Chapter 25

28.1K 701 28
                                    


"Hija, kung handa namang makipag-ayos sa 'yo, bakit ayaw mo pang tanggapin? Eh, kung hihilingin ng korte na patingnan ka sa doktor, lalabas at lalabas na may ipinabago ka sa mukha mo. Mahina ang laban mo rito. Kaya natin itong patagalin pero sa opinyon ko, hindi tayo mananalo."

Magkakasunod ang naging paglunok ni Mira habang kausap ang abogadong nilapitan niya. Hindi masasabing pipitsugin ang abogadong ito sapagkat kaibigan ito ng propesor niya dati sa UP at minsan na ring na-involve sa mga bigating kaso.

"Hindi ko po gusto ang hinihiling niyang kapalit," tugon niya, bagaman wala siyang balak na sabihin dito kung ano iyon.

"Sasabihin ko sa 'yo ang totoong sistema ng batas natin dito, hija. Una, magbabayad ka sa abogado para sagutin ang mga sulat na matatanggap mo. Magsasagutan kami sa sulat at kung hindi magkakasundo, saka magpupunta ang kaso sa mediation, o kung hindi man ay sa korte na. Kung minsan inaabot ng limang taon ang kaso. Kung hindi ka matiyaga, susuko ka. At sa totoo lang, hija, kung maiksi ang pisi mo ng pambayad, susuko ka. Pero dahil hindi ikaw ang nagdedemanda, at alam nating parehong mahaba ang pisi ng nagdedemanda sa 'yo, maghanda ka na ng matagal-tagal na pangsustento rito. At pagkatapos, sa totoo lang, hija—hindi sa dini-discourage kita, kundi nagsasabi lang ako ng totoo—guilty ka. Pakaisipin mo munang maigi. Lalaban sa korte kahit alam mong mayroon kang kasalanan. Pero nasa 'yo naman 'yan. Wala lang akong maibibigay na guarantee sa 'yo."

Nagpasalamat siya sa abogado. Umandar ng halos tatlong oras ang kanilang pag-uusap at may bayad iyon. Bukod pa sa ibinayad niya ang acceptance fee nito at ang limang libong bayad kada court appearance sakaling ituloy niya ang pagharap sa korte kay Melchiorre. At sana ay hindi na niya pag-iisipan pa ang lahat, kahit pa tumagal ang kaso ng limang taon, sumampa sa Court of Appeals sa loob ng ilang taon ulit, o makarating pa sa Supreme Court at abutin siya ng isang dekada sa paghahabla, kung sana ay hindi siya guilty sa mga krimeng ikakaso sa kanya. Ang malaking problema ay guilty siya.

Nais niyang mag-isip ngunit hindi sapat ang oras niya. Sa umagang iyon ay nakatanggap siya ng isang sulat na typewritten at sinasabi: I will wait until twelve midnight today for you. Bring your things. If you don't come, I'll see you in court. – M

Ayaw na niyang umiyak. Halos tulala siya sa ilalim ng isang waiting shed, naghihintay ng masasakyan. Kung nais ni Melchiorre na lalong masira kung ano ang namamagitan sa kanila ay bahala ito. Naisip ko pa naman na sa isang banda, napaka-poetic ng nangyari sa atin, na magkakahiwalay tayong masaya at maganda ang mga alaala mo sa isip ko. Pero ang laki ko ring tanga na maisip ang mga iyon kung mula simula, iba ang intensiyon at motibo ko sa 'yo. Oo, tama lang na magalit ka. At kahit pagbali-baligtarin natin ang mundo, totoong guilty ako. Niloko kita. Sinong korte ang magpaparaya sa akin dahil sa dahilan ko? Wala. Dahil malaki ang kasalanan ko. Pero bakit kailangan mong gawin ang ganito? Bakit kailangan mong kunin ang respetong natitira para sa sarili ko?

Galit pa rin siya, ngunit mabilis na naglinaw ang isip niya. Tahimik niyang kinuha ang cellphone at tinawagan ang lalaki.

"Have you made up your mind?" tanong nito.

"Gaano katagal?"

"Until I get the annulment."

"At gaano iyon katagal?!" Tumaas na ang tinig niya. "May mga naririnig akong inabot ng sampung taon, hindi pa rin annuled!" Natuklasan niyang mabilis palang mapatid ng pisi niya patungkol sa bagay na iyon. Pakiramdam niya ay para siyang isang dagang nasukol, nagnakaw man ng keso ay palaban na dahil wala nang ibang pagpipiliang gawin.

"My lawyer says six months. Don't worry, I'll pull some strings," anito. Napabuga siya, kinakalma ang sarili. Hindi siya makatugon kaya muli itong nagtanong. "Are you coming? Do you need someone to pick you up?"

Melchiorre and Mira - Dreams of Passion 1 (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon