chapter 15

18 0 0
                                    

MAY tatlong linggo nang magkasintahan sina Monica at Jedric. At sa halos mag-iisang buwan na iyon, pakiwari ni Monica ay kompleto na ang lahat sa kanyang buhay.

Maayos na ang relasyon nila ng kanyang Uncle Stephen kumpara sa noon. Ang pagkakaibigan nila ni Rouie ay patuloy rin sa pag-usad.

Ang mahihiling na lamang niya ay ang mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng kanyang mama.

Sa kabilang banda, iniisip niyang somewhere in time ay magbabayad din ang taong responsable sa sinapit ng kanyang mama. Hindi man marahil dito sa mundong ibabaw ay hindi nito iyon matatakasan sa kabilang buhay.

Upang hindi maka-penetrate ang masidhing lungkot sa puso niya ay iniisip na lamang niya sa tuwina na masaya ang kanyang mama sa mga nangyayari ngayon sa buhay niya. Higit sa kanyang lovelife.

Malapit nang sumapit ang kanyang kaarawan. Nagpaplano siya na maghanda para sa kaunting salu-salo. Iimbitahan niya ang kaibigang si Rouie at si Uncle Stephen. Doon pa lamang niya planong ipakilala ng pormal bilang kasintahan si Jedric sa kanyang tiyuhin.

Hindi niya nagawang itama noon ang hinala ni Uncle Stephen nang maabutan sila nito ni Jedric sa hardin sa isang intimate na tagpo.

Madali na lang sigurong magpaliwanag kay Uncle Stephen.

Napangiti ni Monica nang marinig ang pagkatok sa pinto ng kanyang opisina. Kabisado na niya ang katok na iyon ni Jedric. Sa tuwina ay kumakatok muna ito kahit na binilinan na niya ang nobyo na maaari na itong pumasok nang diretso sa opisina niya sa tuwing pupunta roon.

Nang malambing niyang bigkasin ang “come in” ay saka palang bumukas ang pintuan at bumungad sa kanya ang simpatikong katipan.

Hayon na naman ang mabilis na tibok ng puso niya. Hindi na iyon nasanay na tila ba lumulundag sa tuwa sa tuwing nakikita si Jedric.

Inilagay nito sa ibabaw ng isang mesa roon ang tangan nitong paper bag na maytatak ng paborito niyang restaurant.

“Naistorbo ko ba ang pinakamagandang babae sa mundo?” nakangiting sabi ni Jedric.

"Pinakamagandang babae sa mundo talaga, ah?" nakangiti ring sabi niya.

"Sa mundo ko pala, I mean..."

“Kailan ka pa naging istorbo sa akin, hmm...” Lumapit siya rito at ikinawit ang mga kamay niya sa balikat nito. Pinagsalikop niya ang mga palad sa batok nito.  

Ginawaran niya ito nang masuyong halik sa mga labi. Hindi na siya nangingiming siya ang maunang humalik dito.

Sa tuwina ay hatid niyon sa kanya ang pakiramdam na talaga namang kay sarap.

Nang tapusin niya ang halik ay hinabol nito ang kanyang mga labi. Kunwa ay iniwas-iwas niya ang mukha na ikinatawa niya dahil panay naman ang habol nito upang muling magdikit ang mga labi nila.

Naamoy niya ang pabangong gamit nito na ibinigay niya rito. Sa isip niya ay nagmistulang aroma iyon ng isang masarap na pagkain at bigla ay gusto niyang papakin si Jedric.   

Hinuli ni Jedric ng dalawang palad nito ang mukha niya. “Gotcha.” Isang torrid kiss ang iginawad nito sa kanya. Sa kabila niyon ay naroon ang pagsuyo sa bawat galaw ng mga labi nito. Ipinapadama ang pagmamahal at pananabik sa halik nito. Gustong panlambutan ng mga tuhod si Monica.

Pakiramdam niya ay nagsisimulang silaban ng apoy ang kanyang damdamin. Hindi sa hindi niya nais matupok niyon kundi batid niya kung kailan dapat may mangyari sa kanila ni Jedric.

Nang kumalas siya sa halik nito ay kapwa habol nila ang hininga. Pinisil niya ang ilong nito at pagkatapos ay binalingan ang pagkaing dala nito.

“Halika na, kumain na tayo ng lunch at baka malipasan pa tayo ng gutom.” Nang sulyapan niya si Jedric ay nakita niyang nagpakawala ito nang isang malalim na hininga. Pagkuwan ay lumapit ito sa kanya at may ibinulong sa tainga niya.

“P’wede bang ikaw na lang ang maging tanghalian ko ngayon..?”

Nagtaasan ang mga pinong buhok sa kanyang batok. Sa likod ng isip niya ay naroon ang babala na kailangan niyang higpitan ang renda ng tukso upang hindi kumawala iyon. Gayunman ay alam niyang binibiro lamang siya ng kasintahan.

“Bakit, kaya mo ba akong lunukin ng buo? Anong klaseng monster ka, ha?” Bahagyang napawi ang init na kapwa nadarama nila nang mapuno ng tawanan nila ang loob ng kanyang opisina. 

Deep In His HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon