Chapter 5

33.6K 692 5
                                    

ANG SABIHING kabado si Mira ay kulang. Basang-basa ng malamig na pawis ang kanyang mga palad na bahagyang nanginginig, huwag pang isama ang kilikili niya. Iyon ang unang pagtatagpo nila ni Melchiorre, ang kanyang "asawa."

Hindi sa bahay, hindi rin sa ospital kung saan nanatiling comatose ang lalaki sa loob ng pitong buwan, kundi sa isang restaurant. Alam nitong kadarating lang niya kahapon sa bansa. At sa pagkakaalam din nito, nagmula siya sa Amerika upang iparetoke ang kanyang mukha na nasira sa aksidente. Wala itong kamalay-malay na hindi nasira nang husto ang mukha ni Casilda. Lalong wala itong kamuwang-muwang na ang kanyang mukha ang niretoke, hindi sa Amerika, kundi sa Thailand. Siya ang nagtiis ng sakit ng retoke.

At habang nagpapagaling siya, nag-aaral din siya. Walang sawa si Jeremy na ituro sa kanya ang mga bagay na dapat alam niya—ang kuwento ng buhay ni Casilda, na sa totoo lang ay parang buhay ng stepsister ni Cinderella. Isa itong bruha, pero sinasarili lang niya ang opinyon na iyon. Wala siyang makitang bakas ng pagsisisi sa tuwing ito ang naglalahad sa kanya ng mga bagay na kailangan niyang malaman tungkol dito. Marami itong masasamang opinyon tungkol sa tatlong taong dapat ay itinataas nito sa pedestal—ang kapatid nito, lolo at lola nito. Galit ang babae sa mga iyon.

Kung ano ang iginanda ni Casilda sa labas, siyang ikinapangit ng kalooban nito. At hindi na kailangan pang sabihing mababa ang opinyon nito sa kanya at paano niya ito masisisi sa isang banda kung tinanggap niya ang ganoong uri ng trabaho? Gayunman, sa tuwing parang nais na niyang sumuko, nangangako si Jeremy—na hahanapan nito ng donor ang kanyang ama. Iyon daw ang magiging bonus niya. Isa iyong bagay na nagbibigay sa kanya ng determinasyon, lalo na at tuluy-tuloy na ang dialysis ng kanyang ama.

Sinabi niya sa ama na may biglaang trabaho sa Thailand at tinanggap niya iyon kaya madalian ang naging pag-alis niya. Tinitiyak niyang makakatawag siya madalas sa pamilya niya, sinasabing maayos ang lagay niya. Bakit hindi maniniwala ang mga ito gayong numero sa Thailand ang gamit niya? Dala niya ang cellphone na may numero ng Thailand. Maaari pa rin siyang mai-text doon, at kung sakali mang magpalit na siya ng numerong pang-Pilipinas, madali nang sabihing nakabili siya ng roaming na numero.

Taas-noong naglakad siya papasok sa restaurant, tulad ng gawi ni Casilda. Nakita niya si Melchiorre sa isang mesa. Nagtama ang mga mata nila. Intense. Parang sasabog ang dibdib niya. Sa halip na puntahan ito ay pumihit siya at nagtungo sa lugar kung saan hula niya ay naroon ang banyo. Hindi siya nagkamali at agad siyang pumasok doon, saka nailapat ang mga kamay sa lababo, naninikip ang dibdib.

"Diyos ko," sambit niya mayamaya, napatutop sa dibdib na kumakabog. Diyos ko, parausin po Ninyo ako sa araw na ito.

Para siyang tumakbo sa pagkahapo niya. Taas-baba ang dibdib niya at mayamaya ay nagkulong siya sa isang cubicle at doon ay nagmamadaling pinunasan ang kanyang mga palad ng toilet paper, maging ang kilikili niya. Parang tumatak sa utak niya ang hitsura ni Melchiorre—guwapo sa salitang guwapo, lalaking-lalaki, mukhang mahirap abutin, mukhang suplado.

Lumabas siyang muli sa cubicle, nagsabon ng kamay, pinapatagal ang bawat galaw ngunit naubos na ang dahilan niya, bukod sa nag-alala siyang baka lalong magtaka si Melchiorre kung bakit napakatagal niya sa banyo. Humugot siya ng malalim na hininga nang matiyak niyang maayos pa ang kanyang makeup—tinuturuan din siya noon ni Casilda. Lumabas na siya sa banyo.

Parang may mga kamay na pumipigil sa mga paa niya ngunit narating din niya ang puwesto ni Melchiorre. Kunot na kunot ang noo nito.

"I'm s-sorry," garalgal ang tinig na wika niya, saka naupo. Muli, dumagundong ang puso niya, pinagpawisan na naman siya ng malamig, hanggang sa maisip niyang isa siyang artista, at ito ay isang pagganap lamang. Itinaas niya ang mukha sa lalaki. Hindi pa rin nawawala ang pagkakakunot ng noo nito.

"How are you?" tanong nito sa isang tinig na animo kamaong sumuntok sa sikmura niya. Buong-buo iyon, walang pag-aalinlangan. At narito siya upang lokohin ito. Ano ba ang pumasok sa isip nina Casilda at Jeremy para maisip na kaya niyang lokohin ang lalaking ito?

Gaga ka talaga! Bakit ka nawalan ng kompiyansa? Tandaan mong kamukhang-kamukha mo na si Casilda ngayon. Panindigan mo na lang. Magsuplada ka, mag-inarte ka, magmaganda ka nang husto, iyon siya. Mismong-mismo!

"I'm well," aniya sa tinig ni Casilda. Sanay na siyang gamitin ang tinig na iyon. "And how about you?"

"I'm fine. I'm sorry about what happened to our baby."

Napasinghap siya. Hindi dahil apektadong-apektado siya sa nangyari rito, bagaman may bahid din noon, ngunit higit dahil sa katotohanang hindi niya inasahan ang lungkot na kalakip ng tinig ng lalaki, nakita rin niya ang lungkot na iyon sa mga mata nito. At napayuko siya, parang dinutdot ng konsensiya. Sa pagkakaalam niya, hindi nalungkot si Casilda sa pagkawala ng bata dahil narinig niya itong sinabi, "that takes care of the baby problem" na malinaw na nagpapahayag na problema pala nitong itinuring ang sanggol na iyon. Impaktita talaga ang babaeng iyon.

Mukhang inakala ni Melchiorre na labis siyang nasaktan at inabot nito ang palad niyang nagpapawis sa ibabaw ng mesa. Pinisil nito iyon. "I'm really very sorry, Casilda. I'm sorry."

Ilang sandali bago siya makaisip ng tugon, tugong pang-Casilda. "Well, you never really admitted he was yours. I'm surprised to see you say you're sorry."

Mukhang hindi nito nagustuhan ang sinabi niya base sa pagdilim ng mukha nito bagaman mayamaya ay sinabi nito, "He?"

Bakit nga ba niya naisip na lalaki ang batang iyon? Nagkibit siya ng balikat. "I always thought the baby's going to be a he and was going to take after you."

Mukhang hindi nito inasahan ang sinabi niya at naisip niyang mali yata ang nasabi niya. Hindi pa siya perpekto sa pagganap, batid niya, ngunit darating din siya doon.

"I'm thirsty. Let's order," aniya.

Melchiorre and Mira - Dreams of Passion 1 (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon