Tangkang babawiin na niya ang kanyang kamay nang mapadako ang tingin niya sa papasok sa restaurant. Hindi niya alam kung ano ang dapat maramdaman nang mamukhan niya kung sino iyon, walang iba kundi si Jidee Kwon. At waring naramdaman nito ang pagtingin niya kaya napagawi rin sa kanya ang mga mata nito at nagtama ang kanilang mga paningin.
May isang saglit na tila lumiwanag ang ekspresyon nito. Ngunit kagyat na naglaho iyon nang mapansin ang kasama niya. Hindi niya alam kung napansin pa nito ang magkadaop na mga kamay nila ni Chris sapagkaʼt mabilis nang lumihis ang mga hakbang nito. Business associates marahil ang mga kasama nito. Pawang mga lalaki at pormal ang mga bihis.
Matamlay na binawi niya ang kanyang kamay kay Chris. Parang nawalan na rin siya ng mood. At nang pasiglahin ni Chris ang tinig nito upang marahil ay makuha nang lubos ang atensyon niya ay lalo nang hindi siya makatingin nang diretso sa mga mata nito.
“Mukhang pagod ka na,” considerate na wika nito. “Mabuti pang ihatid na kita.”
Marahang tango ang itinugon niya rito. Anhin na lamang niya ay magpasalamat para makauwi na at mapag-isa. Nalilito siya sapagkaʼt hindi niya kayang tukuyin ang kanyang nararamdaman.

BINABASA MO ANG
Ikaw Na Nga Ang Pag-ibig
RomanceNadamay si Sandy sa isang pangyayaring hindi nya inaasahan- kasama siyang nakidnap ng guwapo at mayamang sought-after bachelor na si Jidee Kwon. Nabighani siya rito kung kaya't hindi niya masisisi ang sarili nang angkinin siya nito kahit nasa peligr...