chapter 19

20 0 0
                                    

PAGKATAPOS nang sandaling hindi malilimutan na namagitan kina Monica at Jedric ay bahagyang naroon pa rin ang kapwa nag-aalab na mga damdamin na muli nilang isinuot ang kanilang mga damit

Bigla ay hindi alam ni Monica kung paano pakikitunguhan ang sitwasyon nang mga sandaling iyon.

Mahabang katahimikan ang namagitan sa kanila.

Umupo siya sa couch na naroon.

“Monica, hindi ang tungkol sa pagiging anak ako ni Jerome Ricaforte ang nais kong sabihin sa 'yo...” Basag ni Jedric sa katahimikan.

“Jedric, please...” Hindi niya alam  kung ano ang nais niyang ipakiusap.

Lumapit sa kanya si Jedric at lumuhod sa harapan niya, masuyong hinawakan nito ang mga kamay niya. “Papanagutan ko ang nangyari sa atin, Monica. Sabihin mo kung ano ang gusto mo at gagawin ko ang lahat mapatunayan ko lang sa 'yo na totoo ang pag-ibig ko...”

“I need to be alone for a while, please, Jedric,” sa halip ay sabi niya sa mahinahong tinig.

Hindi man gustong gawin nito ang pakiusap niya ay tila mabigat sa loob na tumindig ito at nagpaalam sa kanya. Subalit nagbitaw ito ng salita na nagpapahayag na hindi nito nais na wakasan nila ang relasyon nila.

Sa pagbukas nito ng pinto ay nabungaran ni Jedric si Rouie na nasa akto sanang pagkatok at sa tila ba'y humahangos na anyo.

Kaagad na rumagasa sa isip ni Jedric ang eksena sa coffee shop kung saan nakatagpo ni Rouie si Stephen.

Sumikdo ang galit sa dibdib ni Jedric at walang sabi-sabing sinuntok si Rouie.

Sa lakas ng puwersa ay kamuntikan nang tumimbuwang ang huli subalit kaagad din nitong nabawi ang balanse.

Sa dahilang nasaktan ang lalaki ay natural na gumanti ito ng suntok.

Nakailag si Jedric. Bigla ay nagpambuno ang mga ito.

Sa gulat ni Monica ay napasigaw siya sa pagiging marahas ng dalawang lalaki. Sinubukan niyang awatin ang mga ito subalit hindi iyon naging ganoon kadali. 

Mabilis siyang humingi ng tulong sa mga tauhan niya para makiawat.

Sa wakas ay napaghiwalay ang dalawang lalaki. Bahagyang humupa ang paghihimagsikan.

“Hindi ka na dapat nakikipagkaibigan sa lalaking iyan, Monica. Niloloko ka lang niyan,” asik ni Jedric kay Rouie sa nangngangalit na mga bagang. “Ano ang pinaplano n’yong dalawa ni Stephen kay Monica?"

“Ikaw ang may plano kay Monica," sagot ni Rouie sa kaparehas na intensidad. "Hindi ba't nais mong mabawi ang negosyong ito sa kanya...

"Anak s'ya ni Jerome Ricaforte, Monica," pagkuwan ay baling ni Rouie sa dalaga.

Naguguluhgan at nalilito siya sa itinatakbo ng mga pangyayari.

“Pero, Monica, naparito ako para ibalita sa 'yo na hawak na ng mga pulis ang taong siyang utak sa pagkamatay ng mama mo! Sumuko na siya ngayon...” anito na biglang binale wala ang presensya ni Jedric at iba pang naroon sa pagnanais na maipabatid ang kaalamang iyon kay Monica.

Ang sinabi nitong iyon ay nagpagitil sa lahat ng mga naroon.

Maging ang pagtibok yata ng puso ni Monica ay huminto nang mga sandaling iyon.

WALANG inaksayang sandali na nagpahatid si Monica kay Rouie sa kung saang presinto nakalagak ang di-umano ay magbabayad ngayon sa sinapit ng kanyang mama. Hindi matapus-tapos ang kaba sa dibdib niya. Halo-halo ang emosyong nadarama niya.

Sa wakas ay mukhang makakamit na rin ng mama niya ang hustisya sa pagkamatay nito.

Sa kotseng kinalululanan nila ni Rouie ay batid niyang nakabuntot sa likuran nila si Jedric.

Subalit hindi muna niya ito pinagtuunan ng pansin.

Sa pagpasok nila ni Rouie sa naturang presinto ay nakita ni Monica si Uncle Stephen.

“Ano ang ginagawa ng lalaking iyan dito?” puna ni Uncle Stephen sa maigting subalit kontroladong tinig patungkol kay Jedric. Nasa likuran na pala nila ito na mabilis na nakasunod sa pagpasok nila roon ni Rouie.

“Uncle, please, not now,” tila nanghihinang pakiusap niya. “Gusto kong makita ang kriminal,” she demanded.

Animo’y napahinuhod naman niya ang tiyuhin at kapagdaka ay iginiya siya nito maging ang pulis na naroon para makalapit sa may mga rehas na bakal kung saan nasa likod niyon ang salarin.

Isang may edad na lalaki ang nakita ni Monica na kaagad tumindig at lumapit sa rehas at nangunyapit roon nang mahigpit. “Ikaw si Monica.” Hindi iyon isang tanong.  Agad siyang nakilala nito. “P-patawarin mo ako, hija, sa nagawa ko sa iyong mama... Ako ang nag-utos sa taong binayaran ko para tanggalan ng preno ang kotse niya...”  Bakas sa mukha nito ang paghihirap dala ng labis na pagkakonsyensya.

“Bakit mo nagawa sa mama ko 'yon?” Gusto niya itong paulanan ng masasamang salita subalit tila nasaid na ang buong lakas niya sanhi ng mga sunud-sunod na pangyayari sa loob lamang ng araw na iyon.

Hindi pamilyar sa kanya ang mukha ng kriminal. Habang may galit na tinititigan niya ang mukha nito ay napansin niyang tumagos ang tingin nito sa kanya.

“Jedric, hinihingi ko rin ang kapatawaran mo...”

Papaanong kilala nito si Jedric? Ano ang koneksiyon ng mga ito sa isa’t isa?

Wala na bang katapusan ang mga rebelasyong malalaman niya?

Nang balingan niya si Jedric ay madilim ang anyo nito. Mahigpit ang pagkakakuyom ng mga kamao. Ang mata ay sindilim ng langit na nagbabadya ng matinding bagyo.

Napabaling din dito ang nagtatanong na mga tingin nina Uncle Stephen at Rouie.

“Hayup ka, Atty. Lacosta! Itinuring kang parang kapatid ng papa ko... Isa kang traidor!” anito sa nagpupuyos na galit.

Ikinapitlag ni Monica nang biglang sugurin nito ang abogado at bagaman may mga bakal na nakapagitan ay pinilit nitong saktan ang bilanggo sa abot ng makakaya nito.

Subalit kaagad din itong pinigilan ng mga pulis..

Nagpaawat naman si Jedric at muling natuon ang atensyon ng lahat nang muling magsalita si Atty. Lacosta.

“Handa na akong harapin ang anumang kaparusahan... Sana’y mapatawad ako ni Veronica saan man siya ngayon naroroon...” napatungong sabi nito. “Labis kong minahal si Veronica. Nauna ko siyang nakilala bago pa niya makilala si Jerome. Ako ang naging daan para magkakilala sila. Nagulat na lang ako isang araw na may relasyon na pala sila.

“Nang magkalabuan sila ni Jerome ay nag-confide sa akin si Veronica na ayaw na raw niya sa kaibigan ko dahil nagagawa raw siyang saktan ng pisikal nito. Ang sabi ko ay ako na lang ang magmamahal sa kanya... Ang akala niya siguro ay nagbibiro lang ako...

"Bigla ay hindi ko na siya gustong mapunta pa sa iba, o kahit ang magkabalikan sila ni Jerome... Hindi man siya mapunta sa akin ay hindi ko gugustuhin na makita siya sa piling ng ibang lalaki. Kahit ang lalaking iyon ay kaibigang ko pang matalik...

"Doon ko na ipinasagawa ang plano ko kay Rodriguez.” Ang pekeng private investigator na nagawa nitong mairekominda kay Jedric ang tinutukoy nito. Sa kasalukuyan ay tinutugis na rin ito ng mga pulis.

Lahat sila roon ay tila nabatubalani sa matamang pakikinig sa pagsasalaysay ng abogadong salarin.

Naramdaman na lang ni Monica ang sunud-sonod na pagdaloy ng kanyang mga luha.

“Hindi ko na kinaya ang usig ng aking budhi,” pagpapatuloy ni Atty. Lacosta. “P-patawarin n’yo ako sa mga kumplikasyon na idinulot...” Hindi na nito tinapos ang sinasabi sa biglang paghagulhol nito.

Kinabig ni Uncle Stepehen si Monica at doon ay umiyak siya nang walang patid sa dibdib ng tiyuhin.

Maigting ang pagtatagis ng mga bagang ni Uncle Stephen subalit sa isipan ay batid nito marahil na hindi na maibabalik ang buhay ng hipag ano man ang gawin kay Atty. Lacosta. At naroon ang batas para magbayad ito.

Si Jedric ay tila hindi makapaniwala na nasa ganoong sitwasyon. Hindi nito kinaya na makita si Monica na nasa miserableng pag-iyak. Pagkuwan ay lumabas ito sa naturang presinto.

Deep In His HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon