Nang matanaw ni Sandy ang labas ay inilingan niya ang kanyang paningin at naghanap ng mapag-iitsahan ng yerong hawak niya.
Nanlaki ang kanyang mga mata sapagkaʼt napansin niyang labas na iyon ng bodega at nagtataasan ang mga damo. Hindi abot ng paningin niya ang kotseng dala ng mga kidnappers.
Bumaba ang tingin niya sa tatalunin. May tubig sa tapat niyon at wala siyang ideya kung malalim iyon o bunga lamang ng naimbak na tubig. Doon niya iniitsa ang yero.
Naramdaman niya ang pagpilit ni Jidee na tuluyan siyang mailusot sa butas.
“Mataas yata ang tatalunin ko!” sabi niya rito.
Tiningala niya ang bubong ng bodega. Mas kaya niyang abutin iyon kaysa talunin ang baldosa. Doon niya ikinapit ang kanyang mga kamay habang untai-unti niyang inilulusot ang kanyang sarili mula sa butas.
Nanginginig ang kanyang mga tuhod, subalit nilakasan niya ang kanyang loob. Itinuon niya ang kanyang isip kung paano makakatakas mula roon.
Sumabit pa sa isang matalim na parte ng bubong ang tuhod niya pagsampa niya roon ngunit hindi na niya ininda ang sakit ng bumukang balat. Ang importante ay makaalis siya roon.
Pagapang siyang nakaakyat doon. Ilang sandaling hindi siya halos humihinga nang sa wakas ay nasa bubong na siya. Tila naman may isip na nakamasid sa kanya ang dalawang pusang naroroon pa rin.
“Sandy!” narinig niyang tawag ni Jidee sa kanya. “Nasaan ka?”
Inilaylay niya ang isang kamay sa tapat ng butas.
“Nandito ako sa bubong.” aniya.
“Kumilos ka na.” utos nito.
“Hihintayin kitang lumabas diyan.” matigas namang tugon niya.
Pagbiling niya ay nanlaki ang kanyang mga mata. Natanawan niya ang kotse ng mga kidnappers. Isa sa mga iyon ang nagbukas ng kotse. May kinuhang panibagong bote ng alak. Hanggang sa bumalik ay hindi naman napansin ang presensya niya.
Idinaiti niya ang tainga para pakiramdaman anv mga kilos ni Jidee. Mayamaya pa ay naramdaman na niya ang pagpipilit nitong makalusot din sa butas.
Napangiti siya. Naisip niyang tama rin ang ginawa niyang pag-akyat sa bubong. Inabot niya ang kamay nito para matulungan ito. Hamak ang bigat nito kaya nag-ingat siyang hindi matangay nito.
Mayamaya ay sumenyas ito na lumayo siya nang kaunti. Nahawakan na rin nito ang bubong at waring kumukuha lamang ng buwelo. Nakamata siya hanggang sa makapanhik na rin ito.
Magkahawak-kamay na luminga sila. Mahaba at makitid ang bodega. Naghanap sila ng maaaring talunan na hindi sila makikita ng mga kidnappers. Sa isang gilid ay may bunton ng mga karton.
“Mauuna akong tatalon para masalo kita.” sabi nito.
Tumango lang si Sandy. Nang tumalon ito ay napapikit siya. Mataas din iyon at nalulula siya.
Pinagpag lang nito ang mga kamay at sinenyasan siya na tumalon na rin.
Humugot siya ng malalim na hininga saka pikit-matang sumunod dito. Bumagsak siya sa lupa subalit naagapan naman ni Jidee ang malakas na impact niyon. Ito ang nasa ilalim at sa katawan nito siya bumagsak.
Mabilis itong bumangon at inalalayan siya.
“Halika na!”
Sa pagmamadali ay natisud ni Sandy ang kaha ng lumang aircon na nakakalat lang doon. Lumikha iyon ng ingay na ikinapanlaki ng kanyang mga mata.
Napailing lang si Jidee at halos kaladkarin na siyang palayo roon.
“Tingnan mong ingay na 'yon!” narinig nilang sigaw ng isang kidnapper.
Mabilis silang nagtago sa likod ng isang drum.
“Boss, parang malayo naman ang pinanggalingan ng tunog” katwiran ng isa.
“Tignan mo pa rin!”
Malakas ang tibok ng puso ni Sandy sa kaba na baka mahuli sila, pero salamat na lamang at mula sa bubong ay tumalon ang isang pusa at lumigid-ligid doon.
“Pusa lang pala!” sigaw ng inutusan at pumihit na pabalik.
Nakahinga sila nang maluwag at tinungo ang gawing likuran ng bodega. Magkahawak-kamay pa rin sila. Talahib ang nasa paligid nila. Mahina na rin sa pandinig nila ang mga boses ng mga kidnappers.
“Tara na!” anito.
Sumunod lang siya rito. Lakad-takbong sinuong nila ang nagtataasang talahib. Sumusugat sa balat niya ang matatalim na dahon niyon, subalit hindi na niya ininda iyon.
BINABASA MO ANG
Ikaw Na Nga Ang Pag-ibig
Любовные романыNadamay si Sandy sa isang pangyayaring hindi nya inaasahan- kasama siyang nakidnap ng guwapo at mayamang sought-after bachelor na si Jidee Kwon. Nabighani siya rito kung kaya't hindi niya masisisi ang sarili nang angkinin siya nito kahit nasa peligr...