Chapter 17

28.1K 629 6
                                    

Parang mayroong pakpak ang mga paa ni Mira habang naglalakad patungo sa elevator. Nasa office building siya na pag-aari ng "asawa." Marahil iyon ang isa sa pinakamasayang araw niya dahil kahahatid pa lang niya sa kanyang ama sa bahay nila sa Cainta—sa katauhan ni Casilda, natural—at ang magandang balita ay malapit nang ma-schedule ang operasyon nito. Marahil sa susunod na linggo, kapag kumalma na ang hika nito na kasalukuyang niresetahan ng gamot ng doktor.

Wala na yata siyang mahihiling pa sa buhay niya. Masaya siya, magaan ang pakiramdam. At ngayong naaalala niya ang relasyon nila ni Melchiorre ay parang nais pa niyang mapakanta.

Ang lahat ng mga negatibong bagay na pumapasok sa isip niya ay hindi na muna niya iniisip. Nais niyang panghawakan ang kaligayahang ito, bagaman panaka-naka ay natutukso siyang isiping sakaling dumating ang panahon na kailangan na niyang umalis, baka sakaling puwede niyang aminin kay Melchiorre ang lahat.

Erase, erase. Sinabi nang masaya ang araw na ito, sa isip-isip niya, mas piniling kalimutan muna iyon pansamantala. Pagsakay niya ng elevator ay binati siya ng attendant.

"Nauna lang po sa inyo ng kaunti si Ma'am Catherine, Ma'am," anang attendant.

Bigla siyang natigilan. Nais sana niya itong tanungin kung anong oras dumating ang "kapatid" niya ngunit ayaw niyang maisip pa nitong hindi niya iyon alam kahit na iyon ang totoo. Bigla niyang naitanong sa sarili kung madalas bang nagtutungo roon ang babae at kung ganoon, ano ang pakay nito? Wala itong business sa lugar na iyon, wala itong dahilan para magtungo roon. Lalong wala itong karapatang magpunta roon nang hindi nagsasabi sa kanya. Siyempre, bilang respeto sa kanya.

Nagpasalamat siya sa attendant at umbilis sa huling palapag ng gusali, kung saan naroon ang executive office. Nang makarating siya sa tapat ng mesa ng sekretarya ni Melchiorre ay hindi nakaligtas sa kanya ang tila bigla nitong pagkabalisa. Tumayo ito, masyadong mabilis, saka siya binati. "Good afternoon, Ma'am."

"Nandiyan si Melchiorre?"

"Kindly sit for a while, Ma'am," anito, biglang pinawisan ang noo. Nais na niyang magduda. At higit sa lahat ay nais niyang ibalandra pabukas ang pinto sa opisina ng asawa at sumugod sa loob. Ngunit ayaw niya ng gulo kaya naupo nga siya sa isang couch. Tumawag ang sekretarya sa intercom at ilang segundo lang ay bumukas iyon, tumambad ang nakangiting mukha ng kanyang asawa.

Para siyang nakahinga nang maluwag. "Hello," aniya.

"Hello." Hindi nawawala ang pagkakangiti nito. "Come," anito bagaman nilapitan siya upang sunduin na para ba siyang isang prinsesa. "Catherine is here, by the way."

Bahagya siyang naalangan bagaman tumango at pumasok na sila sa opisina. Naroon nga ang "kapatid" niya. Ngumiti ang babae sa kanya, bagaman halatang tensiyunado. Para bang ipinaskel lamang sa mukha ang ngiti nito. Tumayo ang babae at hinagkan ang pisngi niya.

"How are you?" matigas nitong wika.

"I'm great. I didn't know you'd be here." Ginandahan niya ang ngiti, saka inilagay sa likod ng baywang ni Melchiorre ang bisig niya. Minamarkahan niya ang kanyang teritoryo at pasensiyahan na lang sila ni Catherine.

Mukhang nailang ang babae, marahil ay hindi inasahan ang sweetness nilang mag-asawa. At dahil isa siyang babae, hindi naging lingid sa kanya ang naging damdamin nito. Batid niya, hindi man nito sabihin, nasasaktan ito. Pero kung hindi pa naman ito isang lula-luka at kalahati, bakit ito nagtutungo pa roon?

"I... I just came to ask about a few documents regarding the merger," tugon ng babae at tumayo na. Wala itong dalang kahit na anong folder, mukhang sinaulo lang nito ang diumano ay itatanong nito, kung totoo nga iyon. "I'll get going now."

Melchiorre and Mira - Dreams of Passion 1 (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon