Chapter 11

28.4K 628 13
                                    


"Anak, kumusta naman diyan sa Thailand?"

Diyos ko, Tatay, lalo lang akong nakokonsensiya sa mga tanong ninyo. Nandito lang po ako sa Pilipinas, wala pang isang oras puwede na tayong magkita pero hindi ninyo ako makikilala kasi... kagandahan na ako. Puwede na nating tuparin ang pangarap natin noon na maging artista ako.

"Okay lang naman, 'Tay. Kukumustahin ko lang po sana kayo. Nag-deposit po ako kanina sa bangko ninyo, 'Tay." Isang buwan at kalahati na siya sa bahay ni Melchiorre at kahapon ay dumating sa account na gamit niya ang pera mula kay Casilda na agad niyang idineposito sa bank account ng kanyang ama.

"Aba'y talagang napakaganda ng naging trabaho mo diyan, ano, anak? Sabi mo, Puti ang amo mo kaya Merikan pay, kaya itong pinsan mo tuloy dito, eh, nagtatanong kung meron pa daw bang puwesto diyan sa amo mo."

Iyon ang tinahi niyang kasinungalingan para rito na madali nitong paniwalaan sapagkat saan nga naman siya kukuha ng ganoon kalaking suweldo? "'Tay, walang bakante ngayon. Isa pa, may allowance naman akong binibigay sa kanya. Kailangan n'yo siya diyan, 'Tay."

"Ay, ganitong maayos ang pakiramdam ko'y kaya ko namang asikasuhin ang lola mo. At iyong ipinadala mong pera noong nakaraang buwan, anak, tumubo na at nagpapautang ako dito ng bigas at karne. O, bago ka magalit, eh, pangungunahan na kita—may naghahatid dito sa bahay ng mga iyon, hindi ko kailangang buhatin."

"Hindi ako makakampante kung wala kayong kasama diyan, 'Tay. Pakausap nga po sa bruhang 'yon," aniya at sa loob ng ilang minuto ay kinausap niya ang pinsan niyang si Bekbek, at sa huli ay nagkasundo silang hindi muna ito mag-a-abroad. "'Wag kang mag-alala, pag-uwi ko pag-aaralin kita," pangako niya rito.

Kinausap niya ang lola niya, at muli ay ang kanyang ama, saka siya nagpaalam sa mga ito. Pinunasan niya ang mga luha. Hindi pa siya nalalayo nang ganoon katagal sa kanyang pamilya, ngunit kung para man lang marinig ang masisiglang tinig ng mga ito at sa kaalamang nakakakilos na ang kanyang ama, kahit paano ay gumagaan ang kalooban niya.

Isinuot niya ang iPod at nagtungo sa banyo, hinubad ang damit at lumusong sa bathtub na kanina pa niya natimplahan. Isang audio book ang pinakikinggan niya ng isang sikat na libro, mayroong English accent ang nagsasalita at iyon ang kanyang ginaya habang nakapikit ang mga mata. Bata pa siya, hilig na niya ang mga ganoong gawain, kaya nga siguro siya nalinya sa pag-acting—pisikal man o sa tinig.

"In the faraway island of Saint Tropez... San Tro-pey... Trah-pey... Tro... Trah..."

Natigilan siya nang mahugot sa tainga niya ang earphone, at biglang naipon sa lalamunan ang isang tili nang makita si Melchiorre na nakaupo sa gilid ng bathtub.

"What happened in the island of Saint Tropez?" nakangiti nitong tanong.

Dahil sumisingaw ang init ng bathtub, kaunti na lang ay halos parang nasa sauna na sila. Alerto siya at inilubog pang lalo ang katawan sa tubig, kahit hindi nito nakikita ang katawan niya tiyak, dala ng bula ng sabon.

"M-Melchiorre, ano ang ginagawa mo rito?" halos bulong niyang tanong.

"Kanina pa ako kumakatok, nag-aalala ako kaya pumasok na ako. Imagine my surprise hearing different voices coming from the bathroom. Hindi ko alam na may talent ka pala sa ganito." Mukha itong labis na naaaliw.

Habang siya naman ay umiikot ang ulo tila. Mahigpit niyang hiling na huwag tumatak sa isip nito iyon, na sana kahit kaunting pagdududa ay hindi ito makaisip.

"Are you aware that you look like Kevin from Home Alone, except your breasts are far more interesting than his?"

Naunawaan niyang naka-Ah pa rin ang bibig niya dala ng naipit na tili, saka siya napatingin sa dibdib niya. Nakalantad na ang mga iyon dahil nagpasya ang mga bulang umurong patungo sa gitnang bahagi ng katawan niya. Nabigla siyang bumangon nang kaunti, hinawi pabalik ang mga bula, para lamang mangliit nang maunawaan niyang ang kakapiranggot na ulap ng bulang iyon na bumalik sa dibdib niya ay inilantad naman ang ibaba niya.

Melchiorre and Mira - Dreams of Passion 1 (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon