Prologue

138K 1.4K 35
                                    


Long ago, Saintes-Maries-de-la-Mer, France

Pinuno ni Esmeralda ng sariwang hanging-dagat ang dibdib. Makaraan ang ilang oras na biyahe mula Vallauris ay nakarating din sila sa lugar na iyon. Napangiti siya nang masulyapan ang kulay-kahel at bilog na bilog na buwan. Napakaganda niyon, tila kayang abutin ng kanyang kamay. Nagbibigay iyon ng malamlam na repleksiyon sa pino at puting buhangin. Mataas ang kati ng tubig. Akmang-akmang talaga ang gabing iyon para sa pakay niya.

Nilingon niya si Lala, ang kanyang kapatid. Ilang metro mula sa kanya ay padabog itong naglalakad, kinakaladkad ang malaking baul na naglalaman ng mga paninda nila. Nang ganap na itong makalapit ay walang ingat nitong binitiwan ang hawakan ng baul, saka humalukipkip. Wala siyang dapat ipag-alala, siya ang may dala ng baul na naglalaman ng mga kandila, imahen, punyal, mga babasaging kristal, at iba pang kailangan nila para sa gagawin nilang ritwal.

Silang magkapatid ay pinamanahan ng mga magulang nila ng mga aral na nagmula pa sa mga ninuno nila. "Gitan" ang tawag sa kanila sa lugar na iyon, ang bansa ng mga Pranses; "Gypsy" sa ibang katawagan. At sa lahat ng makapangyarihang Gitan, kung bakit itong kapatid niya ay ayaw na ayaw nang harapin ang katotohanang kailanman ay hindi sila magiging tunay na Pranses. Kahit sa pananamit ay nais nitong makitulad sa mga babaeng mapusyaw ang kulay ng balat. Ayaw na rin nitong isuot ang mga alahas na bertud mula sa mga magulang nila. Sa katunayan, ni ayaw nitong sumama sa kanya sa gabing iyon. Kahit hindi nito sabihin, nakita niya sa mga baraha ang dahilan—may isang Pranses na lalaki itong nais tagpuin nang lingid sa kanyang kaalaman. Ngunit hindi iyon natuloy dahil pinilit niya itong sumama sa kanya. Hindi niya magagawa ang ritwal nang nag-iisa.

"Merde, Lala!" singhal niya nang umupo ito sa baul na naglalaman ng mga gamit pang-ritwal nila.

Bumuga ito at sinabi sa wikang-Pranses, "Tutunganga na lang ba tayo rito? Malamig ang panahon. Magsimula na tayo nang matapos na ito."

Napabuntong-hininga siya at nagsimula na nga sila. Inilabas niya ang imahen ng diyosa ng gabi, itinaas iyon sa buwan, matapos ay hinagkan at ibinaba sa buhangin. Nagsindi siya ng kandilang kulay-pula. Marahil sa hindi nakakaunawa ay malaking misteryo kung paanong sa kabila ng lakas ng ihip ng hangin ay nanatiling may sindi iyon. Ihinilera niya sa buhangin ang kopa, alak, punyal, iba't ibang imahen at maliliit na rebulto ng mga diyos at diyosa. Ang kulay-pula niyang belo ay itinalukbong niya sa ulo, saka binalingan ang kapatid. Tila napipilitan lang itong lumuhod sa tabi niya. Nagsimula na ang kanilang mga orasyon.

Mayamaya pa ay pinabuksan na niya kay Lala ang baul. Mula roon ay inilabas na nito ang mga produkto nila, mga bagay na matapos ang ritwal ay magiging espesyal: balabal bilang proteksiyon ng bata laban sa masasamang elemento; mga alahas na puno ng makukulay na hiyas bilang pampasuwerte sa sugal at kompetisyon; mga kristal na maaaring gamitin para sa kaligtasan sa paglalakbay at pampagana sa kama.

Huling inilabas ni Lala mula sa baul ang espesyal na artikulong siya mismo ang tumahi. Tatlong malalapad na quilt na nais niyang iregalo sa isang babaeng makailang ulit nang nagtungo sa tindahan nilang magkapatid sa Vallauris, ang Lyuba—na siya ring pangalan ng kanilang ina.

Tuwing nagtutungo sa tindahan si Isidra ay nagpapahula ito sa kanya. Isang turista si Isidra, palangiti, may malinis na kalooban at pasinasyon para sa mga paninda niya. Gayunman, mayroong bumabagabag sa puso nito. Kapag naibigay na niya sa babae ang mga quilt, umaasa siyang magkakaroon na ito ng kapayapaan sa puso at isip. Pumikit siya at inalala nang malinaw ang imahen ng babae.

Ang lahat ng konsentrasyon niya ay naglahong parang bula nang may bumugang usok sa kanyang mukha. Agad niyang tiningnan si Lala. Humihithit ito ng sigarilyo.

"Lala, ginagalit mo ba talaga ako? Wala ka na bang respeto sa tradisyon?! Hindi mo 'yan puwedeng hithitin hanggang hindi tapos ang seremonya," singhal niya sa wikang Pranses. "Masisira ang lahat! Maghihintay na naman tayo bago magawa ito. At hindi maaari dahil paalis na siya bukas!"

"Sino?" nakataas-kilay na tanong nito sa katulad na wika.

"Si Isidra! Naging kaibigan ko na siya." Isang bagay na totoo. Madalas silang mag-usap ng babae habang ang asawa nito ay nag-aaral lumikha ng mga obrang keramika. Naihinga nito sa kanya ang mga saloobin sa buhay, habang siya ay ganoon din dito.

Dumako ang paningin ni Lala sa kopang naglalaman ng alak, maging sa ibang artikulo ng dasal na batid niyang saulado pa nito. "Para sa kanya pala iyan. At siguro iyan din ang dahilan kung bakit mo ako isinama. Kailangan mo ang tinig ko. Sinong minamahal ang tatawagin ni Isidra sa panaginip niya? May asawa na siya, hindi ba? Hindi ko alam na ang bayani kong kapatid pala ay sang-ayon na ngayon sa pakikiapid."

"Tumahimik ka," bulong niya. "Mabait na babae si Isidra, hindi niya iyon gagawin sa asawa niya. Para sa mga anak niya ito. Nag-aalala siyang matulad sa mga kapatid niya ang mga anak niya. Nasa lahi nila ang pagtanda nang nag-iisa at walang asawa."

"Kaya pala nakikiramay ka nang husto," sarkastikong balik nito. "Damang-dama mo ba, kapatid? Sapul na sapul ka ba sa puso?"

"Sumusobra ka na, Lala! Sinabi ng mga baraha na may natitipuhan kang lalaki. Isang propesor, hindi ba? Isang propesor na hindi naniniwala sa mga paniniwala natin kaya pilit mong iniiba ang pananamit mo. Madaling ipakalimot sa kanya ang lahat ng pinag-aralan niya, Lala, huwag mo akong subukan."

Nanlisik ang mga mata nito, ngunit hindi umimik, magkalapat ang mga labi. Batid niyang galit na galit ito ngunit wala itong magagawa. Sinenyasan niya itong maghanda na. Simulan na niya ang dasal, tiniyak na matibay iyon sa kabila ng pagkaantala kanina. Umawit siya at sumabay si Lala. Salamat at hindi na ito nagprotesta. Hindi gagana ang dasal kung siya lamang ang aawit sa mga diyos. Tumagal ng mahigit isang oras ang mabususing dasal at orasyon. Matapos iyon ay maingat niyang itinupi ang mga quilt.

"Sa bisperas ng ika-dalawampu't limang kaarawan ng sinomang gagamit ng mga ito, mapapanaginipan nila ang makakapareha nila sa buhay—ang taong mamahalin nila at magmamahal sa kanila sa habang panahon," sambit niya. Sakaling walang makita sa panaginip ang gagamit niyon, sa kasamaang-palad ay iyon ang itinakda ng mga diyos at diyosa at wala na siyang magagawa pa.

Ngunit may magagawa si Isidra—maaari nitong ihanap ng mapapang-asawa ang anak nito. Marahil hindi man maging kasing-tamis ang pagsasama ng mag-asawa tulad ng isang pagsasamang hango sa tunay na pag-ibig, ay magiging sapat na rin iyon upang ang anak ni Isidra ay hindi tumandang nag-iisa... na tulad niya.

Binalingan niya si Lala. Nakatanaw ito sa bilog na buwan habang may ngisi sa labi. Biglang sinakmal ng pag-aalala ang puso niya. Kilalang-kilala niya ang ngising iyon ng kapatid. May ginawa itong kamalditahan, natitiyak niya!

"Lala, ano'ng ginawa mo?" usig niya.

Nagkibit ito ng balikat. "Nabagot ako sa mga dasal mo kaya dinagdagan ko ng isang interesanteng dasal."

Lalo na siyang kinabahan. "Ano'ng idinagdag mo, Lala?!"

Ngumisi ito. "Sabihin na lang nating masisisyahan ang sinomang gagamit ng mga 'yan. Masisiyahan nang husto."

Napamura siya. Ilang araw ang kailangan bago niya makita sa mga bituin kung ano ang idinagdag ni Lala sa dasal nito. At aalis na bukas si Isidra! "Makakasama ba 'yon sa gagamit, Lala? Magtapat ka sa akin o isinusumpa kong magsisisi ka."

"Walang masama sa kaunting kaligayahan, kapatid. Walang-wala." Nanatili ang ngisi sa labi nito. Hindi nawala ang masamang kutob niya ngunit kahit paano ay batid niyang hindi gagawa ng malupit na sumpa si Lala.

Ibinalot niya sa isang tela ang mga quilt. Bukas, idadaan niya iyon sa bahay-tuluyan ni Isidra. Isa iyong regalong nawa ay mapakinabangan nito. Sapagkat lahat ng tao sa mundo ay may karapatang magkaroon ng tsansang tumandang may kasama, kaagapay, katuwang, kabiyak.

Melchiorre and Mira - Dreams of Passion 1 (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon