NAISIPANG pumasyal nina Monica at Jedric isang gabi sa Antipolo. Pakiramdam ni Monica anumang sandali ay maaari na siyang makalipad. Hindi dahil nasa mataas na bahagi sila ng naturang lugar kundi dahil sa matatamis na salitang ipinapahayag ni Jedric sa kanya.
May isang linggo na ang nagdaan buhat nang gabing inimbita niya ito ng dinner sa bahay niya. At sa bawat araw ay walang patid kung magpadala ito sa kanya ng bulaklak na may kalakip na mga mensahe na nagpapahayag ng damdamin nito sa kanya.
Malinaw na indikasyon iyon ng panliligaw. At bakit kailangang patagalin pa iyon? Hindi na sila mga bata para dumaan sa maraming proseso ng panliligaw.
"Alam mo bang pinapawi mo ang lahat ng pagod ko makita ka lang? Sa bawat paggising ko sa umaga wala akong ibang nais gawin kundi ang agad na makasama ka. Kinokompleto mo ang bawat araw ko makita ko lang ang ngiti sa mga labi mo..." Jedric said while looking straight in her eyes.
Napangiti ng maluwang si Monica. Parang hindi bagay na nagmumula kay Jedric ang mga binibigkas nito. May pagka-cheesy man ang mga linya nito ay walang bahid ng pagtutol sa puso niya ang paniwalaan ito.
Nang gabing iyon ay nagpasya siyang ipabatid dito sa pamamagitan ng halik na tinatanggap niya ito sa buhay niya bilang ganap na kasintahan.
Kasabay nang pagdampi ng malamig na hangin sa balat nila ang paglalapat ng kanilang mga labi.
Saglit lamang iyon at agad din niyang hiniwalay ang mga labi sa binata.
Nagtatanong ang mga mata ni Jedric nang sulyapan niya iyon.
Ang ano mang hiyang nararamdamn niya noong una rito ay bigla na lang naglaho. Ang nagbibigay ng lakas ng loob na mayroon siya ngayon ay dulot nang pagmamahal niya para dito.
"Yes, Jedric. You are now my boyfriend..." Kumpirma niya sa tanong na kalakip ng tingin nito sa kanya. At bago makatugon ang binata ay iniyakap niya ang sarili sa katawan nito na nagbigay sa kanya ng bahagyang init na nagpapawi sa malamig na atmosphere sa paligid.
Naramdaman niya ang mahigpit na pagtugon nito sa yakap niya, maging ang pagdampi ng halik nito sa ibabaw ng ulo niya. Mas naramdaman kaysa nakita niya ang ngiting umabot sa mga mata ni Jedric sa ipinahayag niya rito. At pagkuwan ay tila wala nang nais na magsalita sa kanila at hinayaang tanging ang mga tibok ng puso nila ang nagpapakiramdaman sa isa't isa.
kapwa sila nakatingin sa mga ilaw sa lungsod na nasa ibaba sa abot ng kanilang tanaw. Sa kanilang mga paningin ay nagmistulang mga bituin iyon na nalaglag mula sa langit.
Walang pagsidlan ang saya na nadarama ni Monica sa puso niya nang mga sandaling iyon.
NAGAWANG magbahagi ng kuwento ni Monica sa mga nakaraan niya sa buhay habang nakaupo siya sa ibabaw ng hood ng kotse ni Jedric. Kasalukuyan nilang pinagsasaluhan ang ginawa niyang tuna at chicken sandwiches na ibinaon nila doon. Ang bawat pagsasalaysay ay magaan lamang na nanunulas sa mga labi ng dalaga. Maging ang tungkol kay Rouie ay nagawa niyang ibahagi sa nobyo.
Si Jedric ay nakatayo sa gilid niya at tahimik lamang na nakikinig habang panaka-naka ay humahawak nang may pagsuyo sa kamay niya.
Sa pagitan ng pag-nguya ni Jedric sa sandwich nito ay may nabanaag siyang emosyon na nagdaan sa mga mata nito nang isalaysay niya ang tungkol noon sa kanila ni Rouie. Tila ba selos o galit na hindi niya mawari.
Sa tuwina ay napapansin niya ang tila pag-iba-iba nito ng ekspresyon subalit minsan ay naiisip niyang baka guni-guni lamang niya iyon. Dahil kung pagmasdan niya ang mukha nito ay para bang hindi na niya nabibigyan pansin ang iba pang bagay na nasa paligid niya. At bago pa man mabuo sa isip niya ang hinala sa kung ano ang nararamdaman nito ay agad nasasapawan iyon ng saya sa puso niya sa tuwing nasa tabi lamang niya ito.
"Don't move," mayamaya ay sabi ni Jedric sa kanya. Bahagya siyang nagtaka sa sinabi nito. Namalayan na lamang niya na lumapit ang mukha nito sa mukha niya. Naramdaman niya ang paglapat ng dila nito sa gilid ng mga labi niya. Nagdulot iyon ng kiliti sa kaibuturan niya.
Ang intensyon ni Jedric ay tanggalin lamang sa pamamagitan ng aksiyong iyon ang bahid ng mayonnaise sa gilid ng labi ng dalaga. Subalit hindi na nito napigilan ang sarili na sakupin nang buo at hagkan ang mga iyon.
Sa oras na iyon maliban sa kanilang dalawa ay walang nang ibang tao sa paligid at bahagya pang madilim sa puwesto nila. Tanging ang ilaw sa headlights ng sasakyan ang nagsisilbing liwanag nila doon. Kaya naman nagagawa ni Jedric na mahagkan ang dalaga sa paraang nais nito na hindi nag-aalalang may makakita. At kahit pa siguro may makakita sa kanila ay hindi pa rin nito mapipigilan ang sarili na dulutan ng ganoong halik ang dalaga.
Ikinapit ni Monica ang mga braso paikot sa batok ni Jedric. Na para bang kapag hindi niya ginawa iyon ay mahihiwalay siya rito dahil anumang sandali ay lulutang na siya dulot ng sensasyong ipinaparamdam nito sa kanya.
Kung hindi lamang marahil na kailangan nilang maghiwalay upang makasagap ng hangin ay wala pa sa kanila ang gustong bumitaw sa halik na iyon.
Ang mga mata naman nila ang naghinang nang mga sandaling iyon.
Sabay na namutawi sa mga labi nila ang ngiti.
Ikinulong ni Jedric sa mga palad nito ang mukha ng dalaga. Ipinag-dikit nito ang mga noo nila.
"Anong brand ng mayonnaise ang ginamit mo sa sandwiches mo? Ang sarap, eh."
Puno ng saya sa dibdib na napahalakhak si Monica.
BINABASA MO ANG
Deep In His Heart
RomanceNasa plano ni Jedric ang paghihiganti para sa taong siyang dahilan kung bakit nasa bingit ng kamatayan ang kondisyon ng kanyang ama. But he felt frustrated nang mapag-alaman that Veronica Celeste was already dead. Paano pa niya ito pagbabayarin? ...