“Alas diyes na. Tara na,” may pagmamadali sa tinig ni Nadia nang yayain siya nito. Hawak na nito ang time card at nasa tapat nang bandy clock.
Tinanggal niya ang sumbrero at mabilis nang tinungo ang kanyang locker. Nakapagpalit na ng damit ang mga ito. Naunahan pa siya gayong siya ang dapat na naka-monitor sa oras sapagka't espesyal nga sa kanya ang araw na iyon.
“May naisip ako,” sabi ni Nadia nang makalabas na sila. “Tumuloy pa rin tayo sa MotteinManila Plaza kahit hindi naman darating ang napakagaling mong boyfriend. Ipakita nating kahit na wala siya at hindi siya ang magbabayad ay kaya nating mag-celebrate doon,” sarkastikong sabi nito.
Sabay silang napatingin ni Dyovada rito. Isang mamahaling hotel iyong at isipin pa lang na doon sila kakain na walang maglilibre sa kanila ay tumututol na kaagad siya. Hindi malayong ang isang kinsenas na suweldo niya ay mauubos lamang sa isang dinner sa loob ng isang gabi.
Ngunit hindi rin naman napakarami ng pera dala niya. Wala pang limandaang piso ang cash niya sa wallet. Dala lamang niya ang ATM card nita kaya hindi siya natatakot na mapasubo kung sakali.
“Sagot ko. Regalo ko sayo.” sabi ni Nadia na tila nahulaan ang nasa isip niya.
“Nakakahiya. Mahal doon!” pilit niyang pagtanggi.
Eksaherado ang pagtataas nito ng kilay. “At kailan ka pa nahiya? Tyaka, mabubulag ka'pag tumanggi ka sa grasya” pabirong sabi nito.
“Gaga!” nakangising sagot ni Sandy.
“Teka. Hindi ba alangan itong damit natin?” tanong ni Dyovada.
“Luka-luka! Bakit magiging alangan, doon naman talaga tayo pupunta. Iyon nga lang, minus Chris” pursigido pa rin sa kanilang planong sabi ni Nadia.
Bago pa nadagdagan ang diskusyon nila ay sumakay na ito sa kotseng gamit niya. Bihira siyang pumasok na nakakotse. At kasama na sa bihirang pagkakataon ang gabing iyon. Ipinahiram lang iyon sa kanya ni Xunder.
Actually ay may reserved table na sa restaurant ng MotteinManila Plaza para sa kanila. Si Chris pa ang nagpa-reserve niyon at marahil nakaligtaan na rin ito tungkol doon.
Pabor naman iyong sa kanila. Maayos ang treatment sa kanila nang dumating sila roon. Sa may glass wall pa ang mesang ibinigay sa kanila kaya kita nila ang iba pang dumarating.
Si Nadia na rin ang maagap sa pag-order ng kakainin nila. Maghahatanggabi na ngunit puno pa rin ng tao ang restaurant.
“Galante ka yata” puna ni Dyovada kay Nadia.
Nagkibit-balikat ito. “Minsan lang naman ito. Isa pa, sarili ko naman ang pera. Huwag ako ang pag-usapan natin. Itong may birthday.” Tinapunan siya nito ng makahulugang sulyap.
“Salamat dito sa treat.” Tipid na wika niya. Alam niyang hindi naman iyon ang pinupunto nito. At hindi nga siya nagkamali.
“Trabaho na naman ano?” ungol nito. “Grabe talaga 'yang boyfriend mo. Sabihin mo sa kanya kahit na doon pa siya sa opisina nila tumira, hindi ipapamana sa kanya ng CEO ang buong kompanya! Ano ba namang 'yong ilang oras na umalis siya roon kung talagang importante ka sa kanya!” may hinanakit na sabi nito.
“Tama na'yan,” mahinang saway ni Dyovada. “Birthday na birthday ni Sandy, magsesermon ka pa riyan.”
“Wow, Lamborghini!” eksaheradong wika niya upang mawala na ang atensyon ni Nadia sa pagbibitaw ng salita laban kay Chris.
Nasasaktan siya ngunit may palagay siyang dahil iyon sa naaagrabyado niyang pride.
BINABASA MO ANG
Ikaw Na Nga Ang Pag-ibig
RomanceNadamay si Sandy sa isang pangyayaring hindi nya inaasahan- kasama siyang nakidnap ng guwapo at mayamang sought-after bachelor na si Jidee Kwon. Nabighani siya rito kung kaya't hindi niya masisisi ang sarili nang angkinin siya nito kahit nasa peligr...