Chapter 23

23.8K 621 4
                                    


"'Tay, nakatingin na naman kayo sa akin. Ikaw rin, Bekbek," ani Mira sa ama at pinsan. Madalas niyang nahuhuli ang mga itong titig na titig sa mukha niya kahit pa nga dalawang linggo na mula nang magbalik siya sa kanila. Ngayon ay halos wala nang bakas ang naging operasyon niya.

"Eh, anak, sa totoo lang, naninibago pa rin ako sa hitsura mo," pag-amin ng kanyang ama.

"Ate, ang laki kasi ng iginanda mo. Pati ang kutis mo kuminis. Maganda siguro ang klima sa Thailand," si Bekbek.

Hindi na lang niya konontra ang obserbasyon nito. Nagsalitang muli ang kanyang ama. "Ang obserbasyon ko naman sa 'yo, anak, ay hindi sa pagbabago ng mukha mo kundi ng mga mata mo. Kahit nakangiti ka tulad ngayon, parang napakalungkot mo."

"Siyanga," sang-ayon ng lola niya. "Kahit akong walang makita, damang-dama ang pagbabago mo, apo. Ano ba ang nangyari sa 'yo? Hindi naman kaya at mayroon kang natipuhang lalaki doon at nagkahiwalay kayo? Aba'y pag-ibig lang naman ang nakakagawa ng ganyan sa isang tao."

Ganoon ba siya ka-transparent? Marahil nga. At wala na rin siyang lakas na magsinungaling pa. "Ganoon lang siguro talaga ang mundo, 'La."

"Aba'y tinamaan ng magaling at totoo nga ang hinala ko. Sinasabi ko na nga ba sa 'yo, Pepito," anito sa kanyang ama. "Ikalawang araw pa lang ng pagbabalik niyang anak mo, alam ko na. O, di totoo nga. Sige, apo, ikuwento mo sa amin at makikinig kami. Tiyak namang hindi nararapat sa 'yo ang lalaking iyon kung pinakawalan ka. Aba'y napakasuwerte na niya sa 'yo."

Mayroong hatid na pait sa dibdib niya ang sinabi nitong iyon dahil hindi iyon totoo. Hindi naging masuwerte sa kanya si Melchiorre, ang malas pa nga nito sa kanya. Dahil isa siyang sinungaling. At sa pag-andar ng mga araw ay lalo lamang tumitimo sa isip niya iyon, lalo lang siyang nangliliit. Wala na siyang balak humarap sa lalaki sa ngayon, wala na siyang mukhang maihaharap dito. Ano at isang araw ay bubungad siya ritong iba na ang taglay na mukha at aasahang sasabihin nitong walang kaso rito ang lahat?

"Saka na lang po ako magkukuwento, 'La."

"Pabayaan na ninyo, 'Nay," ang kanyang ama. "Magkukuwento 'yan kapag handa na. At, anak, tandaan mo, masakit kung minsan ang magmahal pero anu't anuman, lilipas din ang lahat ng sama ng loob at naniniwala akong mabait ang Diyos. Makakahanap ka pa ng iba diyan."

Tumango na lang siya, kahit alam niya ang isa pang masakit na katotohanan: wala nang ibang tulad ni Melchiorre.

Inabala na lang niya ang sarili matapos ang almusal. Katulong si Bekbek ay nilinis nila ang computer shop. Ang garahe nila, por que wala silang kotse, ay ginawa niyang computer shop. Hindi pa naka-set up ang computer at katatapos pa lang ng gawaan ng nagdaang araw.

"Bek-bek, baldehan mo sa bandang ito at kapag natuyo saka tayo mag-floor wax. Ikaw na ang magyuyuko at alam mong operada ako," aniya sa pinsan. Payo ng doktor ay hindi pa siya maaaring magkikilos ng husto. Ngunit nang mapikon siya sa malamyang kilos ng pinsan ay siya na ang nagbalde. Nakaupong patiyad sa sahig, hawak ang walis tingting ay sige siya sa paglilinis. "Kumuha ka na agad ng isa pang balde. Mga tatlo pa ang kailangan dito at maraming dumi."

Nakatalikod siya sa pintuan at pumihit lang nang walang makuhang tugon mula sa pinsan. Agad siyang napatayo nang makita ang dahilan kung bakit hindi umiimik si Bekbek—nakatulala ito sa pintuan ng shop, nakatitig kay Melchiorre. Sa dalawang pagkakataong isinama niya si Melchiorre sa bahay nila ay wala si Bekbek. Noon lang nakita ng pinsan niya ang lalaki.

Nanigasang buong katawan niya, tumahip ang dibdib, nanglaki ang ulo. Ano ang ginagawang lalaki roon? Alam na ba nito? Puwede. Pero puwede rin na dumadalaw lang itosa kanyang ama dahil kilala na nito ang kanyang pamilya bilang kaibigan ni"Casilda."

Melchiorre and Mira - Dreams of Passion 1 (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon