CHAPTER TWENTY

145 3 0
                                    

Maski papaano ay napreskuhan si Sandy nang makapaghilamos. Parang may yelo ang tubig na nasa drum. Bahagya pa siyang gininaw nang ipanlinis niya iyon sa kanyang katawan, subalit hindi naman niya kayang tiisin ang inaalinsanganang katawan para magselan pa.

Hanggang makalabas siya ng banyo ay tulog pa rin si Jidee. Ang kamay nitong nakahawak sa bewang niya kanina ay nasa ganoon pa ring ayos. Tipid siyang napangiti. Hindi niya alam kung dapat na pang-hinayangang bumangon na siya, subalit nararamdaman na niya ang init sa higaan. Siya ang taong walang balak na mag-inin sa banig lalo at gising na gising na ang diwa.

Maingat ang mga hakbang na nilagpasan niya ito at nilapitan ang pagkain doon. Napalunok siya. Muli ay nakaramdam siya ng gutom, subalit hindi ang pagkaing nasa harap ang nais niyang kainin.

Hindi siya mapili sa pagkain ngunit kung palaging tinapay ay tiyak na magrereklamo siya. Sanay siya sa kanin, lalo at ganoong pang-almusal.

Tila napakahirap dumaan sa lalamunan niya ang pagkain na iyon. Maingat din ang kilos niya at kung maaari ay hindi makalikha ng kaluskos upang hindi magambala ang tulog ni Jidee.

Matatapos na siyang kumain nang kumilos ito. Gising na at hinahanap siya marahil.

“May bantay ba tayo sa labas?” tanong nito sa paos na tinig.

Bumangon na ito at nag-inat.

“Hindi ko alam. Inuna kong kumain eh.” aniya sa bahagya pang na-guilty.

Ngumiti ito at tumayo para sumilip sa labas.

“Dumarating na sila.” anito sa kanya na nakasilip pa rin.

Nakatingin siya sa likod nito. He was so handsome kahit bagong gising ito. Broad shoulders and strong back. Maging ang pang-upo ay katamtaman lamang na hindi kakikitaan ng labis na taba. Sexy ito kahit na walang gaanong nag-alsahang muscles sa mga hita at binti nito.

“Dalawa... apat... lima sila.” Bumaling ito sa kanya.

Napakurap siya. Saka iniwas ang tingin dito. Nakalimutan niya ang paghanga sa katawan nito dahil sa narinig. Hindi niya alam kung dapat siyang matakot. Parang naubos na kahit kaba sa kanyang dibdib. Ni wala siyang maramdamang kakaibang pagtibok sa kanyang puso.

“M-may baril?” tanong niya.

“Gago sila kung wala.” papilosopong sagot nito at pumasok sa banyo.

Nakalimutan na niyang tapusin ang kinakain. Siya ang sumilip sa butas para usyosohin ang nasa labas. Nauulinigan nga niya ang mga yabag nga mga ito.

“Bulaga!” Kasabay na pagtapat ng mukha niya sa butas ay siya namang pagharap doon ng isang maaskad na anyo ng isang lalaki.

Ganoon na lamang ang patili niya.

“What happened?!” buong pag-aalalang tanong ni Jidee.

Hinihimas pa niya ang dibdib nang humarap dito.

“Iyong isang kidnapper, ginulat ako. Sumilip din kasi ako sa labas. Di ko alam na papasilip din pala dito yung isa.”

Umagaw sa pagsusumbong niya ang malakas na kalabog sa pinakapintuan ng pinagkukulungan sa kanila. Bumukas iyon, subalit kapirasung-kapiraso lang. Parang pinagkasya lamang ang mga mata para makita sila nang buo ng mga ito.

“Kwon!” tawag ng lider ng grupo nito.

Pormal ang mukha ni Jidee nang lumapit.

“Kailan mo kami palalayain?”

Nagmura ang kidnapper.

“Ang kukunat ng kasosyo mo. Tinatawaran ka nang limang milyon? Mabubulok ka na riyan. Kapag hindi pa sila naglabas ng beinte milyones sa loob ng dalawang araw, patay ka!” nananakot na sabi nito. “Pero si Ms. Sexy, pasasarapin muna namin bago isama sa hukay mo.”

Nagtawanan ang iba pang nasa labas. Lumuwang ang bukas ng pinto at natambad sa kanila ang apat na malalaking bulto ng mga lalaki. Nakasukbit sa katawan ng mga ito ang mahahabang baril at hindi mabilang na mga bala.

Dinig na dinig nila ang iba pang bastos na salitang pinakawalan ng mga ito kung kayaʼt panibagong takot ang gumapang sa kanyang katauhan.

Hindi kumibo si Jidee pero kita mo sa kanyang mukha na hindi nito nagustuhan ang mga kabastusang sinabi ng mga kidnappers patungkol kay Sandy.

“Ehh, bakit hindi nalang ang nanay nito ang tawagan natin? Siguradong hindi magdadalawang-isip yon na magbigay kahit magkano. Ang bunso ba naman niya ay nakidnap, hindi na magpa-tumpik-tumpik yon!” suhestiyon naman ng isang kidnapper.

“Bakit hindi?” sang-ayon naman ng lider sabay lingon sa pinaroroonan nina Sandy.
“Hoooy Kwon! Tawagan mo ang Mama mo at saka supresahin! Sabihin mong nagbabakasyon ka sa paraiso ng mga kidnappers! Hahahahaha” nakakalokong sabi nito na sinabayan ng demonyong-tawa kasama ang mga alagad nito.

Nakakalokong ngiti naman ang pinakawalan ni Jidee sa mga ito.

“Malas niyo dahil wala ang Mama ko sa bansa!”

Napatigil sa pagtawa ang mga kidnappers. Hindi nagustuhan ang kanyang sagot.

“Malas mo rin dahil papasabugin namin yang ulo mo kapag nagtigas-tigasan ka pa!” galit na wika nito.

Nawala ang mga ngiti sa labi ni Jidee dahil sa kanyang narinig. Hindi man niya aminin ay nakadama siya ng kaba sa sinabi nito, dahil alam niyang hindi ito nagbibiro.

Paitsang iniabot nito kay Jidee ang isang telepono.

“Hayan! Tawagan mo kung nasaang impyerno ang Mama mo. Sabihin mong nakidnap ang kanyang bunso!” sarkastiko pang sabi nito.

Tinitigan ni Jidee ang aparato. Tiyak niyang alam nitong may numerong maaaring matawagan ang Mama nya. Iyon ay kung wala ang Mama niya sa luxury ship at namamahinga sa hotel.

“Hindi tinititigan 'yan, Kwon. Mag-dial ka, gonggong!” inip na sabi ng kidnapper.

Tumalima na si Jidee ngunit hindi niya alam ang nasa isip at plano nito.

Makaraan ang ilang pagtatangka ay ibinalik nito sa kidnapper ang telepono.

“Walang sumasagot. Kung gusto nʼyo ay kayo na ang sumubok uli ng tawag.”

“Sigurado ka bang ito ang numero?” galit na tanong pa ng isa sa mga kidnappers.

Pormal ang ekspresyong tumango su Jidee.

“Numero 'yan ng isang hotel. Kung duda kayo, i-check nʼyo sa reception desk kung guest nila si Mrs. Michelle Kwon.”

“Talagang gagawin namin,” singhal nito. “At kapag nalaman namin na kami ay niloloko mo Kwon, magsimula ka ng tumawag ng mga santos!” dinuro pa nito si Jidee sa pamamagitan ng dulo ng baril. “Pero para sigurado ang pera, kausapin mo ang mga kasamahan mong Hari sa bangko. Utusan mong maglabas sila ng beinte milyones!”

“Hello?” pigil ang emosyong sabi ni Jidee sa aparato. “Bomera!” anito nang makilala ang tinig sa kabilang linya.

Hindi masyadong maunawaan ni Sandy ang sinasabi nito. Nakatitig siya sa dulo ng mahabang baril na nakatutok pa rin sa leeg ni Jidee. Natatakot siyang baka bigla na lamang pumutok iyon kung kayaʼt nanginginig ang kanyang mga tuhod na unti-unting napadausdos sa sahig.

Napahiyaw siya nang biglang bumagsak sa sahig si Jidee. Akala niya ay pinatay na ito ngunit itinulak lamang pala matapos na bawiin ang telepono.

Dinig nila ang malalakas na halakhakan habang muling ikinakadena ng mga ito ang kandado ng bakal na pinto at pinagbabayo pa iyon ng mga ito upang marahil ay lalo pa silang sindakin.

Lalo na siyang napasiksik sa sulok. Gusto niyang sumigaw pero naisip niyang wala ring magagawa iyon. Napatakip na lamang ang mga kamay niya sa magkabilang tainga nang makarinig siya ng mga putok ng baril.

Ikaw Na Nga Ang Pag-ibigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon