CHAPTER THIRTY-TWO

133 4 0
                                    

Gulat na gulat sina Sandy at Jidee nang dumating sila sa opisina ng huli. Ilang media men ang naroroon at halatang nag-aabang sa kanilang pagdating.

“Akala ko ba ay walang nakakaalam nito?” baling ni Jidee kay Bomera na siyang sumundo sa kanila sa terminal ng bus.

“Wala rin akong alam diyan, Sir. At saka palagi namang may nakatambay riyan na media mula nang kumalat na nawawala kayo.” pagpapaliwanag nito.

Hindi na sila nakaiwas. Hindi pa man nagsisimulang mag-interview ang mga ito ay kabi-kabila na ang pagkislap ng mga camera sa kanila.

“Mr. Kwon, totoo bang kinidnap kayo?” sabi ng isang reporter.

“Maaari ba kayong magbigay ng pahayag kung ano ang nangyari at kung sino ang babaeng kasama niyo?” tanong naman ng isang babae.

“Paano ho kayo nakatakas sa mga kumidnap sa inyo?”

“May hinala ho ba kayo kung sino ang nagplano nitong kidnapping sa inyo?”

Sunod-sunod ang mga tanong at panay naman ang iwas na ginagawa ni Jidee. Hindi naman alam ni Sandy kung anong kilos ang gagawin niya. Napapakunot na lamang ang noo niya kapag kumikislap ang mga camera.

“Payagan nʼyo muna kaming makapag-ayos ng sarili,” pormal na sabi ni Jidee. “Si Bomera na muna ang bahala sa inyo.” Kinabig na siya nito sa bewang at dinala sa silid nito.

Nang mapagsolo sila ay parang noon lang siya nakahinga ng maluwag. Humakbang ito papasok sa isa pang pinto. Nang lumabas ito ay inabot sa kanya ang isang tuwalya at T-Shirt.

“Kasya siguro sa'yo iyan. Iyon ang banyo. Mauna ka nang gumamit.”

Tiningnan niya ito nang may pasasalamat bago humakbang patungo sa pintong itinuro nito. Natutukso siyang maligo nang makadama ng tubig ang kanyang katawan. Maruming-marumi ang pakiramdam niya sa kanyang sarili ngunit nagkasya na lamang siya sa paghihilamos. Wala rin naman siyang maipapalit sa kanyang suot maliban sa T-Shirt na ibinigay nito.

Maluwang sa kanya ang T-shirt nito ngunit isinuot na rin niya. At least, pasado na iyon para maging presentable ang anyo niya. Nang lumabas siya ng banyo, maginhawa na rin ang kanyang pakiramdam.

Ilang minuto rin siyang naghintay nang ito naman ang pumasok sa banyo. Pinangahasan na niyang gamitin ang telepono at tumawag kay Yusuk.

Gaya ng inaasahan ay alalang-alala ito sa kanya. At kahit na pilit niyang sinasabing wala nang dapat pang ipag-alala ay pilit siya nitong pinapauwi. Eksaktong bumukas ang pinto ng banyo nang ibaba niya ang telepono.

Parang gusto pa niyang mainggit dito nang lumabas ito na bagong paligo. Bagong ahit din ito at amoy pa niya ang suwabeng samyo ng aftershave nito.

“P-puwede bang manghiram ng pera?” tanong nita rito. “T-tinawagan ko si Y-Yusuk. Gusto niyang umuwi na ako. Alam mo namang nawala ang bag ko. U-uutang lang sana ako ng pamasahe sa'yo. Idagdag mo na lang sa atraso ko sa'yo.”

Tiningnan siya nito.

“Hindi ka puwedeng lumabas ng opisinang ito.” seryosong sabi nito.

Napahumindig siya.

“Anoʼng balak mo? Hindi puwedeng ikulong mo ako rito.” Pagkasabi niyon ay isang matalim na sulyap ang ipinukol niya rito.

Tumaas ang sulok ng labi nito.

“Nakalimutan mo na ba? Hindi pa tayo siguradong ligtas. Kapag pinayagan kitang lumabas, anoʼng malay natin kung nag-aabang lang ang dumukot sa atin? By this time, imposibleng hindi pa nila alam na nakatakas na tayo. We have to stay here. At least, we are safe in here.”

Eksaheradong itinaas ni Sandy ang kanyang kilay.

“Paano ka makakasiguro? Ikaw yata ang nakakalimot na dito sa mismong building na ito tayo dinukot. Baka kasabwat ang lahat ng tao rito sa pagdukot sa'yo.”

“If that's the case, tiyak na hindi nila papayagan ang mga media men diyan nag-aabang. Come, kailangan na nating sagutin ang mga tanong nila.” Iniunat nito ang braso nito at hinintay na abutin niya iyon.

Umiling si Sandy.

“Ikaw na lang ang makiharap sa kanila. Nadamay lang naman ako nang dukutin ka. Wala akong isasagot sa mga tanong nila.”

“They would surely ask kung ano kita. Hindi ka ba interesadong malaman kung ano ang isasagot ko?”

“Ano naman ang dapat mong isagot? Di sabihin mo 'yong totoo.” simpleng tugon niya.

“For all I know, nang makita nila tayo, nagsimula na silang mag-isip ng kung anu-ano.”

“Gaya ng may relasyon tayo?” paismid na sabi niya. “We both know na hindi totoo 'yon.”

Nakita niyang bahagyang dumilim ang ekspresyon nito. Inaasahan niyang magsasalita pa ito, subalit nakita niyang pinaglapat na nito ang mga labi nito.

Ilang sandaling katahimikan ang namagitan sa kanila.

“Let's go. Kailangan na natin silang harapin.” mayamaya ay sabi nito sa pormal na tinig.

Ikaw Na Nga Ang Pag-ibigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon