Tumigil na sa pananakot ang mga kidnappers ngunit nangangaykay pa rin si Sandy sa kaba. Kulang na lang ay maidikit niya ang kanyang sarili sa pader da sobrang pagsiksik niya roon. Umaalon ang dibdib niya. At waring nakadagdag pa sa nararamdaman niya ang malalakas na tawanan ng mga nasa labas. Alam niyang nasa paligid lamang ang mga ito at marahil tuwang-tuwa ang mga ito dahil nasindak sila.
Mayamaya ay naramdaman na lamang niya na lumalapit si Jidee sa kanya at tinutulungan siyang makatayo. Halos hindi niya makayang suportahan ang kanyang sarili dahil sa panginginig ng kanyang mga tuhod.
Inilipat siya nito sa mesa at tumabi sa kanya roon. Bumaling ang kanyang mga mata rito at tinitigan ito saka siya napaiyak.
Yumuyugyog ang kanyang mga balikat, subalit impit man na paghikbi ay walang lumalabas sa kanyang bibig. Basta tumutulo lamang ang kanyang luha. Hinayaan siya nito. Nang marahil ay napansin nito na medyo kumalma na siya ay saka siya nito kinabig at niyakap.
“Huwag kang mag-alala, palalayain rin nila tayo rito.” concerned na sabi nito.
Muli siyang napatingin dito.
“B-baka patayin nila tayo.”
Umiling ito.
“Malinaw ang utos ko kay Bomera. Walang perang palalabasin hanggaʼt hindi nakatitiyak na buhay tayo.”
“Hanggang kailan tayo rito?”
“Ipinahahanda ko na ang ransom money.” anito.
Napahinga siya. Kahit na naririnig niya iyon ay hindi pa rin siya mapanatag. Ano ang malay niya kung pagkatapos na makuha ang pera ay patayin pa rin sila ng mga kidnappers. O kagaya nga ng binabalak ng mga ito na pagsasamantalahan muna siya? Marami nang kasong ganoon at wala siyang kasiguruhan na hindi mangyayari sa kanila ang ganoon.
Mayamaya ay tumayo ito at ikinuha siya ng tubig. Kung hindi pa niya dinala sa kanyang mga labi iyon ay hindi pa niya natatantong nanunuyo ang kanyang lalamunan. Said ang laman ng baso nang ibaba niya iyon.
“Natatakot pa rin ako.” muli niyang baling dito.
Masuyo nitong hinaplos ang mukha niya at nagtagpo ang kanilang mga mata. Mahirap tukuyin ang damdaming nasa mga mata nito na parang hindi rin nito kayang ipaliwanag ang ginagawa nitong paghaplos sa kanyang mukha. Subalit sa ginagawa nito ay nakadama naman siya ng seguridad.
Nakakagamot sa nararamdaman niyang takot ang bawat paghaplos nito. At noon niya napagtantong kailangan niya ito. Ginagap niya ang palad nitong humahaplos sa kanyang pisngi at dinala iyon sa kanyang mga labi.
Nasalitan ng pagtataka ang mukha nito.
“I-i n-need you.” pautal na sabi niya.

BINABASA MO ANG
Ikaw Na Nga Ang Pag-ibig
RomanceNadamay si Sandy sa isang pangyayaring hindi nya inaasahan- kasama siyang nakidnap ng guwapo at mayamang sought-after bachelor na si Jidee Kwon. Nabighani siya rito kung kaya't hindi niya masisisi ang sarili nang angkinin siya nito kahit nasa peligr...