chapter 8

26 0 0
                                    

ISANG simpleng bestida ang napiling suotin ni Monica. Ang haba niyon ay hindi lumagpas sa kanyang tuhod. Medyo mababa rin ang tabas niyon sa may parteng dibdib niya. Gayunman ay disente pa rin iyong tingnan. Tama lang din ang tingkad ng kulay niyon. Bagung-bago pa ang damit na iyon dahil unang pagkakataon pa lamang niyang nasuot iyon. Isa iyon sa mga regalo ng kanyang mama na nakapirmi lamang sa closet niya. Nag-apply din siya sa mukha ng manipis na makeup. Umikot siya sa malaking salamin na nasa kanyang silid. Biglang kumabog ang kanyang dibdib sa naisip na kung ano ang magiging reaksiyon ni Jedric kapag nakita nito ang kanyang ayos. Tingin niya ay magagandahan ito sa kanya dahil hindi naman siguro nagsisinungaling ang salamin.

She was so excited. Gusto na niyang hilahin ang oras para makasama na ito.

Sa pagbukas niya sa pintuan ng kanyang silid ay nabungaran niya si Yaya Helena. Pamilyar sa kanya ang nasipat niyang pagningning sa mga mata nito. Ganoon na ganoon iyon sa tuwing may paghanga na pinupuri nito ang kanyang ina sa bawat  pagkakataong nakikita nitong posturang-postura ang kanyang mama.  

Batid din niyang nagulat ito sa nakitang ayos niya. Pagkuwan ay ipinahayag nito ang nasasaloob.

"Tama ba ang nakikita ko?" Inilapat pa nito ang kamay sa bahagi ng dibdib nito, sinabayan din nang bahagyang panlalaki ng mga mata, animo'y gulat na gulat talaga.

Gusto niyang matawa sa iniakto ni Yaya Helena. Sabagay ay hindi nga naman ito sanay na makita siya sa ganoong ayos. Hindi pa niya naikukuwento rito ang tungkol kay Jedric. Marahil ay sa ibang pagkakataon.

"Bagay po ba, Yaya Helena?" nakangiting tanong niya. Gusto niyang bahagian ito ng sayang nadarama niya nang mga sandaling iyon.

"Ang dahilan ba nang pagpapaganda mo ay para sa guwapong lalaking naghihintay sa 'yo sa 'baba?"

"Nandiyan na po si Jedric?"  gulat pang tanong niya. Nagmadali siyang lumapit uli sa salamin at sa huling pagkakataon ay hinagod ng tingin ang sarili. Nag-spray siya ng mamahaling pabango at agad na dinampot ang purse na nasa ibabaw ng kama. Tila hindi na pansin si Yaya Helena at mabilis na siyang lumabas ng silid.

Napangiti na lang at napailing ang naiwang si Yaya Helena sa biglaang pagkataranta ng dalaga.

SA ISANG first class Italian restaurant siya dinala ni Jedric. Very quiet and cozy ang atmosphere sa paligid. And romantic, too. Inalalayan siya ni Jedric sa pag-upo. Ang bahagyang pagsayad ng katawan nito sa katawan niya nang hindi sinasadya ay nagdulot kay Monica sa kaibuturan niya na para siyang inilutang sa hangin. Hanggang sa makaupo siya ay kay gaan ng kanyang pakiramdam.

Kinuha ng waiter ang kanilang order. At habang naghihintay na idulog sa mesa nila ang mga pagkain ay nag-umpisa silang magpalitan ng mga opinyon base sa binuksang topic ni Jedric about business and politics. Tipong nakapagtatakang hindi nakakainip at kabagot-bagot kahit na wala naman siyang malaking interes sa napag-uusapan. Hindi niya napipigilan ang bahagyang malakas na pagtawa kapag hinahaluan ni Jedric ng sence of humor ang bawat sinasabi.

At nang nag-umpisa na silang kumain at natutuon ang atensyon ni Jedric sa pagkain nito ay nagagawa niyang bahagyang matitigan ang mukha nito. Magmula sa noo, kilay, pisngi, ilong, labi, ang lahat ng bahagi sa mukha nito ay tila perpekto. Higit niyang gustong laging pagmasdam ang magandang pares ng mata nito.

Pamilyar sa kanya ang mga mata nito na nagpapaalala sa kanya sa isang tao na hindi niya matiyak kung sino. Marahil ay may hawig iyon sa isang modelo o artista. Gayuman ay hindi na niya iyon labis na pinag-iisip.

Kung si Jedric ang palagi niyang makakasama ay wala na siguro siyang ibang mararamdaman kundi ang maging masaya at panatag. Sa katauhan nito ay natagpuan niya ang gamot bilang  pampawi sa nagdadalamhati niyang isip at puso.

Deep In His HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon