Chapter 7

33.3K 636 9
                                    

Mali yata ako...

Gustong mapakamot ng ulo ni Mira sapagkat naparami yatang masyado ang order niya. Bagaman alam niyang iyon ang parating gustong kainin ni Casilda, at nang tumira siyang kasama ito at si Jeremy ay parati nitong pinapa-order ang mga iyon kay Jeremy sa kung saang hotel, ay dapat na naisip niyang lifetime diyeta nga pala ang babae at siya ay dapat na mahinang kumain sapagkat ganoon ito sa normal na pagkakataon. Gayunman, hindi na siya magpapaka-plastic para hindi sabihin na ang kanyang meal ay hindi buo kapag walang kanin. Nagpapakatotoo lang siya. Kaya itong mga in-order niya, kahit marami na rin ay hindi makakakuntento sa kanya tiyak.

"You don't look like you're enjoying your meal," puna ni Melchiorre.

"Parang mas gusto ko pala ang rice," aniya, tutal naman ay binigyang-diin na niya sa lalaki na nagbago na siya bilang Casilda. Wala naman sa usapan nila nina Jeremy na isang buong taon din niyang gugutumin ang sarili niya, bukod sa kaya niyang ilusot ang bagay na iyon.

"You're serious?"

Nagkibit siya ng balikat. "Nagdesisyon akong magsimula nang kumain ng rice ulit. I need carbs in my life. And like I said, I don't want to die one day having salad as my last meal, just like in the accident," aniya, bagaman hindi niya tiyak kung salad nga lang bang talaga ang kinain ni Casilda noong araw na iyon. Tumawa siya, iyong tawa ni Casilda na hindi maunawaan kung peke o totoo.

"I will order rice for you."

Tumango siya. Sa wakas, may kanin na. Alangan namang tiisin niyang isang taon siyang walang rice? Hindi niya iyon kaya dahil miyembro siya ng tropang extra rice, ang grupo ng Pinoy na hindi buo ang kain nang walang extra rice.

"What's your plan now?" tanong nito.

"Nothing." Pinalungkot niya ang tinig. Sana ay huwag manginig ang tinig niya tulad kanina. Kabado pa siyang talaga at kapag sensitibo ang paksa, nauutal siya at kinakabahan. "I want to do some soul searching."

Tumango ito. Ngayon na nababawasan na ang kanyang kaba ay lalo niyang napapansin na sadyang magandang lalaki ito. Malayo ang diprensiya nito kay Jeremy. Ang kinis-kinis nito, mamula-mula ang kutis, mukhang modelo sa GQ. Mukha naman itong mabait, kahit sa mga side comments ni Casilda ay parang lumalabas na bad trip ang lalaking ito.

Kunsabagay ay talagang bad trip dito si Casilda sapagkat base sa mga kuwentong narinig niya, noon pa nais ng babae si Melchiorre, lamang ay ang kapatid nitong si Catherine ang gusto ng lalaki. Ang malaking tanong niya na hindi nasagot ay kung paano nangyaring nagkaroon ng Jeremy sa buhay ni Casilda gayong parang gustung-gusto nitong talaga na pakasalan ito ni Melchiorre. Ilang ulit niyang nakitang naghahalikan sina Casilda at Jeremy, samakatuwid, hindi friends lang ang mga ito.

Hay, hindi niya alam kung malalaman pa niya ang sagot. Basta't siya ay naroon para sa isang trabaho at iyon lang. At sinabi niya na sa sarili niya na yaman din lamang na hindi naman pala niya kailangan na magsilbi sa seksuwal na paraan kay Melchiorre ay walang kaso sa kanya ang trabahong iyon. Panis.

Aminado siya, willing siyang gawin sana ang lahat para sa tatlong milyon, pero kung hindi naman kailangan, ano siya, bale? Iyon ang sabi ni Jeremy sa kanya nang tanungin niya ito. Diskarte na raw niya ang bagay na iyon, hindi na makikialam ang mga ito.

Mayamaya ay napapitlag siya nang abutin ni Melchiorre ang kanyang kamay. Pinisil nito ang palad niya. "I'm looking forward to starting a life with you. I know that sounds very unbelievable given the situation but I realized this is our life now."

Napalunok siya habang nakatingin sa mga mata nito. "A-ako rin..."

At naunawaan niyang habang sinasabi niya iyon ay nangangarap siya bilang si Mira. Ambisyosa siya. Kailangan niyang maalalang umaarte nga lang pala siya. Kumbaga sa trabaho bilang talent, beinte-kuwatro oras ang kanyang trabaho, walang pahinga at walang cut. Kapag nagkamali siya, tapos ang kontrata. Mas mabigat sapagkat ang bayad sa kanya ay divided by twelve months, kaltas na ang paunang bayad na tatlong daang libong piso. Umaasa rin siyang tutuparin ni Jeremy ang pangako nitong hahanapan ng bato ang kanyang ama.

Melchiorre and Mira - Dreams of Passion 1 (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon