang manatili sa loob ng kotse?
Kung lalabas siya at magtatatakbo ay gaano kalaki ang posibilidad na hindi siya maaabutan ng humahabol?
Wala siyang pagkukublihan dahil ang magkabilang gilid ng daan ay pawang malalawak na lupain at tanging maliliit na damo ang mga nakatanim.
Bago pa niya maisip kung ano ang dapat gawin ay halos tumapat na sa kanya ang parating na kotse.
Subalit nagawa siyang lagpasan nito at doon lamang bahagyang nagluwag ang paghinga ng dalaga.
Hindi pa man humuhupa ang malakas na dagundong sa dibdib niya ay tila saglit na nakalimutan niyang huminga nang mula sa di-kalayuan ay huminto ang koste na sinundan niya ng tingin.
Dahan-dahan itong umatras.
May ilang dipa ang layo na huminto sa unahan niya ang kotse.
Bumukas ang driver's seat niyon. Isang lalaki ang lumabas roon ayon sa anyo at tindig nito.
Ang dapat gawin ni Monica ay ihanda ang sarili sa kung ano ang maaaring gawin nito sa kanya. Subalit sa kung anong dahilan ay dagling napalis sa dibdib ni Monica ang takot bagaman naroon pa rin ang mabilis na pagpintig ng puso.
Nagawang makalapit ng lalaki sa tapat ng bintana ng kotse niya. Marahan itong kumatok.
Nagdadalawang-isip kung dapat ba niya itong pagbuksan.
Nang yumuko ang lalaki upang silipin marahil ang tao sa loob ay bahagya niyang nasipat ang mukha nito. Mukhang hindi naman ito gagawa ng masama. In fact, the man look gorgeous.
Lihim na kinastigo niya ang sarili. Paanong nang mga sandaling iyon ay nagawa pa niyang ituon ang pansin sa magandang hitsura ng lalaki?
Subalit tama bang agad niyang husgahan na may masamang intensyon sa kanya ang lalaki ng dahil lang sa iniisip na may sumusunod sa kanya?
Baka may nais lang itong itanong at isa itong dayo na hindi pamilyar sa lugar na napasok.
Naroon pa rin ang pag-iingat na binuksan niya ang salaming-bintana.
"If I'm not mistaken, naisip kong baka nangangailan ka ng tulong. May problema ba sa kotse mo?" anang baritonong tinig. Kung bakit tila kay lamig at kay sarap niyon sa pandinig.

Deep In His HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon