chapter 17

16 0 0
                                    

SA PAGTUNGO ni Monica sa komedor nang umagang iyon ay nadatnan niya na bisita niya ang kanyang Uncle Stephen. Sa kamay ay may hawak itong isang tasa ng kape at kasalukuyan itong nagbabasa ng pahayagan.

Nag-angat ito ng tingin nang mapansin siya.

Binati niya ito ng isang “magandang umaga.”

Gumanti ito ng bati sa kanya. At huli man ay binati rin siya nito para sa nagdaan niyang kaarawan. 

Humungi ito sa kanya ng paumanhin sa hindi nito pagpunta ng gabing iyon. Nagdahilan ito na mayroon itong importanteng inasikaso.

Sinabi niyang ayos lamang iyon sa kanya at naiintindihan niya. Pagkuwan ay nagpahain siya ng almusal sa kanilang maid.

Seryosong kumakain ng almusal ang kanyang Uncle Stephen. Pakiramdam ni Monica ay mayroon itong importanteng nais sabihin sa kanya.

“Gaano katagal mo nang kakilala ang Jedric na ito, Monica?”

Saglit na napatigil ang dalaga sa pagnguya ng kanyang pagkain sa sinabing iyon ng tiyuhin. Nahimigan ba niya ang disgusto sa pabanggit nito sa pangalan ng kanyang nobyo?

“Noong maabutan ko kayo sa hardin ay ipinagpalagay ko nang nobyo mo na ang lalaking iyon...”

Pinamulahan ng pisngi si Monica sa nais tukuyin ng tiyuhin. Naabutan sila nito noon sa garden na magkahinang ang kanilang mga labi ni Jedric.

“I’m sorry, Uncle, hindi ko naitama ang sinabi n’yong boyfriend ko na si Jedric nang gabing iyon. Aaminin kong recently lamang po naging kami. And yes, Jedric is my boyfriend now. At gusto ko nga po siyang ipakilala sa inyo ng pormal bilang kasintahan ko.”

“Hindi ko gustong makita ulit ang lalaking iyon,” tila may bahid ng galit nitong saad. Nagtaka si Monica sa reaksiyon ng tiyuhin. Hindi niya iyon inaasahan.

Ang nais ba nitong ipunto ay hindi nito gusto si Jedric para sa kanya?

Gusto bang gampanan ni Uncle Stephen ang pagiging overprotective nitong tiyuhin sa kanya?

Hindi ba dapat ay matuwa siya dahil indikasyon iyon na nagmamalasakit ito sa kanya? Pero bakit parang may inis na gustong bumangon sa dibdib niya?

She was old enough para magpasya sa kung anumang mga bagay para sa kanyang sarili, sa halip ay bigay katwiran niya sa isip.

“Sumadya talaga ako rito para sabihin sa 'yo na iwasan mo na ang lalaking 'yon... May intensyon siya sa iyo. Hindi ako naniniwalang totoong mahal ka ng lalaking ‘yon. Anak siya ni Jerome Ricaforte. Ang nakarelasyon ng mama mo. Nais niyang bawiin ang lahat nang naibigay ng ama niya sa mama mo. Partikular ang malaking negosyong naiwan sa iyo...”

Hindi makahuma si Monica sa mga isinambulat ng tiyuhin. Para bang ang dating niyon sa kanya ay isang nakagigimbal na balita.

“Kung bakit alam ko ang lahat ng ito ay dahil nagawa ko na siyang paimbestigahan. Pinaniniwalaan niya na ang mama mo ang may kasalanan kung bakit nasa bingit ng kamatayan ngayon ang kondisyon ng kanyang ama.

"Gusto niyang ipaghiganti ang kanyang ama sa iyong mama. At dahil wala na ang Ate Veronica kung kaya’t ikaw ang kanyang binalingan. Pag nagkataon ay isa ka sa malaking interes na makukuha niya sa kanyang paniningil." 

Hindi kayang tanggapin ng isip ni Monica ang mga sinasabi ni Uncle Stephen patungkol kay Jedric.

Sa mga sumunod na sandali ay hindi na niya alam kung paanong nakaalis ng kanyang bahay ang tiyuhin. Namalayan na lamang niyang nasa loob siya ng kanyang silid at tigmak siya ng luha.

Ang lahat ng lakas niya ay animo hinigop ng mga ipinahayag sa kanya ni Uncle Stephen.

Ang saya bang nadarama niya sa piling ni Jedric ay agad na ring magwawakas?

Isa lamang bang magandang panaginip ang lahat ng ipinaparanas nito sa kanya at ngayon ay kailangan na niyang magising?

Kung ngayon niya iisipin ay marami nga siyang bagay na hindi alam tungkol sa kasintahan.

Gaano nga ba niya ito kakilala?

Kaya ba kailanman ay hindi pa nagkusa  na magkuwento sa kanya si Jedric ng tungkol sa pamilya nito ay dahil itinatago nito iyon sa kanya?

At ngayon lamang rumehistro sa isip niya kung bakit pamilyar ang mga mata nito sa kanya. Kapares iyon ng mga mata ni Jerome Ricaforte. Nagpadala lamang ba siya sa mga ipinadama sa kanya ni Jedric at isip lamang niya ang nagsasabing mahal niya ito dahil inakala agad niya na tapat at totoo ang pag-ibig nito sa kanya?

Sa kabilang banda, dapat ba niyang pagdudahan ang malasakit sa kanya ni Uncle Stephen?

Kailangan ba niya itong hanapan ng dahilan kung bakit nito nagawang paimbestigahan si Jedric?

Sa naguguluhan niyang isip at damdamin ay isa lamang ang malinaw sa kanya nang mga sandaling iyon: Ang nagsisikip niyang dibdib sa sakit na idinudulot niyon.

Deep In His HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon