Chapter 2

42.4K 840 32
                                    

"CUT! CUT!"

Agad nagmulat ng mata si Mira upang tingnan kung sa kanya muli nakatingin ang direktor at napangiwi siya nang makitang nanglalaki na ang mga mata niyon sa pagkakatitig sa kanya.

Agad siyang bumangon upang magpaliwanag, "Direk, hindi naman po kasi maganda kung madadaanan ako ng camera na wala man lang akong reaksiyon—"

"Dapat patay ka na. Hindi ka na dapat umaarte—dahil wala ka nang buhay. Normally hindi ka makakadalawang take sa dami ng puwedeng pumalit sa 'yo, pero nagsimba ako kanina kaya tumagal ka ng limang take. Ngayon, hindi ko na kaya! Extra ka lang pero baka ikaw pa ang manalo ng best actress! Nagda-dialogue ka pa!"

"Pero, Direk, naman. Remember, Jesus loves you," aniyang nakangiwi, nais magsising ginamit ang Lumikha para hindi masisante.

"Palitan na ang isang ito!" sigaw nito at wala siyang nagawa kundi ang tumalikod na.

Ang hindi niya maunawaan ay kung bakit kailangan na ang isang extra ay wala nang kahit na anong matinong pag-arte na gawin. Katulad na lamang sa eksenang kanilang ginawa: nagkagulo ang tribu at sumabog ang bulkan at isa siya sa mamamatay. Ang kuha ay iyong aftermath na, naghihingalo na ang lahat, dadaanan siya ng camera. Hindi niya matanggap na wala siyang pag-arteng gagawin man lang para sa kanyang third movie appearance bilang "taumbayan." Wala man lang ni isang umiiyak na naghihingalo. Hindi naman sila naabutan ng lava, eh! Natural na buhay pa sila!

Iyon ang nakikita niyang kahinaan ng script—wala man lang paliwanag kung ano nga ba ang nangyari at nagkandamatay ang mga miyembro ng tribu. At binabayaran siya para umarte, hindi para tumihaya sa lupa nang ganoon na lang, walang dating.

Napabuntong-hininga siya. Ibinida pa naman niya sa kanyang ama at lola na lalabas siya sa isang pelikula kasama ang sikat na artista. Hindi sa mapapanood siya ng lola niya sapagkat ito ay bulag, ngunit kapag lumabas na siya sa screen, tiyak maririnig siya nito. Kaya nga nag-ad-lib siya kanina ng "Bakit, Panginoon ko? Ah... Ah... Paalam, mundo!" Sayang. Kanina sa eksena ay malapit lang siya sa bida kaya tiyak niyang dinig ang ad-lib niya ng boom mic. Ngunit heto ang nangyari.

At least may bayad siya sa pag-extra niyang iyon. Gayunman, hindi sapat ang suweldo niya roon para sa dialysis ng ama niya. Ang sabihing baon siya sa utang ay kulang. Maya't maya ang naniningil sa kanya, lahat ng kaibigan niya halos ay galit na sa kanya. Isang himala pa na naitatawid niya ang pang-dialysis ng ama minsan kada isang buwan. Ang inaalala niya, darating ang oras na linggo-linggo na nito kailangan ng dialysis—kapag tumagal na at wala pa ring donor na magbibigay ng bato rito.

Anumang sandali sana ay maaari niyang ibigay ang bato niya rito. Ang kaso, hindi compatible ang mga bato nila. Hindi rin compatible ang sa pinsan niya. Hindi rin puwedeng mag-donate ang lola niya dahil matanda na ito, bulag pa. At dahil wala siyang pera, hindi siya makabili sa black market ng bato. Nakokonsensiya man siya sa isiping bibili siya ng bato ng ibang tao, kapag naiisip niyang para iyon sa kanyang ama, natatakpan ang tawag ng konsensiya. Sapagkat sadyang hindi niya ipagpapalit ang buhay ng ama niya. Ang kaso, wala siyang pera, eh. Dukha lang siya.

Noong wala pang sakit ang kanyang ama ay ito ang nagpaparal sa kanya. Nagtatrabaho ito noon sa isang contruction firm, foreman. Sa UP siya nag-aral, umabot siya sa ikalatlong taon, Mass Com. Pangarap niyang maging artista, kahit hindi siya maganda. Tanggap niya iyon. Kung may ipagmamalaki siya, iyon ay ang height, kutis, at cheekbones niya. Makinis siya, matangkad, mataas ang cheekbones, parang sa modelo. Pero ang mukha niya, parang sa karpintero. Five-eight siya, binansagang "kapre" ng iba, at hindi madaling bigyan ng role ang isang tulad niya.

Gayunman ay umasa siyang makikilala siya kahit sa teatro. Sa katunayan ay naging bida na siya sa play noong nag-aaral pa siya. Ngunit nagkasakit ang kanyang ama ay napilitan siyang tumigil sa pag-aaral at tumulong sa pamilya.

Sa totoo lang, hindi siya nangingimi kahit sabihing ibebenta ang katawan niya kung ang kapalit ay ang paggaling ng ama. Kahit sinong anak siguro, kapag nakikita ang amang naninilaw ang balat at namamanas, maiisip din ang mga bagay na naiisip niya. Ang kaso ay wala namang bibili sa kanya. Siyempre, bago pa mauwi sa isang tulad niya ang mga maperang politiko o negosyante ay una na sa pila ang mga starlet.

Ngayon ay katatapos pa lang ng dialysis ng ama niya. Makakaipon siya kahit paano para sa susunod. May trabaho siya, marami. Kahit ano pinapasok niya—ahente ng Avon, tutor ng Koreano, extra sa pelikula, at miyembro na siya ngayon ng voice talent agency. Hindi sa pagbubuhat ng bangko pero mahusay din siya roon.

Nang mag-ring ang cellphone niya ay sinagot niya iyon, ang voice talent coordinator ng agency, si Ate Mylene. "Nasaan ka ngayon, Mira? Emergency lang kasi kailangan ko ng talent ora mismo. Sana makarating ka."

Agad siyang pumayag. Hindi siya tatanggi sa grasya. Nagtungo siya sa studio at ibinigay sa kanya ang script. Pangtapal lang siya sa isang maling dialogue sa isang anime. Sumige na siya sa trabaho at matapos pakinggan ang orihinal na tinig ng nag-dub—na kasalukuyang may sakit, ay hinarap na niya ang recording studio. Ilang linya lang ang sasabihin niya.

"Kuya Yuki, Kuya Yuki! Lumabas tayo at maglaro ng niyebe!" aniya sa tinig na pang-anime, batang lalaki. "Naku, Shima, hindi puwede at masyadong malamig ang niyebe," wika niya sa ibang tinig. Dalawang tinig ang ginagawa niya. Inabot siya ng isang oras para sa iilang linya. Paglabas niya ng recording studio ay may lalaking lumapit sa kanya.

"Hello. My name is Jeremy. I saw you record," anito.

"Mira, Sir," aniya. Mukhang mayaman ang lalaki, guwapo pa. Baka isa ito sa mga may-ari ng agency o mataas ang katungkulan doon.

"I have a script. Can you read it for me?"

Kulang mapatalon siya sa narinig. Bakit siya magri-reading kung hindi ito nahusayan sa trabaho niya? Agad siyang tumango. Kinakabahan siya sa pagkakatingin nito sa kanya—titig na titig ito na para nahihipnotismo. Labis ba itong humanga sa performance niya? O labis itong na-attract sa kanya? Sa pagkakatingin nito sa kanya ay kulang na lang sabihin ng mga mata nito, "Angkinin mo ako."

Kilig na kilig siya at pa-demure na sumama rito patungo sa isang opisina. Ibinigay nito sa kanya ang isang script. Gagayahin niya ang tinig ng mga sikat na tao. Panis na panis iyon sa kanya sapagkat hobby niyang gayahin ang tinig ng lahat ng mga artistang kaya niyang gayahin. Habang umaarte na siya ay biglang nagsalita ang lalaki. "Tell me how tall you are, please, Mira."

"Five-eight po." Nagmana po ako sa nanay kong kapre... na iniwan ang tatay ko matapos akong iluwal na akala mo ang ganda-ganda niya.

"How long have you been working here?"

"Bago lang po, Sir. Sa totoo po, second job ko pa lang po iyong kanina."

"Please call me Jeremy." Inabutan siya nito ng business card. Ayon doon, ang buong pangalan nito ay Jeremy Trinidad, tarheta iyon ng ibang kompanya kung saan ay general manager ito. "Mr. Reyes is a close friend," paliwanag ng lalaki, tila nabasa ang isip niya. Ang tinukoy nito ay ang isa sa mga may-ari ng agency. Opisina ni Mr. Reyes ang kinaroroonan nila. "Let's get something to eat while we talk business."

Nagtungo sila sa isang restaurant. Doon ay nagkuwentuhan sila. Mahusay sa pakikipag-usap ang lalaki, komportable agad siya rito kaya nabanggit niya ang mga hinaing niya sa mundo.

"Naku, ang hirap po talaga ng buhay ko. Hindi na rin ako mahihiyang sabihin sa inyo na kung may trabaho kayo, ibigay ninyo sa akin at gagawin ko ang lahat para magawa 'yan. Kahit anong boses, Sir, kakaririn ko 'yan."

"What if I tell you that I have a job that will help you pay for all your debts?"

"'Wag po kayong magbibiro ng ganyan—baka po mangisay ako bigla."

"I'm not kidding, Mira. But this job requires discretion first and foremost, and a lot of courage. Do you have what it takes?"

Melchiorre and Mira - Dreams of Passion 1 (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon